Umuwi si Kenneth sa apartment na inuupahan, na
nanlalagkit at humuhulas sa pawis.
Pagkabukas na pagkabukas niya ng
pinto, hinubad niya agad ang suot na jersey, saka ni-shoot sa nakabukas na
washing machine— parang ‘yong three points niya kangina, parang mga tira ni
James Yap. Shoot.
Binuksan niya ang ref, kinuha ang
isang bote ng 1.5 na Sprite, saka tinungga.
“Sarap,” sa isip-isip niya— nabunsol
na siya sa dami nang nainom niyang tubig.
Nagbukas siya ng TV, at nanood
saglit ng PBA. Magpapahinga muna siya, para mamaya lang ay makapaglinis na ng
katawan. Ayaw niyang maligo. Hindi naman nakahihina ng katawan ang konting
dumi, pero nakamamatay ang sobrang kalinisan. Pagkalinis, matutulog na siya
agad. May pasok pa siya bukas. Sa payroll department siya ng isang bagong
kumpanya sa Ortigas.
Wala pang kalahating oras,
nagpunta na siya sa CR. Naghilamos muna siya, tapos, sinabon ang kamay, saka
isinunod ang mga paa. Gumapang sa puting tiles ang makutim na tubig, tangay ang
dumi ng kanyang mga paa— nakatapak lang kasi sila kangina. Naalaala niya ang
tatay niya. Apartment din sila noon, at ito lagi ang naglilinis sa kanya bago siya
matulog. Pinapagalitan siya nito lagi, dahil lagi na lang siyang talo sa mga
laro nila ng mga kaibigan niya. Parang hindi raw siya lalaki. At pag hihikbi na
siya, habang nakatingin sa makutim na tubig na gumagapang sa puting tiles,
titingnan siya agad nito nang masama. At matatahimik na siya.
Kung alam lang ng tatay niya kung
gaano siya kagaling ngayong mag-basketbol, at kung gaano kaganda ang napasagot
niyang CPA, natitiyak niyang ipagmamalaki siya nito. Pero wala na ngayon ang
tatay niya. Umalis ito bago siya magtapos ng elementarya, at hindi pa bumabalik
hanggang ngayon.
Nagpunas si Kenneth ng bimpo, sa
mukha, leeg, paa, kamay. At lumabas siyang basang-basa ng mainit na tubig ang
mga mata.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento