Lunes, Setyembre 30, 2013

Pisara


Isinulat sa pisara ng kaklase nila noong grade 4 ang pangalan nila ni Catherine, tapos, may dalawang pusong pinagdikit sa gitna. Inawat niya ito kungwari. Nang hindi makuha sa isang saway, lumabas siya. Naggalit-galitan siya, pero kumakabog ang dibdib niya sa tuwa.

Isa iyon sa mga pinakamakapangyarihang alaala ni Michael sa buhay elementarya niya. Alam niya kung papaano lumalakas ang isang alaala. Ang nagmamay-ari rito ang nagbibigay rito ng lakas. Masyado niyang minahal ang alaalang iyon. Lagi niyang binabalik-balikan.

Malakas ang ulan, pero walang bagyo. Habagat lang daw.

Nasa tabing-bintana siya ng airconditioned bus, sa unahan, malapit sa tsuper. Nanlalabo na sa halumigmig ang mga bintana. Hindi na halos niya makita ang tanawin sa kaliwa niya. Ang sa kabila ng windshield lang ang nakikita niya.

Nabanggit minsan ng propesor nila sa World Literature ang tungkol sa ‘stream of consciousness.’ Device daw iyon sa pagsulat. Dumadaloy raw ang kamalayan ng tao, at nagsisimula iyon sa isang bagay, at hindi agad napapansin ng tao na naglalakbay na pala ang isip niya.

Inisip niya kung papaano niyang naisip si Catherine. At ang bintanang pinaputi ng halumigmig ang nakita niyang salarin.

Maganda si Catherine. Maputi. Mukhang tahimik. Parang napaka-approachable. Hindi matangkad, pero hindi rin maliit. Makinis. Mahaba ang buhok.

Nang una niyang matuklasan ang pagdyadyakol, ito ang lagi niyang ini-imagine.

Bago sila magtapos ng kolehiyo, nagkalakas ng loob siyang ligawan ito. Kahit pa pang-apat na siya sa mga manliligaw at kahit magkaiba sila ng eskuwelahan. Ayaw niyang masayang ang pagkakataon. Baka magka-boyfriend na naman ito.

Inis na inis siya noon sa mga nagiging boyfriend nito. Bakit lagi na lang iniiwan si Catherine? Hindi ba nila alam kung gaano sila katanga? Pero salamat na lang din sa kanila, nagkaroon siya ng tiyansa.

Siya ang sinagot ni Catherine, makalipas ang isang linggong ligawan. Ganoon kabilis. At nang sumunod na linggo lang, natuklasan niya kung bakit ito iniiwan ng mga nagiging boyfriend nito.

Naalaala niya ang sabi ng propesor niya sa Filipino. “Magkakaiba tayo ng tingin sa tao. Depende sa layo at lapit natin sa kanila.” Ngayon, mas malapit na siya kay Catherine. At mas malinaw na rin ang anyo nito ngayon sa kanya.

Nakasasakal si Catherine. Hindi lang siya makapag-reply agad, galit na agad. Nagagalit pag may kausap siyang ibang babae. At kahit papaanong paliwanag ang gawin niya, balewala. Na wala lang signal kaya di siya nakapag-reply agad. Na ni-text lang niya ang kaklase niya para sa assignment nila. Masyadong makitid at sarado ang isip.

Pero ito, nakikipag-text sa mga ex boyfriend nito.

“E kung ‘kaw nga, nakikipag-text sa iba e.”

Pero hindi naman sa ex-girlfriend niya, sa loob-loob niya. Hindi na lang siya kumibo. Alam niya, si Catherine ang dominante sa relasyon nila.

Dumating sa puntong talagang hindi na niya kaya. Lagi na lang silang nag-aaway sa walang kakuwenta-kuwentang mga bagay.

Tatlong araw niyang hindi ni-text si Catherine. Gusto niyang iparamdam rito ang halaga niya. Gusto niyang ma-miss man lang siya nito. Pero, nag-text ito.

Sweetie: ayw mong magtext!?!OK tapos na tau!!!

Kinagabihan, hindi siya makatulog. Basang-basa ng luha ang unan niya. Kinabukasan lang, tinawagan niya ito. Nakikipagbalikan siya.

Sweetie: pare-pareho kau!!!hindi mo matangap kung anu ko!!!

At hindi na sila nagkaayos.

Hanggang ngayon, nasa tatlong taon na rin iyon, pinagsisihan pa rin niya ang nagawa niya. Kahit alam niyang kung di sila naghiwalay, maraming pagtatangkang maghiwalay rin ang mangyayari. Kahit alam niyang lagi lang siyang masasaktan. Kahit alam niyang hindi siya ang may kasalanan ng paghihiwalay nila.

Lugi siya, alam niya. Mahal na mahal niya kasi ito.

Pagliko ng bus sa Dangwa, isinulat niya sa bintana ang sinulat ng kaklase nila dati sa pisara.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento