Linggo, Setyembre 29, 2013

Kuya Jojo


“Nasa loob ang kulo.” Ito ang sinasabi ng mga kababaryo namin tungkol kay Kuya Jojo. Masyado kasing tahimik.

Totoong sobrang tahimik ni Kuya Jojo. Pag may mga inuman nga kami, maririnig ko lang ang boses niya pag tumawa siya o pag may itatanong o ipaaabot. Mahina pang magsalita. Hindi kasi siya palakuwento. Parang walang ibang alam gawin sa mga umpukan kundi makinig.

Pero kami nina Inang at Tatang, alam naming ganoon lang talaga si Kuya Jojo. Tahimik lang talaga. Hindi iyong nasa loob ang kulo. Alam namin dahil napakatagal na namin silang kapitbahay.

Payat na matangkad siya. Kulot, may bigote, maitim at may pagkahukot. Magkukuwarenta na rin. Dalawa lang ang anak nila ni Ate Elena, parehong lalaki.

Karpintero si Kuya Jojo, at nakikisaka lang sa mga may bukid. At minsan, naggugupit din ng buhok kung may magpapagupit. Pero kailangan pa siyang pilitin para lang tanggapin ang beynte pesos na upa sa kanya.

Wala siyang bisyo. Ni hindi naninigarilyo. May alaga ngang dalawang manok na panabong, pero hindi naman nagpupunta sa sabungan. Maski sa huweteng, hindi tumataya.

Pero gaya ng lahat ng kababaryo namin, nangangarap din si Kuya Jojo na makaahon sa hirap. Pilit itinataguyod sa pag-aaral ang mga anak. Ayaw niyang magaya sa kanya ang mga ito. Ayaw niyang tumanda ang mga ito nang walang matatag na trabaho.

First year high school na ang panganay niya, si Patrick. Grade four naman si Ivan.

Madalas pagsabihan ni Kuya Jojo ang mga anak niya, lalo na si Patrick, na huwag na huwag gagaya sa mga kababaryo namin. Marami na rin kasi sa mga ito ang nagloko sa pag-aaral. Sa bayan pa kasi ang hayskul, isang oras ang biyahe at buong araw ang klase. Akala ng mga magulang, nagsisipasok. Niyon pala, kung anu-ano na ang inaatupag. Mga nasa bilyaran lang. O kaya, sa kompyuteran. Nagka-counter strike.

Hanggang sa mabuntis na lang at makabuntis. At maging pabigat pa sa mga magulang, sa halip na iahon sa hirap ang mga ito.

Hindi palakuwento si Kuya Jojo. Pero alam kong mas kilala ko pa siya kaysa sa madadaldal naming kababaryo. Alam ko, may isang salita siya. May paninindigan. Marunong mahiya. Tunay na tao.

“O, alam mo na ba’ng nangyari?” bati sa akin minsan ni Tatang. Nakaupo siya sa tumba-tumba, nakataas ang paa, naninigarilyo.

Hapon na noon. At kagagaling ko lang sa tumana.

“Sa’n ‘Tang?” ipinatong ko sa upuan ang lilik.

“Si Patrick, ‘ika ni Cariang magtitinapa, di naman daw pumapasok. Nakikita daw nila lagi sa kompyuteran. Nagloloko rin pala sa pag-aaral ang walang’ya.”

Natahimik ako. Nakatingin lang ako kay Tatang.

“Ano’ng sabi ni Kuya Jojo?”

“Wala,” pinitik ni Tatang ang abo ng sigarilyo. “Dinampot lang ‘yung bag ng anak. Tapos, itinapon sa bukid.”


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento