Sabado, Setyembre 28, 2013

Kakambal


Sakaling totoo ang reincarnation, at may kakambal ulit siya, ayaw na ni Carlo na pareho sila ng kasarian. Kung magiging babae siya, dapat, lalaki ang kakambal niya. Kung magiging lalaki, dapat, babae.

Mahirap pag parehong lalaki o parehong babae, ito ang natutuhan niya sa buhay nilang magkapatid. Laging napagkukumpara. At sa kaso nila ni Charles, siya ang kawawa.

Hindi sila identical twin, pero hindi rin fraternal. Mukhang magkapatid lang, hindi mukhang kambal.

Kung siguro may iba pa silang kapatid, kung sana tatlo man lamang sila, baka di sila masyadong napagkumpara. Kaso, wala.

Mas guwapo sa kanya si Charles. Halos lahat, iyon ang sinasabi. Mga tita nila. Mga kaklase. Mga kapitbahay. Anim na beses itong naging escort noong nasa elementari’t hayskul sila. Siya, isang beses lang. Noong grade 1 pa. Mas matalino rin ito. Mas matataas lagi ang nakukuha sa mga quiz at mga exam, siyempre, pati ang grade sa report card. Kahit kailan, hindi niya ito nataasan sa average. Pag nagkukuwentuhan nga silang magkakaklase, lagi na lang ito ang bida.

At ngayong kolehiyo na sila, mas maganda rin ang girlfriend nito kaysa sa gf niya.

Isa lang ang lamang niya kay Charles, mas magaling siya ritong mag-basketball. Pero iyon naman ay dahil wala itong hilig sa basketball. Hindi dapat ganoon. Dapat, kasingdami ng lamang ni Charles sa kanya ang lamang niya rito. Pero talagang wala na siyang makitang ikalalamang niya. Pudpod na pudpod na rin ang defense mechanism niya kaiisip na hindi higit sa kanya ang kakambal.

Ang mga iyon ang himutok niya nang pilitin niya ng inuman ang mga ka-team niya sa basketball. Umuwi siya noon sa bahay nang sumusuray. Sa bawat poste, nagsusuka siya. Nakalimutan pa niyang magbayad sa dyip at muntik pa siyang makatulog sa tapat ng Victory Mall.

Kinaumagahan, gumagapang siyang humarap sa PC. Hinanap niya sa Google kung paano lalabanan ang hungover. At nalaman niya, mali pala ang pag-inom ng kape. Iyon pa man din ang lagi nilang ginagawa. Sa simula lang daw iyon okey, dahil mainit. Pero dahil mapait, sa halip na makawala ng tama, lalo lamang nakapagpapagalit ng sikmura.

Ang dapat daw, softdrinks o juice. Dahil matamis. Kung wala, puwede na ang ilang basong tubig.

Binuksan niya ang refrigerator nila, mabuti’t may dalawa pang Zest-o.

At maya-maya nga, gumaan ang pakiramdam niya. Nawala ang parang pagbali-baligtad ng sikmura niya.

Minsan, umuwi ring lasing si Charles. Nag-eighteen roses sa debut ng kapatid ng girlfriend nito. Mga alas-dos iyon ng umaga. Gising pa siya noon dahil gumagawa siya ng term paper niya sa anthropology, dahilan niya kung bakit di siya nakasama sa debut.

Nakatulog na sa sopa si Charles. Nakanganga, at ni hindi na nakapagbihis. Nakasapatos pa. Tinitigan niya ang mukha nito. Mas makapal ang kilay at pilikmata nito, kaya mas mukhang suplado. Mas mukhang lalaki. Mas maganda rin ang korte ng mukha dahil medyo makitid ang panga.

“Charles,” niyugyog niya ang hita nito. “Charles.”

Dumilat ang kakambal niya. Parang may bumbilya sa mga mata nito.

“O, magkape ka,” iniabot niya ang isang tasang kapeng nagingitim sa pait.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento