Sabado, Oktubre 5, 2013

Ina


Patay na ang mga ilaw sa bahay nang tumulo ang luha ni Chloe. Nakatagilid siya, kaya basang-basa ang unan. Sa mahabang upuang kahoy sa sala siya nahiga, at nahihirapan siya, dahil mas mahaba siya rito. Ayaw niyang matulog sa kuwarto. Parusa niya sa sarili.

Isang oras na rin siya roon, pero hindi pa rin siya makatulog. Naririnig pa rin niya ang pagtatalo nila ng mama niya. Pagkaalis na pagkaalis iyon ni Laurence, manliligaw niya.

“Ano’ng mapapala mo ro’n, kun’sakali?” mahinahon ang boses ng mama niya. Nasa sala sila. Singkuwenta anyos na ang mama niya. Maiksi ang buhok. Maputi. Maganda.

“’Ayan na naman ba kayo?”

“E tambay lang ‘yon, e. Kahit nga sina Mareng Rose, nagulat na nangliligaw sa’yo ‘yon. E lagi raw umuuwing lasing ‘yon. Walang trabaho. Hindi nakatapos. Parang walang kapanga-pangarap sa buhay.”

Totoo ang mga iyon, alam niya. Pero ewan ba niya, magaan ang loob niya kay Laurence. Masarap itong kausap. Masaya siyang kasama ito. Hindi lang basta dahil guwapo ito at lalaking-lalaki ang dating.

“Sabihin mo, ‘wag nang manligaw sa’yo,” titig na titig sa kanya sa mama niya.

“Ayoko!” napalakas ang boses niya.

“Chloe,” lumapit ang mama niya, “inilalagay ka lang sa ayos.”

“Puro naman kayo ganyan, e!” malakas pa rin ang boses niya. “Pa’no n’yong malalaman kung ano’ng maayos sa’kin e hindi n’yo naman nararamdaman ‘yong nararamdaman ko?”

“Dahil malapit ang bibig sa tenga,” naalaala niya, sabi iyon ng titser niya, “naririnig natin ang sinasabi natin. Doon tayo nasusugod ng konsensiya.” At naisip niya agad, mali. Mali siya.

“Ikaw lang ang inilalagay sa ayos,” basag na ang boses ng mama niya. “Ganyan mo pa ‘ko sagutin.”

Agad itong nagpunas ng luha. Saka patakbong umakyat sa kuwarto.


Gusto niyang mag-sorry, pero nahihiya siya. Papaano? Ano ang sasabihin niya? Ayaw rin naman niyang bastedin si Laurence.

Nag-oopisina ang mama niya. At wala naman siyang pasok pag Miyerkules. Kung tatanghaliin siya nang gising, kahit alas-otso lang, hindi na niya ito aabutan.

Niyakap niya ang sarili sa sobrang lamig. Ayaw niyang kumuha ng kumot sa kuwarto niya. Maging iyon, parusa niya sa sarili.

Alas-singko nang maalimpungatan siya. At yakap-yakap na siya ng kanyang kumot. Mula dibdib hanggang paa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento