Biyernes, Oktubre 4, 2013

Dean


Napakalaki ng kinalaman ng edad kaya naloloko ang isang tao. Dahil malaki ang kinalaman nito sa ideyalismo. Ito ang pinakanatutuhan ko sa sa una kong trabaho.

Beynte-uno lang ako noon. Kaga-graduate lang.

Bata lang din ang dean namin, higit trenta lang. Matangkad at guwapo. Pero bading.

“My cardinal rule, as your supervisor, is to be fair. Lagi akong walang paborito,” sabi niya noong orientation.

Dahil nga bata pa ako, naniwala ako.

Pag may mga tanong ako, at kailangan ko ng payo tungkol sa classroom management, sa kanya ako lumalapit. At hindi naman ako nabibigo. Naging magaan tuloy lalo ang loob ko sa kanya. Gusto ko siya bilang boss ko. Madaling lapitan. Patas.

Sana, ganoon ang lahat ng boss. Masarap magtrabaho kung ganito ang supervisor.

Isa si Jenny sa mga naging ka-close ko roon. Bago lang din, beynte-otso, tourism major. Matalino at OK ang performance niya. Walang absent, ni-late. Mataas ang evaluation ng chairperson at ng mga estudyante. Napakagaling daw talagang magpaliwanag, sabi ng mga bata. Iyong komplikado, nagiging simple.
Magpi-prelim exam nang umalis siya. Isang taon pa man din ang kontrata namin.

“Babalik na kasi ‘kong Canada. Sayang din ‘yon. Sana naman, maintindihan nila.”

Wala pang kuwarenta kaming mga faculty member. Umalis si Jenny nang iilan lang ang nakaaalam. Kaming malalapit lang sa kanya. At parang iilan lang din ang may pakealam.

Ikinalungkot ko iyon. Ang unti lang kasi namin, tapos, hindi pa ramdam ang pag-alis ng isa. Wala man lamang maganda-gandang exit. Walang bakas ng pagiging pamilya. Maiintindihan ko sana kung napakarami namin, kaso, hindi. Saka wala namang ginawang masama iyong tao. Nagpaalam naman nang maayos. Pero naisip ko, siguro, ganito talaga. Para hindi na rin mabigat sa pakiramdam ng mga maiiwan.

 “P’wede nga natin s’yang idemanda e,” sabi ni Dean sa seminar para sa darating na anniversary ng college, may nagtanong kasi tungkol kay Jenny.

Naisip ko noon, may mali nga rin talaga si Jenny.

Kalagitnaan ng semester at katatapos lang ng midterm week nang katukin ako sa klase.

“Sir, may meeting po sa faculty. Urgent,” sabi ng isang titser.

Ni-dismiss ko agad ang klase ko. Inis na inis ako. Wala man lang maaga-agang pasabi.

Pagdating ko sa faculty room, nandoon na ang halos lahat ng coteacher ko. Nasa kabisera ng mesa si Dean, katabi si Sir Lino, Math Istructor.

Malungkot ang mukha ni Sir Lino. Guwapo ito. Maputi. Naka-brace. May limang taon na roon bilang instructor.

Si Dean naman, nangingilid ang luha.

“I really have to tell you this, kasi, mali,” sabi niya nang nasa kalagitnaan na siya ng pagsasalita. “Lino have to exit in our college,” pumikit siya. “Dahil nakabuntis s’ya ng estudyante.”

Napanganga ang iba sa amin. Ang iba, halatang alam na.

Pagkatapos, hiningian kami lahat ni Dean ng final say kay Sir Lino. Isa-sa. Umiiyak na siya noon.

Nang malapit na ako, nag-excuse ako saglit, at nagpunta sa CR. Babalik na lang ako pag tapos na ang meeting.

Sa CR, naisip ko, sa Marso, kailangan, mag-apply na ako sa ibang eskuwelahan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento