Nakapangalumbaba si Manilyn sa harap ng umuusok na kapeng
barako. Nasa kusina siya, at alas-dos na ng umaga. Naka-sweater siya at
padyama. Ramdam na ramdam niya ang lamig ng Enero.
Hindi siya makatulog. Dalawang gabi na. Naiisip niya ang
sinabi ni Aileen, subordinate niya at dating estudyante, bago ito nag-resign noong
Lunes.
Tatlong taon na siyang head ng IT Department, at tatlong
taon na nilang ginagawa ang pagbubulsa ng pera—sa mga seminar, sa mga outing sa
Caliraya.
Namimigay ng aguinaldo tuwing Christmas Party ang president
nila at may-ari ng eskuwelahan, si Ms. Cecille, matandang dalaga. At ipinagdidiinan
nila lagi na hindi makukuha ng mga di pupunta sa Christmas Party ang aguinaldo
nila.
“Ibabalik namin ‘yan kay Ms. Cecille,” sabi ni Luis, head
ng General Education Department, noong meeting nila, dalawang linggo bago ang
Christmas Party.
Pero ang totoo, ipinabibigay pa rin iyon ni Ms. Cecille sa
mga hindi makapupunta. Magpa-Pasko naman daw. Pero hindi nila iyon ipinaaalam
sa matanda. Dinadaya na lang nila ang pirma, para kungwari, natanggap ng mga
ito ang pera.
“Kaya kailangan n’yo po talagang pumunta,” dagdag ng
matabang si Bina, head ng HRM Department.
Tatlo sa mga subordinate niya ang hindi dumalo—si Joy,
umuwing Samar; si Gilbert, nag-Boracay, Disyembreng-Disyembre; si Melvin, nagbantay
sa nanay, inoperahan sa myoma ang nanay nito, sa PGH.
Kadalasan, P1000 ang aguinaldong natatanggap ng bawat
faculty member. Kaya mas natuwa siya nang maging P2000 ang sa bawat isa. P6000
kaagad ang naibulsa niya, hindi pa kasama ang P4000 aguinaldo niya.
Pero nalaman ni Aileen ang mga ginagawa nila. Hindi niya
alam kung papaano. Siguro, dahil alumna nila ito. O baka nalaman sa nagsialis
na mga empleyado. Masyado kasi itong ma-PR. O baka sa matatandang faculty.
Noong Lunes nga nang alas-otso ng umaga, pagkadating na
pagkadating niya, kinausap siya nito. Parang hinintay talaga siya. At iniabot
sa kanya ang resignation letter.
“Sa’n ako hahanap ng kapalit mo? Alam mo bang breach of
contract ‘to? P’wede ka naming idemanda?”
“Sige lang Ma’am, idemanda n’yo! Go!” nanlilisik ang mga
mata nito, lalong nagmukhang mataray dahil sa kapal ng eyeliner.
Beynte-dos anyos lang ito. Dalawang taon pa lang na
graduate. At noon pa mang estudyante niya ito at si Melvin, kilala na ito sa
pagiging mataray at palaban.
“Galit ka ba? “ napasandal na siya sa swivel chair niya.
“Ba’t ganyan mo ‘ko kausapin?”
“Alam mo, Ma’am,” kitang-kita niya ang galit sa titig nito,
“si Melvin, may sakit ang nanay n’on! Hanggang ngayon, di pa n’ya nababayaran
‘yong inutang na pampaopera sa nanay n’ya. Tapos, ibinulsa mo pa?”
Hindi niya nakikita ang itsura niya, pero alam niya,
namutla siya. Lumakas ang kabog sa dibdib niya at natuyuan siya ng laway.
Padabog na isinara ni Aileen ang pinto nang lumabas ito. At
noong umagang iyon din, naghakot na ito ng mga gamit.
Humigop siya ng kape. Ewan, pero palagay niya, makatutulong
ito para hindi niya mapanaginipan si Aileen.
Pero binubulungan pa rin siya ng mataray nitong boses. “Marunong
ka lang mahiya, tao ka na.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento