Linggo, Oktubre 6, 2013

Boyfriend


“Sino ‘yan?” nangibabaw sa tahol ni Chuchu ang boses ng Tita Marie niya.

“Ako po, Tita.”

Lumabas ito at binuksan ang gate. “Pasok, pasok.”

Nagmano siya.

“Wala pa si Froilan e,” sabi nito nang nasa sala na sila.

Hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin. Kaya iniabot na lang niya ang isang kilong lansones na binili niya sa daan.

“Naku,” napangiti ang Tita Marie niya, “salamat.” Magkahawig na magkahawig ang mga mata nito at ni Froilan. Parehong singkit at mapungay. Ang sarap titigan.

Magdadalawang buwan na silang wala ni Froilan. At siya ang may kasalanan. Niligawan siya ng isang marine engineering sa PMI, at sinagot naman niya. Mas guwapo si Froilan kaysa rito, mas mahal din niya. Pero parang gusto naman niya ng iba. Ng bago.

Ngunit nakarating iyon kay Froilan. May nakakita kasi sa sa kanila sa MOA. At nakipag-break ito sa kanya.

Gusto niyang sisihin ang mga quote sa text message. Pag nagkaroon ka raw ng dalawang mahal, piliin mo ang pangalawa. Dahil di ka naman magkakaroon ng pangalawa kung mahal mo talaga ang una. Mali, sa loob-loob niya. Maling-mali. Hindi lang talaga marunong makuntento ang tao.

Tumahol uli si Chuchu.

“Wait, Jin a,” lumabas si Tita Marie niya.

Naiwan siyang nakaupo nang tuwid sa sopa. Inamoy niya sa pulso niya ang Herbench niyang pabango. Mabuti’t amuy na amoy pa rin.

“Nar’yan si Jin.”

Si Froilan na iyon. Naramdaman niya ang panunuyo ng laway niya.

“Good evening po,” di niya kilala ang boses na iyon. Babae.

Kumabog ang dibdib niya.

Naunang pumasok ang Tita Marie niya, kasunod si Froilan. Nakahawak rito ang babae. Mahaba ang buhok at may kaunting tagyawat. Chubby.

“O, musta?” bati nito sa kanya.

“Ayos lang,” hindi niya ito matingnan. “Napadalaw lang.”

Umupo sa dalawang katabing upuan ang dalawa. Gusto niyang sipatin nang tingin ang babae. Pero hindi niya magawa. Hindi niya kaya. Sa gilid ng kaliwang mata niya, nakikita niya, malaki ang mga paa nito. Mas maputi rin siya. Mas magandang pumorma.

“Bili lang ako ng softdrinks a,” ipinatong ni Froilan ang kamay sa hita ng babae.

Diniinan ng kanang hinlalaki niya ang number 1 sa cellphone niya nang walang tingin-tingin. At habang kumakabog ang kanyang dibdib. Tumunog ang cellphone sa bulsa ng Oxygen niyang blouse.

Dinukot agad ito ng kaliwang kamay niya. “Hello,” tumayo siya, inilagay sa backpocket ng Penshoppe niyang pantalon ang isa pang cellphone. “Opo, opo,” binilisan niya ang pagsasalita. “Opo. Sige po,” at ibinaba na niya ang cellphone.

“Uy, mauna na ‘ko,” tiningnan niya si Froilan. Mas makinis ito ngayon. Parang tumaba rin. Nagkapisngi. “Urgent matter.”

Tumango lang ito. Titig na titig sa kanya ang mapungay na mga mata. Parang ang daming gustong sabihin.

“Sige po, Tita,” humalik pa siya sa pisngi nito.

“Di ka muna kumain?”

“’Wag na po. Salamat na lang.” Ramdam niyang basag ang boses niya.

Inihatid pa siya ng Tita Marie niya hanggang sa gate.

Sa labas, dinig na dinig pa rin niya ang mga tahol ni Chuchu. Habang pinupunasan niya ang kanyang luha.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento