Martes, Mayo 29, 2012— Ewan ko ba, pero bigla kong naalaala ang libro kong “Mga Uod at Rosas” ni Sir Edgardo M. Reyes. Christmas gift sa akin ng estudyante ko. Itinext ko pa tuloy ang mama ko para malaman ko kung nasa aklatan ko iyon. Nasa Nueva Ecija kasi ako. Nag-reply si Mama, nandoon daw.
Pagdating ko sa Valenzuela, nalaman
ko sa Facebook account ni Sir Reuel Aguila, patay na si Sir Edgar. Noong Mayo
15. Inilihim sa publiko ang kamatayan. Talo ko pa ang nasampal. Naalaala ko ang
kagustuhan kong makakuwentuhan siya. Sabi ko pa dati, pag nakatapos na ako ng
isang libro, siya ang pagagawain ko ng panimula, kahit ayaw niyang gumagawa ng
ganoon. Kakapalan ko na ‘ka ko ang mukha ko. Pero wala na palang matutuloy
roon.
Si Edgardo M. Reyes, isa sa
pinakamahusay na kuwentista at nobelista sa bansa, at panandang-bato ng
Panitikan ng Pilipinas, ay napakalaki ang kinalaman sa aking panulat. Isa siya
sa mga inspirasyon ko kung bakit ako nagsusulat. Isa sa mga pumukaw sa aking
diwa upang magsulat at maglagalag. Isang panulat na tiitingala, na alam kong
hindi ko mahihigitan.
Tatlong bagay ang natutuhan ko mula
sa panulat ni Sir Edgar. Una, ang kapayakan ng kanyang mga tema. “Di Maabot ng
Kawalang-Malay,” isang simpleng kuwento ng dukhang bata; “Ang Bahay na Iyon,”
kuwento ng isang kulturang iginagalang; “Si Ama,” tungkol sa may paninindigang
haligi ng tahanan; “Paalam sa Isang Kaibigan,” hinggil sa lagay ng
pagkakaibigan sa pagpapalit ng kalendaryo at patuloy na paggalaw ng mga kamay
ng orasan. Natutuhan ko sa kanya ang kapayakan, na kahit walang namatay,
maaring magkaroon ng malungkot na katapusan. Hindi siya gumamit ng kamatayan
upang kilabutan ako sa “Kung Saan Tubo,” o upang makaramdam ako ng kakaibang
lungkot sa “Emmanuel.” Oo’t nagaganap din naman sa tunay na buhay ang kuwento
ng mga bata sa iskuwater, o ng mga puta, pero ang mga tema ng panulat ni Sir
Edgar ay mas payak pa rito. Mga temang nagpakilala sa atin, sa akin, na may
lalim sa kapayakan, na iba ang ganda ng mga bagay na simple.
Ikalawa, hindi ko malilimutan ang
husay niya sa banghay. Ang kinis niya sa pagkukuwento. Na kahit gumamit siya ng
mga flashback, na pinaniniwalaan nakapagpapahina sa isang akda, ay nananatili
pa rin ang daloy ng kuwento. Hindi kumukupad o nakakaldag. Hindi mapuputol ang
paglalakbay ng iyong diwa. Ilog na hindi masagkaan ang kanyang mga akda dahil kakinisan
niya sa pagdadala ng kuwento.
Ikatlo, natutuhan ko sa kanya ang paggamit
ng mga pilosopiya sa mga akda. Kaya marahil naniniwala akong mga manunulat ay
mga pilosopo. Hindi ugali ng panulat ni Sir Edgar na magkuwento lamang sa pagitan
pamagat at huling tuldok. Ang mga gawa niya ay laging may hinihimay at
inihahaing pilosopiya. Tahasan man o nasa pagitan ng mga linya.
Pansinin ang mga pilosopiya, na
tahasan niyang binanggit sa kanyang mga akda:
“Nawawalan ng lasa ang
pinakamasarap mang pagkain pag araw-araw ay nakahain sa iyo.”—“Gilingang-Bato”
“Laging kasama sa pagunita ang
kanyang edad. Nakaliligaya kung titimbangin sa punto ng alaala. Ngunit masakit
din kung sisilipin sa kahulugan na habang tumatanda ang tao ay minamaliit ang
katuturan.”— “Orasan”
Ang una kong nabasang nobela ni Sir
Edgar ay ang “Ang Mundong Ito ay Lupa.” Ang pinakagusto kong nobela. Hanggang
ngayon. Kahit ilang nobela na rin ang natapos ko. Tumatalakay ito sa isang malalim
na bagay. Ang kalikasan ng tao. Na mayaman man, mahirap, edukado o walang
pinag-aralan, ay may likas na kasakiman sa kapangyarihan at libog at iba pang
makamundong pagnanasa. Ngunit hindi ko masyadong naramdaman ang lalim nito nang
mga gabing binabasa ko ito, sa galing magdala ni Sir Edgar. Dito ko nakilala si
Ned, si Zenaida Nazareno, isang napakagadang nursing student, na nangangarap
maging playwright, matapos mabasa ang ilang akda ni Henrik Ibsen. Probinsiyana,
galing sa konserbatibong pamilya at walang alam sa kalakaran sa lungsod. Hindi
ko ikahihiyang sabihin, na na-inlove ako sa karakter na ito na si Ned. Buhay siya
at humihinga. Isang tunay na tao at tunay na babae. Nakikita. Naamoy. Nahahaplos.
Hindi iyong karakter na pinilit buhayin sa pamamagitan ng mga paglalarawan.
Binuhay ni Sir Edgar si Ned sa pagitan ng mga tagpo at sitwasyon, kaya kahit
hindi naganap ang isang tagpo sa nobela, kung nasa isip mo ito, may ideya ka na
sa magiging reaksiyon ni Ned. Kung maharap siya rito. ‘Pagkat buhay siya. Humihinga.
May sariling gawi at ugali ng isang babae.
Patunay ito na napakahusay na
manunulat ni Sir Edgar. ‘Ika nga, ang magaling na manunulat, “He knows how to
make loveable characters. You love to love her. You love you hate him. You love
to tease him.” At ganito ang mga tauhan niya. Pawang buhay. May nakakainis. May
nakakatuwa. May kaibig-ibig. Gaya ni Dick Almeda, ni Bobet, ni Regie Yumang, ni
Ligaya, ni Julio, ni Imo, ni Claudia, ni Emil, ni Emmanuel, ni Ilay, ni Pap.
Tandang-tanda ko pa kung gaano kalaki
ang simpatya ko sa batang si Ida nang hapong binabasa ko ang “Di Maabot ng
Kawaalang-Malay.”
Napakalaki ng iniwan sa akin ni Sir
Edgar. Hindi lang sa panulat kundi maging sa mga paksa. Naalaala ko ang maikling
kuwento niyang “Emmanuel.” Tungkol sa isang lalaking naghahanap ng kaligayahan.
At ang nakalulungkot, hindi niya alam kung bakit siya malungkot. Isa ito sa mga
naging inspirasyon ko ng aking si Ghint sa aking “Di Mo Maabot ang Kalangitan.”
Isa sa pinakaminamahal kong maikling kuwento ko.
Sa nobela naman, isa ko pang
hinahangaan sa kanya ang pagtatapos ng bawat kabanata. Isang maikling kuwento
ang bawat kabanata ng mga nobela niya. Pansinin kung paano niya tinapos ang ikalabing-limang
kabanata ng Diwalwal.
“Paglapit,
pagkaluwang-luwang ng ngiti ni Emil kay Ilay. Nakangiti rin ang dalagang
Mandaya. Maliwanag na dati nang magkakilala ang dalawa.
“Si, mabuti,
nakita naming kayo,” sabi ni Ilay.
“Bakit, ano’ng
maipaglilingkod ko?” tanong ni Emil.
“Sir, lalapit
sana uli kami kay Sir Gil.”
“’Yon lang pala,
e. Ako’ng bahala.”
Dahil kay Ilay,
mandi’y nawala si Dante sa pansin ni Emil.
“Lalakad na ‘ko,
Emil,” singit niya.
Napabaling. “A,
oo. Sige, Dante.’
Humakbang na
siya palabas ng gate. Narinig ang pag-andar ng motorsiklo, lumingon siya.
Nakaangkas si Ilay, patagilid ang upo. Kumilos ang sasakyan, alalay ang takbo
upang makahabol nang lakad lang (sagsag) matandang lalaking kalbo.
Naniniwala si Sir Edgar na ang
buhay ay isang paglalagalag. Isang kasiyahan na rin sa akin, na sa aking
paglalagalag, ay minsang ko siyang nakakuwentuhan, nakapagpa-autograph ako ng
“Bulaklak ng Aking Luha,” na ikinagulat pa niyang may kopya ako dahil sa
kalumaan nito, at naipagtimpla ko siya ng 3 in 1 na kape. Naalaala ko ang
tanong ko sa kanya habang nagpapapirma ako ng aklat. “Sir, si Ned sa ‘Ang
Mundong Ito ay Lupa,’ may gano’n po ba talagang babae?”
“Oo. Sipagan mo lang,” mabilis ang
sagot niya. At lumakas ang loob ko.
Sa ngayon, hindi na ako naniniwala
na may Zenaida Nazareno na darating sa buhay ko, lalo pa’t hindi naman ako kasing-astig,
kasingguwapo, kasingyaman ni Gilbert Rubio. Pero naniniwala ako, na magkakaroon
ako ng magandang panulat at magagandang ambag sa mundong ito, gaya ng kay Sir
Edgar, kung sisipagan ko.