Sabado, Oktubre 12, 2013

Konduktor


“Ma’am, Sir, Malinta,” kaway ni Willy. “Saglit lang, lalakad na ‘yan.” Kilala niya sa mukha ang ilan sa mga sumasakay.

Alas-singko na ng hapon. Magulo na naman sa Avenida. Nagsisikip na naman sa dami ng tao at sasakyan.

“Malinta o. Lalakad na.”

Nakikita niya sa gilid ng kaliwang mata niya ang dalawa. Nakaupo sa mahabang upuan sa karinderya, nakatingin sa kanya. Parehong nakangiti. Alam niya ang iniisip ng mga ito. Pero ayaw niya ng gulo. Ni mapikon, ayaw niya.

“Malinta po, Ma’am!” sabi niya sa estudyante ng FEU. “Bagong Silang, Bayan.”

“Napaka-good boy!”

Napalingon siya. Si Nanding iyon, nakangiti kay Kano, driver niya.

“Oo nga e,” nakapamewang sa pinto ng bus si Kano, nagpipigil ng tawa.

Napahiya siya. Ganito lang talaga ang mga ito. Malalakas mang-inis. Pero talagang hindi siya natutuwa.

Hindi siya ganito dati. At iyon ang dahilan kung bakit ganito siya ngayon.

Pag may mga sasakay, at nalamang wala nang upuan, at tatayo na sila hanggang Malinta Exit, at bababa, at lilipat sa susunod na bus, naiinis siya.

“Keaarte n’yo! Tingnan ko lang kung di kayo mainip.”

Minsan, inaway siya ng isang ale. “Wala kang pakealam, Manong, kung ayaw naming sumakay. Isang oras na b’yahe, tapos, nakatayo kami? E galing pa nga kami sa trabaho e.”

“Kearte-arte, ang panget mo naman!” sabi niya pagkasakay nito sa kasunod na bus. At nakita niyang masama ang tingin sa kanya ng babae sa tabing-bintana.

Pag may mga mag-boyfriend ding sasakay, at malalamang hindi sila magkakatabi ng upuan, kaya bababa ang mga ito, naiinis din siya.

Madalas kasi silang mag-away na mag-asawa. Idagdag pang tumatagal ngang mapuno ang bus nila.

Noong Biyernes, may magka-holding hands na sasakay. Maganda ang babae, blonde, matangkad at malaki ang dinadala. Guwapo rin ang lalaki. Medyo maputi at matangkad. Balingkinitan. Parehas mukhang lampas benti-singko anyos na.

“Wala na yata,” nakatingin sa lalaki ang babae.

“Meron pa ‘yan!” sagot niya. Nagtitinga siya. Kakakain lang niya ng lumpiang toge.

“Magkahiwalay e,” hinatak ng lalaki ang babae papunta sa susunod na bus.

“Kano!” sigaw niya sa karinderya. “Bigyan mo nga ‘to ng folding bed. Gustong magkatabi e!”

Nagulat siya. Nasa harap na niya ang lalaki. Biglang hinablot ang kuwelyo ng naninilaw niyang polo-shirt, at isinalya siya sa katawan ng bus. Bag! Narinig pa niya ang tunog at naramdaman ang sakit sa likod.

“Ano’ng sabi mo?” dinuro siya nito. “Ano’ng sabi mo?” nanlilisik ang mga mata nito.

Mabuti’t umawat sina Kano at ang ilang pasahero.


“Text mo ‘ko kung traffic!” hiyaw ni Nanding kay Kano.

Parang wala itong narinig. Dumahak lang ito, saka dumura at sumakay sa bus.

“O, ikaw nama’ng magtawag!” sigaw ni Nanding kay Kuwek-kuwek. “Tapos na ‘yung walang bayag!”

Humagalpak nang tawa si Kuwek-kuwek. Napatingin sa kanya ang ilang pasahero sa tabing-bintana at karinderya.

Sumampa na siya sa estribo. Ayaw niyang mapikon. Ayaw niya ng gulo. Hindi niya kaya ang away.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento