“Malinis na konsens’ya ang pinakamalambot na unan.” Ito ang
sabi kahapon ng pastor sa Canumay West nang isama si Eric ng ate niya na
magsimba.
Bumiling siya, dumapa, tumihaya, at bumiling ulit. Niyakap
ang unan, binitiwan, niyakap ulit. Patay na ang ilaw at hatinggabi na. Wala
siyang ibang nakikita kundi liwanag ng puting kisame. Walang ibang naririnig kundi ang
mahinang ugong ng wall fan. Pero talagang hindi siya makatulog. Naalaala niya
ang nangyari noong Sabado. Hindi rin siya makatulog nang gabi iyon at kagabi,
pero mas matindi ngayon. Gayong pangatlong gabi na ngayon mula noon.
Tanghaling tapat iyon. Galing sila ng ate niya sa Puregold
sa Paso de Blas. May bitbit siyang dalawang grocery bag. Nauuna siya. Ganoon siya
lagi, inuunahan niyang maglakad ang ate niya. Masyado kasing mabagal.
Nai-stress siya pag mabagal ang kasabay niyang naglalakad. Kaya para di siya
mainis, lagi siyang nauuna.
May dumaang dyip at kotse. Hindi siya tumawid. Tatawid na
sana siya, pero may parating ulit na kotse. Baka abutin siya. Hindi muna siya
tumawid. May motor. Medyo malayo pa. Tatawid siya. Pero naisip niya, mabilis
ang motor. Hindi siya tumawid. Malapit na ang motor. Hindi naman mabilis.
Tatawid siya. Pero baka abutin siya. Umatras siya. Nang ilang dipa na lang ang
motor, humakbang siya. Para pagdaan nito, makatawid siya agad. Nalaki ang
hakbang niya. Mababangga siya nito. Humakbang ulit siya. Pero pumaling ito. Mababangga
siya. Umatras siya. Nawalan ito ng balanse, sumadsad.
“Oy!” sigaw ng isang matanda.
May mga lumapit sa nakamotor. May babaeng napatakip ang
kamay sa mata.
Naka-helmet itong itim. Umaagos ang dugo sa braso, habang
hirap na hirap sa pagtayo. Naipit ang isang paa nito. Tinulungan ito ng isang
lalaki, habang may isang nagtatayo sa motor.
Nakatingin sa kanya ang isang ale. Napalunok siya ng laway.
Tumawid siya bigla, sumingit sa mga mga taong tumatawid.
Kangina nga, nakita niya sa pelikulang pinanonood ng ate
niya sa laptop ang kotseng sumalpok sa
puno nang iwasan nito ang squirrel sa kalsada. Naipit ang paa ng driver nito. At
kinailangang putulin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento