Huwebes, Mayo 3, 2012

Gusto Kong Nagbibiyahe


Gustong-gusto kong nagbibiyahe
nakikitang gumagalaw ang mga tanawin
umuusad ang mga sasakyan
may tumatawid sa mga high way
may nasisilip na pag-asa
sa mga mata ng mga estranghero sa kalsada.

Gustong-gusto kong nagbibiyahe
dahil sa pagitan ng mga pag-usad, paghinto
sa pagitan ng mga busina at sigaw ng barker
ng usok at alikabok
nakahahalungkat ako ng ideya
mula sa baul ng aking pagkabata
may nasisilip ako sa siwang ng mga susunod na araw
lumilinaw ang malalabong bagay
nakatatakas ako sa mapait na mundo.

Gustong-gusto kong nagbibiyahe
dahil umaalpas ang aking isip
at umaawit ng kahali-halinang himig ang aking puso
kundi lang sana may mga kawawang pulubi
sa mga foot bridge
may mga batang sumasakay sa dyip
at magpupunas ng iyong sapatos
may nakasusulasok na usok
na para ko pang naaamoy
kahit nasa loob ng bus na de-aircon.

Gustong-gusto kong nagbibiyahe
kundi ko lang sana nararamdaman
sa bawat pagitan ng destinasyon at tahanan
nakaririmarin na sistema ng lipunan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento