Umabot sa boiling point ang dugo ni Ma’am Banaue, physics instructor.
Ayaw na ayaw niyang may inaantok, o
naghihikab sa klase niya. Ipinapahiya niya talaga. Pag may mga ganito kasi,
pakiramdam niya, hindi siya effective teacher. Isa pa, nakakahawa ang hikab.
Scientifically proven.
Pero hindi basta iyon ang dahilan kung bakit siya nagalit.
Kundi dahil sa dinami-rami nang puwedeng antukin, si Jerome pa. Paborito niya
ito. May itsura kasi. Nakaka-appreciate ng mga lesson. At medyo matalino rin.
“Mahirap bang intindihin ‘yung sinabi ko?” nakapamewang na
siya. Nakapantalong itim siya, blazer at purple na blouse. “I said, out!”
Tumayo si Jerome, nakayuko. Matangkad ito, maputi,
naka-mohawk hair style. Namamaga ang mga nito. Dinampot ang itim na Jansport na
backpack, lumabas.
Alam niyang nagulat ang mga estudyante niya. Bakit siya
nagpalabas? Unang beses ito. Dati, namamahiya lang siya.
Biglang sobrang tahimik sa klase. Dinig na dinig ang ugong
ng mga ceiling fan.
Kumukulo pa rin ang dugo niya.
“Yes, siesta ang class natin. One to two thirty. But it
doesn’t mean na p’wede na kayong matulog dito! You enrolled this class. Kung
inaantok kayo, ‘wag na lang kayong pumasok!”
Pagkatapos ng klase, medyo nakonsensiya siya. Papaano kung
marami lang palang requirement sa major subject iyong bata?
“Kumulo ‘yung dugo ko sa student ko,” bungad niya kay Mr.
Pablo, Filipino teacher. “Natulog ba naman sa klase ko!”
Sinimulan niya ang kuwento para makahingi ng opinyon, kung
tama ba ang ginawa niya. Ayaw niyang ma-guilty. Marami man itong ginagawa,
hindi pa rin ito dapat natutulog sa klase. Nakakabastos.
“Ano po’ng name?” nahinto ito sa paglalagay ng gamit sa
locker.
“Si Jerome Ecouter. ‘Yung engineering.”
“Aaa,” sagot ni Mr. Pablo. Lumapit ito sa kanya. “’Wag n’yo
na lang pong ik’wento a.”
Hindi siya kumibo. Bigla siyang kinabahan.
“Sabi n’ya kasi sa’kin, ‘wag daw ipagsasabi. Ako lang
kasi’ng sinabihan n’ya e. ‘Yung mga classmate nga n’ya, di rin alam. Gusto raw
kasi n’ya, tahimik lang.”
“Ano ba ‘yon?” di na siya nakatiis. Mas malakas na ngayon
ang kaba niya.
“Namatayan po kasi sila,” sabi ni Mr. Pablo. “Dad n’ya. Ngayon
po ang last day ng burol.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento