Naniniwala akong mahalaga sa atin
ang isang tao, basta nangarap tayo ng para sa kanila. Kaya alam ko, mahalaga sa
akin si Ate Marietta.
“Matanda lang
ako nang ilang taon do’n,” sabi ni Mama nang tanungin ko siya kung sino ang mas
matanda sa kanila ni Ate Marietta.
Kuwarenta’y
singko na si Mama. Kaya palagay ko, lampas kuwarenta na rin si Ate Marietta.
Pero ang nakalulungkot, wala silang anak. Samantalang ako, pangalawa ni Mama,
beynte anyos na.
Pero may
anak-anakan si Ate Marietta, si Marian. Isinunod niya ang pangalan nito kay
Marian Rivera. Pumapalo noon sa rating ang “Marimar” ng GMA nang ibigay ito sa
kanya ng katrabaho ni Kuya Romeo, asawa niya.
Mananahi si Ate
Marietta. Sa kanya nagpapatahi ng mga kurtina para sa classroom ang mga titser
sa hayskul, marami ring nanay na sa kanya nagpapatahi ng uniporme ng mga anak
nila.
“Okey na ba
‘yung ganyan?” itinupi niya ang laylayan ng pantalon ko. Nakasampay sa leeg
niya ang medida.
Maitim siya,
nakasalamin. Mas marami pang uban kaysa kay Mama. Mukha ring mas matanda pa kay
Mama. Marami nang gatla sa noo.
Tumango ako, at
minarkahan niya ng tailor’s chalk ang tupi ng pantalon. Nasa paanan ng makinang
panahi si Marian, may nginangatngat na retaso. Kulay lansones ito, puti ang balahibo
sa paa, medyo mataba, putot. Amuy na amoy ang tae at ihi nito, humahalo sa amoy
ng mga tela.
Punung-puno ng
tela ang maliit na nga nilang apartment. Meron sa kama. Sa sahig. Sa sopa. Sa mesa.
Madalas akong
magpa-repair ng pantalon kay Ate Marietta.
Ang luluwag kasi’t ang hahaba ng mga nabibili ko sa Divisoria. Pag
ipinapabaston ko o ipinapa-semi straight, beynte lang ang singil niya. Di gaya
sa iba, singkuwenta. Pero pag pinapuputulan ko lang, hindi na niya ako
sinisingil.
Noon gumaan ang loob
ko sa kanya. Hanggang sa mapansin ko na lang, kasama na pala siya sa mga dasal
ko. Na sana, magkaanak na sila ni Kuya Romeo.
Kitang-kita
namin ang pagtuturing niya kay Marian bilang anak. Tinatawag pa niya ito bago
siya mamamalengke sa Balintawak.
“Hoy, Marian!”
bitbit na niya noon ang kanyang bayong. “Pumasok ka na rito! Tatanghaliin na
‘ko!”
Nagtatatakbong
lalapit sa kanya si Marian. Gigitgit sa mga paa niya.
“Pasok, dali!
Pasok! Pasok!” Tapos, isasara niya ang pinto.
Pag may mga
pinupuntahan nga raw silang handaan, sabi ni Mama, ipinagsusupot pa nito ng mga
buto si Marian.
Beynte-dos na ako
nang mabuntis si Ate Marietta. Sobra ang tuwa nila noon ni Kuya Romeo.
Isang araw,
kuwento niya sa amin, pagbukas niya ng pinto, nakita niya si Marian. Nakahiga
sa sopa. Hindi na humihinga.
“Sa katandaan na
rin siguro,” sabi niya, habang hinihimas ang tiyan. “Nalungkot din ako.
Ipinatapon ko na lang kay Romeo sa tulay.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento