“Tangina mo naman kasi e!” sigaw ng siyam na taong si Joshua.
“Di ba sabi ko sa’yo, ‘wag nagmumura?” nakangiti ang Pareng
Boy niya, nakaupo sa bangkito, nahinto sa pagkukusot ng school uniform. Mataba
ito, maliit at maputing-maputi. Mas akmang sabihing maputla. Parang pinggan ang
mukha. Bilog na bilog. “Gusto mo bang mapunta sa imp’yerno?”
“E ano! Gago ka pala e! Masarap nga ro’n sa imp’yerno e!”
Kumakabog ang dibdib ni Vangie habang nakasilip sa bintana.
Papaano nasisikmura ng kumpare niya ang murahin ng anak? At nakangiti pa at
napakakalmado. Parang masaya pa.
Dalawang lalaki ang anak nito. Walong taon ang pangalawa,
si Joseph. Parang kambal ang mga ito, magkamukhang-magkamukha. Pati sa ugali.
Napakalutong magmura. Anong daling magsabi ng “gago” at “tangina.”
Sa Mareng Anna niya, hindi uubra ang ganoon. Noong isang hapon
nga, hinabol nito ng hanger hanggang sa kalsada ang dalawang bata. Inabutan.
Umuwing ngumangalngal ang dalawa.
Kangina, lumapit ang Mareng Anna niya, may dalang hanger.
Pero hinawakan ito sa kamay ni Boy, pinapapasok.
Naalaala niya noong bata pa ang mga anak niya. Pinaluluhod
pa niya sa munggo ang mga ito, o kaya, hinahila ang patilya. Minsan, naiisip
niyang baka masyadong marahas ang mga nagawa niya, pero pag nakikita niya ang
pagpapamihasa ni Bong, nawawala ang guilt niya. Atleast, lumaking matitino ang
mga anak niya. May nagagawa mang mali, kahit kailan, hindi siya minura ni
napagsalitaan ng mga ito. Kahit ngayong mga binata na.
Biglang inabot ni Boy ang anak, pero nakatakbo agad ito.
“O, ano? Habol!” idinipa pa ni Joshua ang mga kamay.
“Habol!”
“Papasukin mo na sabi rito ‘yan e!” boses iyon ng Mareng
Anna niya. Hiyang-hiya na siguro.
Anim na apartment sila sa compound na iyon, at lahat silang
magulang, kinikilabutan sa kabastusan ng dalawang bata. Pero hindi sila sa mga
ito naiinis, kundi sa Pareng Boy niya. Siguro, kung ito ang may trabaho, at
hindi ang Mareng Anna niya, siguro, mas nadisiplina ang dalawang bata.
“Gusto mo bang mainis pa ako sa’yo?” nakaupo pa rin si Boy.
At nakangiti pa rin.
Lumayo siya sa bintana. Kumukulo ang dugo niya sa mga ngiti
nito. Ayaw niya sa gayong mga tao, masyadong mayabang. Dinaraan sa pagiging
simple ang mga bagay, gustong patunayan na kaya iyong lutasin ng pagkamahinahon
nila, kahit hindi naman talaga. Napansin niya, madalas ang gayon sa mga lalaki.
“Baka dumating ang araw, kung ano na’ng gawin sa kanila ng
mga ‘yan,” sabi ng asawa niya nang umagang ikuwento niya rito na ayaw pasabayin
ni Joseph sa hapunan ang papa nila dahil sinaway sila.
Lalo niyang naramdaman ang bigat ng pagiging magulang.
Kinabukasan, nagbayad sa kanya ng
utang ang Mareng Marie niya.
“Nakita mo ba ‘yong ginawa kahapon ni Joshua?” tanong niya.
“Me bago pa ba? Di ka pa nasanay.”
Natahimik siya. Pakiramdam niya, napahiya siya.
“Pero, Mards, di ko kinaya ‘yong kagabi a.”
Kumunot ang noo niya.
“Sinundo ni Boy ‘yong dalawa sa laruan, ayaw magsiuwi e
kakain na sila. Ay, grabe, Mards. Kitang-kita ko kasi bumibili ako ng bigas.
Dinuraan s’ya ni Joseph sa mukha!”
Napalunok siya ng laway. Di niya alam ang isasagot niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento