Linggo, Mayo 6, 2012

Stroll


“Sarap!” sinuntok ni Benjo ang malamig na hangin ng Disyembre.

Tumawa lang si Jomar.

Nasa talyer na sila nina PJ, lagi nilang tambayan. Madilim na at paisa-isa na lang ang daan ng mga traysikel. Katatapos lang nilang mag-stroll sa buong Bagbaguin, sakay ang bagong labas na motor ni Jomar.

“Nalibot natin ‘yung buong Bagbaguin, P’re,” tumawa si Benjo. “Panis sila. Inggit na naman ‘yong mga ‘yon,”  ang mga tambay sa kanto, na magagaling magbasketbol, ang tinutukoy ni Benjo.

Tumawa lang uli si Jomar.

May dumaan, si Eric, isa sa mga tambay sa kanto. Nakatingin ito sa kanila. Na sa katitingin nang katitingin ay nasubsob. Tumayo ito agad, saka binilisan nang konti ang lakad. Parang walang nangyari.

Nagkatinginan ang dalawa, saka inilabas ang pinipigil na tawa. Mas malakas ang tawa ni Benjo, kaysa kay Jomar, at kaysa sa talagang dapat lang niyang tawa.

“Gagu kasi!” nilakasan pa niya ang tawa niya, para masayahan si Jomar— at isinipa pa niya nang konti ang paa niya, kaso, nadikit ito sa tambutso ng motor. Napahiyaw siya sa sakit.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento