Lunes, Oktubre 7, 2013

Auditing


Bumuntong-hininga pa ako bago marahang itinulak ang pinto ng HR Office.

“Ba’t ka mahihiya, karapatan mo ‘yan!” parang naririnig ko pa ang boses ni Ma’am Fe, economics teacher at labing-limang taon na sa eskuwelahan. “Trabaho mong magturo. Trabaho n’yang mag-compute nang mabuti ng sahod.”

Lumakas ang loob ko. Sana, amoy pa ang pabango ko. Katatapos ko lang ding maghilamos.

Pero naiisip ko rin ang ibinulong sa akin ni Ma’am Donna. “’Wag kang masyadong nagtatanong. I hope you don’t get offended a. Naiinis kasi sila. I’ve been in this school long enough.”

“Yes, Sir,” nakita agad ako ni Ma’am Lilet, payroll master. “Wait lang Sir a,” pumasok siya sa cubicle niya at tinanggal ang papel na naka-post sa dingding.

“Dito tayo, Sir.”

Umupo kami sa magkaharap na upuan. Sa pagitan namin, ang salaming mesa.

Nakasalamin si Ma’am Lilet. Maputi. Payat. Lampas-trenta na. Kadalasang itsura ng mga CPA na napapanood ko sa TV.

“’Yong make-up class n’yo po Sir, kaya walang bayad, kasi wala naman kayong missed class.”

Kumunot ang noo ko. Hindi ko naintindihan.

“Gan’to po,” ipinakita niya sa akin ang post-it paper, nakasulat doon ang date kung kailan ko ni-conduct ang make-up class at kung kailan ang missed class ko. “September 5 po kayo nag-conduct ng make-up. Wala pong kaso ro’n. Kaya lang po, ang inilagay n’yong missed class, August 9. May klase po no’n.”

“So, wala na po ‘yon?” alam kong mas nakakunot ako ngayon. “Kasi po, one week namang suspended ang klase dahil bumabagyo. Kaya akala ko, given nang pag nag-make-up kami, may na-miss kaming class.”

Pangalawang term ko pa lang ito, kaya iyon ang mga unang beses na nag-make-up class ako.

Inayos niya ang salamin niya. “Hindi po, Sir. Strict po talaga sa date. May auditing po kasi kami.”

Nanghinayang ako sa P400. P200 ang per hour ko. Pero hindi na lang ako kumibo.

Basta walang pasok, holiday man o suspended ang klase, hindi kami bayad na mga part-timer. Kahit nga dumating kami sa eskuwelahan nang 4 PM, at nag-suspend nang 4:30 PM, hindi pa rin kami bayad. Kaya talagang nagmi-make-up class ko.

“Okey, ‘eto na lang po, Ma’am,” inilabas ko ang dalawa kong payslip. “Eight hours lang po kasi’ng nakalagay,” ipinakita ko ang payslip ng September 30.

Tumango si Ma’am Lilet.

“’Eto po ‘yung schedule ko ngayong term,” ipinakita ko ang isang long bond paper. Apat na klase ang inabot ng cut-off, dalawang oras ang bawat klase. “Five to twenty po ang cut-off di ba?”

Tumango siya.

“May four hours din po ako nitong five,” ipinakita ko ang isa pang long bond paper, schedule ko last term.

Term break ang September 12 hanggang 18. Exam naman nang September 6 hanggang 12. At walang written exam ang subject ko dahil research. Wala akong proctoring. Kaya September 5, 19 at 20 lang ang ipinasok ko.

“Oo nga po ‘no?” inayos uli ni Ma’am Lilet ang salamin niya, at inilapit ang mukha niya sa papel.

“Sige po, Sir. I-check ko po.”

Ngumit ako. Pilit.

“Tawag na lang po kayo bukas.”


Papunta sa faculty room, naisip ko ang mga puwede kong mabili sa P400.

At naisip ko, bakit ganoon? Akala ko ba, may auditing. Pero bakit ang kulang na bayad sa akin, hindi na-audit. Pero ang maling date ng missed class, na-audit. Hindi tuloy nabayaran ang make-up class ko.

Napahinto ako sa isang baitang ng hagdan. Napakuyom ako. Nalungkot ang tangan kong mga papel. Kasama ang dalawang payslip.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento