“Hindi malasa ‘yung asukal,” nakasimangot ako habang nginunguya
ang tigsasampung pisong banana cue ni Ate Josie.
Nakatingin sa akin si Ate Eva. Nakasimangot na naman siya.
Lagi na lang siyang nakasimangot. Bihira kong makitang nakangiti.
Halatang lampas trenta na siya. Malalim ang mga mata. Maitim.
Laging nakapusod ang lampas-balikat at itim na itim na buhok. Maganda sana,
kaso nga, laging mukhang stressed na stressed.
Dalawa na ang anak nila ni Kuya Edgar, isang grade 3, si Myra,
at isang dalawang taon, si Mitch. Pero hindi sila kasal, live-in lang. Wala
siyang trabaho, si Kuya Edgar lang, regular na empleyado sa pabrika ng pintura.
“Kulang kasi’ng mantika n’ya,” nakatingin pala sa akin si Mommy,
akala ko, nasa loob na siya. “Dapat kasi, nakalubog ‘yan sa mantika.”
Ibinaba ko sa platito ang stick, may natitira pang isang
piraso. Tinitigan ko ang banana cue, mukhang malungkot. Sa itsura pa lang,
halatang di na masarap. Nakatingin pa rin sa akin si Ate Eva.
“’Va, o.”
Nasa terrace na ulit si Mommy. May iniabot siya kay Ate
Eva, nakatupi. Ang limang daan lang ang nakita ko.
“Pasens’ya na talaga, ‘Te. Nagkapatung-patong na.”
“’Yaan mo na muna,” nakangiti na naman si Mommy.
Nasa tabing-kalsada ang bahay namin. Sa kabilang kalsada nagtitinda
ng fishball, French fries, burger, gulaman at kwek-kwek si Ate Josie. Doon sa
tapat ng gate, papasok sa San Jose compound. Puro apartment doon. Doon din sila
nangungupahan.
Sa totoo lang, walang tinda si Ate Josie na nasarapan ako.
Puro matabang. Wala lang talagang malapit na mabilhan.
Sa gilid ng bahay namin ang daan papuntang looban, mas
maraming apartment dito. Mas maliliit at mas mura. Malapit sa igiban ng tubig at
half court na basketbolan ang kina Ate Eva.
Malaki ang bahay namin, at kami lang ang hindi nangungupahan.
CPA si Mommy at civil engineer si Daddy. Kaya madalas, sa amin tumatakbo ang
mga mangungutang. Komo mabait si Mommy, maraming nakakahiram. Pero siyempre,
marami sa mga iyon ang hindi na nagbabayad. Kapalan na lang ng mukha pag
nakakasalubong sa daan sina Mommy at Daddy.
“Mabait mangutang si Eva. Marunong mahiya. Gipit na gipit
lang talaga, kaya nanungutang,” sabi ni Mommy, minsang naghahapunan kami. “Paisa-isang
kilo lang kaya sila kung bumili ng bigas.”
Hanggang ngayon, tandang-tanda ko pa ang sagot ni Daddy.
“Mas mahalaga nga dapat sa tao ang hiya at pinagsamahan.”
“Magkano ‘yon, Mi?” tanong ko.
“Dalawa.”
Dalawang libo na naman? Noong nakaraang buwan lang,
nanghiram na rin ito ng isang libo.
Matagal nang magkaibigan sina Ate Josie at Ate Eva. Dayo
lang sila rito sa Valenzuela, tubong Tuguegarao si Ate Josie, Samar naman si
Ate Eva.
Magnininang pa nga kay Mitch si Ate Josie, hindi pa nga
lang ito mabinya-binyagan, dahil wala ngang kapera-pera sina Ate Eva.
Kaya gulat na gulat ako nang isang hapon na lumabas ako
para bumili ng meryenda at may makita akong mesa sa tabi ng daan papuntang
looban, malapit sa gate namin. May tindang fishball, orange juice, kwek-kwek at
banana cue.
Nakita kong panay ang tingin ni Ate Josie sa tindera.
Nakayuko lang si Ate Eva.