“Monumento o! Isa na lang o! Isa na lang!”
Napilitan si Lloyd na sumakay, kahit alam niyang sa “isa
pa” na iyon ay tumbong na lang niya ang mauupo. 9:30 am na kasi sa cell phone
niya, at malayo pa ang National Library.
“Konting kipot na lang po d’yan sa kanan o! Konting kipot
na lang po!”
Umusod ang mga pasahero. At habang nakayuko, sa pag-iwas sa
naghambalang na mga paa, sa dami ng mga pasahero, nakita niya ang isang makipot
na puwesto. Umupo siya. A! Ang sikip. Para siyang malalaglag.
“Bayad po,” sabi ng estudyanteng naka-PE uniform ng TUP—
walang umaabot ng bayad, kaya napilitan siya, kahit nahihirapan na siya.
“Bayad daw po,” iniabot niya ang bayad— at pagkaabot
na pagkaabot sa niya ng bayad sa isang ale, kinilabutan siya, parang gusto
niyang bumaba— may ketong ang katabi niyang lalaki!
Pinagpawisan siya ng malamig. Napalunok siya ng laway. Sa
sulok ng kaliwa niyang mata, pinagmasdan niya itong mabuti— naka-longsleeve na
stripe ito, nakasalamin, mukhang nasa singkuwenta na, at tama siya, tadtad nga
ng ketong. Napalunok na naman siya ng laway.
Nasa NLEX na ang dyip.
Pagdating sa Camachile, bababa siya, lilipat ng dyip. Hindi
niya ito kaya, natatakot siya.
“Bayad po,” isang lalaki ang nag-abot ng bayad.
Nakita niya, sa mga kamay at malungkot nitong mga mata, ang
pagnanais nitong abutin ang bayad, pero nahihiya ito, natatakot sa mga titig ng
mga kasama sa dyip.
Kinamot niya ang kaliwa niyang kamay, at sa sulok ng mata
niya, nakita niya ang malungkot na titig sa kanya ng matanda.
“Camachile, may bababa?” tanong ng tsuper.
Ipinikit niya ang mga mata niya. Nakita niya roon ang mga
mata ng matanda. Hindi siya bababa, sabi niya sa sarili.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento