Miyerkules, Oktubre 16, 2013

Parentheses


nakakulong ka sa parentheses
at ako
ang naglagay nito
kaya isa kang preso
isang estranghero

preso ‘pagkat
ipinaloob nga kita
sa bilangguang kasyang-kasya ka
isang bartolina

estranghero ‘pagkat
hindi mo na nakakasalamuha
ang ibang emosyon
hindi mo sila kilala
hindi ka nila kilala

at dahil nga ipinaloob kita
sa parentheses
ikaw ang pinakamalimit kong mapansin
parang isang salita
o parirala
sa loob ng isang akda

ngayon, palalayain na kita
hindi ka na magiging estranghero
hindi na magiging preso

makikilala na kita
gaya ng iba
gaya nila

palalayain kita
‘pagkat nakaipon na ako ng tapang

at sana nga, mali ako
mapatunayan sanang kasiyahan kang
kinilala
inakala kong lungkot

ako
na ibinilanggo ng takot

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento