Sabado, Oktubre 12, 2013

Kwaaak


“Roger, Roger, kwaaaaak,” nakatapat sa bibig ni Baldo ang cellphone niya, ginagawang radyo. “Roger, Roger, kwaaaaak.”

Tawanan.

Eksena ito noong isang hapon, sa tapat ng bakery. Ginagaya ni Baldo si Kuya Bobet.

Kapitbahay namin sina Kuya Bobet, apat na apartment lang kami sa compound namin. Magkukuwarenta na siya. Maitim na mataba. Parang ang dumi-dumi sa katawan. Laging parang ang lagkit-lagkit.

Siya ang nag-aalaga sa dalawa nilang anak, parehas elementary. Ang asawa niya ang nagtatrabaho, si Ate Rose. Bihirang-bihira kong makita si Ate Rose. Panggabi kasi sa pabrika ng sardinas.

Maraming naiinis kay Kuya Bobet. Mayabang kasi. Sa mga kuwentuhan, laging siya ang magaling. “Dapat, gan’tong ginawa mo…” “Kasi, ‘yong mga ganyan…” Kahit kitang-kita naman sa kanyang siya mismo, hindi naiintindihan ang sinasabi niya.

“Mapagmarunong,” sabi nga ng mga tambay. “Parang may plema naman pag nagsalita. An’sama ng boses.”

Kahit sina Nanay, Tatay at ang dalawa kong kapatid, inis na inis sa kanya. Pero hindi lang dahil sa kayabangan niya. Kundi dahil sa pagdahak niya. Napakadalas.

Maliit lang ang inuupahan namin, kaya wala kaming kusina, ni mesa. Nagsalampak kami sa sala pag kumakain. Tapos, gagawin naming trenta ang volume ng TV. Panay kasi ang dahak niya, tapos, sa daan na lang dudura.

“K’waaaaaaak… k’waaaaaaaaaaaaak… k’waaaaak.” Tapos, maririnig ko ang tunog ng malapot na dura na tatama sa semento.

Kahit pag lalabas ako, nakikita ko ang mga iyon. Minsan, sariwa pa. Nakakadiri.

Hindi naman ako maarte, pero naiinis talaga ako sa mga dumudura sa daan. Pakiramdam ko sa mga gaya nila, walang modo. Puwede namang sa kanal dumura.

“Ba’t ba di s’ya magpagamot? Baka mam’ya, kung ano na ‘yan.”

“Ewan ko sa kanya,” halatang irita sa kanya si Nanay.

Kahit ako naman kasi, irita rin kay Kuya Bobet.

“Dapat, di HRM ang kinuha mo,” hindi ko na halos maintindihan ang ‘HRM’ dahil sa boses niya. “Pangkatulong lang ‘yon,” sabi niya sa bunso namin.

Pero napalitan ng awa ang inis ko kay Kuya Bobet, nang dumaan ako kagabi sa Victory Mall, sa Monumento, para bumili ako ng clear book sa National Book Store, pabili ni Bunso. At makita ko sa tapat ng Grand Central si Ate Rose. Nakayakap sa braso ng isang lalaki.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento