Lunes, Setyembre 30, 2013

Marian


Naniniwala akong mahalaga sa atin ang isang tao, basta nangarap tayo ng para sa kanila. Kaya alam ko, mahalaga sa akin si Ate Marietta.

“Matanda lang ako nang ilang taon do’n,” sabi ni Mama nang tanungin ko siya kung sino ang mas matanda sa kanila ni Ate Marietta.

Kuwarenta’y singko na si Mama. Kaya palagay ko, lampas kuwarenta na rin si Ate Marietta. Pero ang nakalulungkot, wala silang anak. Samantalang ako, pangalawa ni Mama, beynte anyos na.

Pero may anak-anakan si Ate Marietta, si Marian. Isinunod niya ang pangalan nito kay Marian Rivera. Pumapalo noon sa rating ang “Marimar” ng GMA nang ibigay ito sa kanya ng katrabaho ni Kuya Romeo, asawa niya.

Mananahi si Ate Marietta. Sa kanya nagpapatahi ng mga kurtina para sa classroom ang mga titser sa hayskul, marami ring nanay na sa kanya nagpapatahi ng uniporme ng mga anak nila.

“Okey na ba ‘yung ganyan?” itinupi niya ang laylayan ng pantalon ko. Nakasampay sa leeg niya ang medida.

Maitim siya, nakasalamin. Mas marami pang uban kaysa kay Mama. Mukha ring mas matanda pa kay Mama. Marami nang gatla sa noo.

Tumango ako, at minarkahan niya ng tailor’s chalk ang tupi ng pantalon. Nasa paanan ng makinang panahi si Marian, may nginangatngat na retaso. Kulay lansones ito, puti ang balahibo sa paa, medyo mataba, putot. Amuy na amoy ang tae at ihi nito, humahalo sa amoy ng mga tela.

Punung-puno ng tela ang maliit na nga nilang apartment. Meron sa kama. Sa sahig. Sa sopa. Sa mesa.

Madalas akong magpa-repair    ng pantalon kay Ate Marietta. Ang luluwag kasi’t ang hahaba ng mga nabibili ko sa Divisoria. Pag ipinapabaston ko o ipinapa-semi straight, beynte lang ang singil niya. Di gaya sa iba, singkuwenta. Pero pag pinapuputulan ko lang, hindi na niya ako sinisingil.

Noon gumaan ang loob ko sa kanya. Hanggang sa mapansin ko na lang, kasama na pala siya sa mga dasal ko. Na sana, magkaanak na sila ni Kuya Romeo.

Kitang-kita namin ang pagtuturing niya kay Marian bilang anak. Tinatawag pa niya ito bago siya mamamalengke sa Balintawak.

“Hoy, Marian!” bitbit na niya noon ang kanyang bayong. “Pumasok ka na rito! Tatanghaliin na ‘ko!”

Nagtatatakbong lalapit sa kanya si Marian. Gigitgit sa mga paa niya.

“Pasok, dali! Pasok! Pasok!” Tapos, isasara niya ang pinto.

Pag may mga pinupuntahan nga raw silang handaan, sabi ni Mama, ipinagsusupot pa nito ng mga buto si Marian.

Beynte-dos na ako nang mabuntis si Ate Marietta. Sobra ang tuwa nila noon ni Kuya Romeo.

Isang araw, kuwento niya sa amin, pagbukas niya ng pinto, nakita niya si Marian. Nakahiga sa sopa. Hindi na humihinga.

“Sa katandaan na rin siguro,” sabi niya, habang hinihimas ang tiyan. “Nalungkot din ako. Ipinatapon ko na lang kay Romeo sa tulay.”

Pisara


Isinulat sa pisara ng kaklase nila noong grade 4 ang pangalan nila ni Catherine, tapos, may dalawang pusong pinagdikit sa gitna. Inawat niya ito kungwari. Nang hindi makuha sa isang saway, lumabas siya. Naggalit-galitan siya, pero kumakabog ang dibdib niya sa tuwa.

Isa iyon sa mga pinakamakapangyarihang alaala ni Michael sa buhay elementarya niya. Alam niya kung papaano lumalakas ang isang alaala. Ang nagmamay-ari rito ang nagbibigay rito ng lakas. Masyado niyang minahal ang alaalang iyon. Lagi niyang binabalik-balikan.

Malakas ang ulan, pero walang bagyo. Habagat lang daw.

Nasa tabing-bintana siya ng airconditioned bus, sa unahan, malapit sa tsuper. Nanlalabo na sa halumigmig ang mga bintana. Hindi na halos niya makita ang tanawin sa kaliwa niya. Ang sa kabila ng windshield lang ang nakikita niya.

Nabanggit minsan ng propesor nila sa World Literature ang tungkol sa ‘stream of consciousness.’ Device daw iyon sa pagsulat. Dumadaloy raw ang kamalayan ng tao, at nagsisimula iyon sa isang bagay, at hindi agad napapansin ng tao na naglalakbay na pala ang isip niya.

Inisip niya kung papaano niyang naisip si Catherine. At ang bintanang pinaputi ng halumigmig ang nakita niyang salarin.

Maganda si Catherine. Maputi. Mukhang tahimik. Parang napaka-approachable. Hindi matangkad, pero hindi rin maliit. Makinis. Mahaba ang buhok.

Nang una niyang matuklasan ang pagdyadyakol, ito ang lagi niyang ini-imagine.

Bago sila magtapos ng kolehiyo, nagkalakas ng loob siyang ligawan ito. Kahit pa pang-apat na siya sa mga manliligaw at kahit magkaiba sila ng eskuwelahan. Ayaw niyang masayang ang pagkakataon. Baka magka-boyfriend na naman ito.

Inis na inis siya noon sa mga nagiging boyfriend nito. Bakit lagi na lang iniiwan si Catherine? Hindi ba nila alam kung gaano sila katanga? Pero salamat na lang din sa kanila, nagkaroon siya ng tiyansa.

Siya ang sinagot ni Catherine, makalipas ang isang linggong ligawan. Ganoon kabilis. At nang sumunod na linggo lang, natuklasan niya kung bakit ito iniiwan ng mga nagiging boyfriend nito.

Naalaala niya ang sabi ng propesor niya sa Filipino. “Magkakaiba tayo ng tingin sa tao. Depende sa layo at lapit natin sa kanila.” Ngayon, mas malapit na siya kay Catherine. At mas malinaw na rin ang anyo nito ngayon sa kanya.

Nakasasakal si Catherine. Hindi lang siya makapag-reply agad, galit na agad. Nagagalit pag may kausap siyang ibang babae. At kahit papaanong paliwanag ang gawin niya, balewala. Na wala lang signal kaya di siya nakapag-reply agad. Na ni-text lang niya ang kaklase niya para sa assignment nila. Masyadong makitid at sarado ang isip.

Pero ito, nakikipag-text sa mga ex boyfriend nito.

“E kung ‘kaw nga, nakikipag-text sa iba e.”

Pero hindi naman sa ex-girlfriend niya, sa loob-loob niya. Hindi na lang siya kumibo. Alam niya, si Catherine ang dominante sa relasyon nila.

Dumating sa puntong talagang hindi na niya kaya. Lagi na lang silang nag-aaway sa walang kakuwenta-kuwentang mga bagay.

Tatlong araw niyang hindi ni-text si Catherine. Gusto niyang iparamdam rito ang halaga niya. Gusto niyang ma-miss man lang siya nito. Pero, nag-text ito.

Sweetie: ayw mong magtext!?!OK tapos na tau!!!

Kinagabihan, hindi siya makatulog. Basang-basa ng luha ang unan niya. Kinabukasan lang, tinawagan niya ito. Nakikipagbalikan siya.

Sweetie: pare-pareho kau!!!hindi mo matangap kung anu ko!!!

At hindi na sila nagkaayos.

Hanggang ngayon, nasa tatlong taon na rin iyon, pinagsisihan pa rin niya ang nagawa niya. Kahit alam niyang kung di sila naghiwalay, maraming pagtatangkang maghiwalay rin ang mangyayari. Kahit alam niyang lagi lang siyang masasaktan. Kahit alam niyang hindi siya ang may kasalanan ng paghihiwalay nila.

Lugi siya, alam niya. Mahal na mahal niya kasi ito.

Pagliko ng bus sa Dangwa, isinulat niya sa bintana ang sinulat ng kaklase nila dati sa pisara.


Linggo, Setyembre 29, 2013

Kuya Jojo


“Nasa loob ang kulo.” Ito ang sinasabi ng mga kababaryo namin tungkol kay Kuya Jojo. Masyado kasing tahimik.

Totoong sobrang tahimik ni Kuya Jojo. Pag may mga inuman nga kami, maririnig ko lang ang boses niya pag tumawa siya o pag may itatanong o ipaaabot. Mahina pang magsalita. Hindi kasi siya palakuwento. Parang walang ibang alam gawin sa mga umpukan kundi makinig.

Pero kami nina Inang at Tatang, alam naming ganoon lang talaga si Kuya Jojo. Tahimik lang talaga. Hindi iyong nasa loob ang kulo. Alam namin dahil napakatagal na namin silang kapitbahay.

Payat na matangkad siya. Kulot, may bigote, maitim at may pagkahukot. Magkukuwarenta na rin. Dalawa lang ang anak nila ni Ate Elena, parehong lalaki.

Karpintero si Kuya Jojo, at nakikisaka lang sa mga may bukid. At minsan, naggugupit din ng buhok kung may magpapagupit. Pero kailangan pa siyang pilitin para lang tanggapin ang beynte pesos na upa sa kanya.

Wala siyang bisyo. Ni hindi naninigarilyo. May alaga ngang dalawang manok na panabong, pero hindi naman nagpupunta sa sabungan. Maski sa huweteng, hindi tumataya.

Pero gaya ng lahat ng kababaryo namin, nangangarap din si Kuya Jojo na makaahon sa hirap. Pilit itinataguyod sa pag-aaral ang mga anak. Ayaw niyang magaya sa kanya ang mga ito. Ayaw niyang tumanda ang mga ito nang walang matatag na trabaho.

First year high school na ang panganay niya, si Patrick. Grade four naman si Ivan.

Madalas pagsabihan ni Kuya Jojo ang mga anak niya, lalo na si Patrick, na huwag na huwag gagaya sa mga kababaryo namin. Marami na rin kasi sa mga ito ang nagloko sa pag-aaral. Sa bayan pa kasi ang hayskul, isang oras ang biyahe at buong araw ang klase. Akala ng mga magulang, nagsisipasok. Niyon pala, kung anu-ano na ang inaatupag. Mga nasa bilyaran lang. O kaya, sa kompyuteran. Nagka-counter strike.

Hanggang sa mabuntis na lang at makabuntis. At maging pabigat pa sa mga magulang, sa halip na iahon sa hirap ang mga ito.

Hindi palakuwento si Kuya Jojo. Pero alam kong mas kilala ko pa siya kaysa sa madadaldal naming kababaryo. Alam ko, may isang salita siya. May paninindigan. Marunong mahiya. Tunay na tao.

“O, alam mo na ba’ng nangyari?” bati sa akin minsan ni Tatang. Nakaupo siya sa tumba-tumba, nakataas ang paa, naninigarilyo.

Hapon na noon. At kagagaling ko lang sa tumana.

“Sa’n ‘Tang?” ipinatong ko sa upuan ang lilik.

“Si Patrick, ‘ika ni Cariang magtitinapa, di naman daw pumapasok. Nakikita daw nila lagi sa kompyuteran. Nagloloko rin pala sa pag-aaral ang walang’ya.”

Natahimik ako. Nakatingin lang ako kay Tatang.

“Ano’ng sabi ni Kuya Jojo?”

“Wala,” pinitik ni Tatang ang abo ng sigarilyo. “Dinampot lang ‘yung bag ng anak. Tapos, itinapon sa bukid.”


Siyudad


walang babalang
binagabag ang siyudad
ng ulan

naging kayumanggi ang balat
ng lansangan

peklat ang naglutang
na mga sasakyan
sa baradong mga daan

Sabado, Setyembre 28, 2013

Kakambal


Sakaling totoo ang reincarnation, at may kakambal ulit siya, ayaw na ni Carlo na pareho sila ng kasarian. Kung magiging babae siya, dapat, lalaki ang kakambal niya. Kung magiging lalaki, dapat, babae.

Mahirap pag parehong lalaki o parehong babae, ito ang natutuhan niya sa buhay nilang magkapatid. Laging napagkukumpara. At sa kaso nila ni Charles, siya ang kawawa.

Hindi sila identical twin, pero hindi rin fraternal. Mukhang magkapatid lang, hindi mukhang kambal.

Kung siguro may iba pa silang kapatid, kung sana tatlo man lamang sila, baka di sila masyadong napagkumpara. Kaso, wala.

Mas guwapo sa kanya si Charles. Halos lahat, iyon ang sinasabi. Mga tita nila. Mga kaklase. Mga kapitbahay. Anim na beses itong naging escort noong nasa elementari’t hayskul sila. Siya, isang beses lang. Noong grade 1 pa. Mas matalino rin ito. Mas matataas lagi ang nakukuha sa mga quiz at mga exam, siyempre, pati ang grade sa report card. Kahit kailan, hindi niya ito nataasan sa average. Pag nagkukuwentuhan nga silang magkakaklase, lagi na lang ito ang bida.

At ngayong kolehiyo na sila, mas maganda rin ang girlfriend nito kaysa sa gf niya.

Isa lang ang lamang niya kay Charles, mas magaling siya ritong mag-basketball. Pero iyon naman ay dahil wala itong hilig sa basketball. Hindi dapat ganoon. Dapat, kasingdami ng lamang ni Charles sa kanya ang lamang niya rito. Pero talagang wala na siyang makitang ikalalamang niya. Pudpod na pudpod na rin ang defense mechanism niya kaiisip na hindi higit sa kanya ang kakambal.

Ang mga iyon ang himutok niya nang pilitin niya ng inuman ang mga ka-team niya sa basketball. Umuwi siya noon sa bahay nang sumusuray. Sa bawat poste, nagsusuka siya. Nakalimutan pa niyang magbayad sa dyip at muntik pa siyang makatulog sa tapat ng Victory Mall.

Kinaumagahan, gumagapang siyang humarap sa PC. Hinanap niya sa Google kung paano lalabanan ang hungover. At nalaman niya, mali pala ang pag-inom ng kape. Iyon pa man din ang lagi nilang ginagawa. Sa simula lang daw iyon okey, dahil mainit. Pero dahil mapait, sa halip na makawala ng tama, lalo lamang nakapagpapagalit ng sikmura.

Ang dapat daw, softdrinks o juice. Dahil matamis. Kung wala, puwede na ang ilang basong tubig.

Binuksan niya ang refrigerator nila, mabuti’t may dalawa pang Zest-o.

At maya-maya nga, gumaan ang pakiramdam niya. Nawala ang parang pagbali-baligtad ng sikmura niya.

Minsan, umuwi ring lasing si Charles. Nag-eighteen roses sa debut ng kapatid ng girlfriend nito. Mga alas-dos iyon ng umaga. Gising pa siya noon dahil gumagawa siya ng term paper niya sa anthropology, dahilan niya kung bakit di siya nakasama sa debut.

Nakatulog na sa sopa si Charles. Nakanganga, at ni hindi na nakapagbihis. Nakasapatos pa. Tinitigan niya ang mukha nito. Mas makapal ang kilay at pilikmata nito, kaya mas mukhang suplado. Mas mukhang lalaki. Mas maganda rin ang korte ng mukha dahil medyo makitid ang panga.

“Charles,” niyugyog niya ang hita nito. “Charles.”

Dumilat ang kakambal niya. Parang may bumbilya sa mga mata nito.

“O, magkape ka,” iniabot niya ang isang tasang kapeng nagingitim sa pait.

Huwebes, Setyembre 26, 2013

Bertikal


nakabitin siya
sa giniginaw
na bakal na kalansay
may tali sa baywang
naka-helmet
nakadamit
ng umiilaw na dilaw

nagsasabog
ng nagliliyab na mga bubog
na pagbagsak sa kalsada
nadudurog

nakabitin siya
sa hubad
na bakal na kalansay
kumakalam ang sikmura
pinagpapawisan

sa paanan ng halimaw
ang nanggigitatang morayta
makukupad na sasakyan
nagmamadaling mga paa

Mga Barker


“Isa… dalawa… tatlo…” parang sa tatay na binibilangan ang anak ang boses ni Robo, habang itinuturo ng hinlalato ang nagdaratingang dyip na pa-Novaliches. Nasa tapat sila ng Puregold Paso de Blas.

Tig-iisa na agad silang tatlo. Siya ang pinakamatanda, disi-nuwebe. Disi-otso si Makoy, at katorse si Bubot.

Lumulusog na naman ang mga patak ng ulan, kumikintab ang kalsada at bumabagal ang usad ng mga sasakyan galing Malinta.

“Apat… lima…” parang batang kinikilig si Robo nang ilantad ng lumikong trak ang dalawa pang dyip. Mabuti’t wala pa ang matatandang barker.

Anim, nakasimangot si Bubot. Binibilang ang mga pagkulo ng kanyang tiyan.

Linggo, Setyembre 22, 2013

“Sa Itim na Lawa” ni Mary Oliver


Sa Itim na Lawa, payapa na
ang ginambalang tubig
makalipas ang maulang gabi.
Sumalok ng tubig ang nagsatasa kong mga kamay. Uminom ako
nang matagal.  Lasang
bato, mga dahon, apoy. Malamig itong
nahulog sa katawan ko, ginigising ang mga buto. Narinig ko sila
sa kailaliman ko, nagsasabi
ano itong magandang
nangyari?

Miyerkules, Setyembre 18, 2013

Nagbibihis ang Aking Tinig


Nagbibihis ang aking tinig
kung magkausap tayo sa telepono,
nagdaramit nang kaakit-akit,
nagpapabango,
higit sa marikit na ngang gayak
pag nasa dyip at nag-aabot ng bayad.

Nagbibihis ang aking tinig
kung katabi ka’t kausap,
parang ganito,
umaasa pa ring maski papaano,
magkakaroon ng kakaibang ningning
ang iyong mga titig,
pag ako ang kahuntahan
o pag narinig ang aking pangalan.

Monumento


nabasag
ang masisiglang
patak ng ulan

alas-siyete iyon ng gabi

at ang mga tao’y
naglutang
na yagit sa lansangan

Naalaala Kita, Kangina


Naalaala kita, kangina
nang nasa Doroteo Jose ako
at nag-unahan ang mga tao.
May tren na dumaan
walang kalaman-laman.
Naisip ko ang mga kuwentuhan natin
sa bench sa UN
habang naghihintay ng skip train,
ang malalakas nating halakhak,
di natatapakan
ng nagmamadaling mga paa
o nasasagasaan
ng matatalim na busina.

Naalaala kita, kangina.
Habang naghihintay ka kaya
ng skip train
pa-Monumento
maski minsan, naalaala mo ako?

Martes, Setyembre 17, 2013

Waiting Shed


Nahihirapan na si Agnes na pigilin ang tawa niya, habang binabasa ang text sa Nokia 101 ng katabi sa waiting shed—hindi nga pwede.my tao sa bhay

Tinakpan niya ng panyo ang bibig niya. Ano kaya ang iri-reply ng lalaki?

May humintong bus.

Nalaglag ang panyo niya nang hablutin ng nakatayong lalaki ang gold niyang kuwintas.

Apartment


Wala akong maalaala
na nagkasalubong kita
at binati mo ako
ng manipis na ngiti
at tumugon ako
ng taas ng kilay
o tinipid na tango.

Ngayon, habang humihigop ako
ng tsokolateng umaaso
at nagngangalit
ang ulan at hangin
inaawitan ako ng hiyaw mo.

Umaambon na,
‘yong sinampay mo!

Lamang


isang mainit na halik lamang
isang masidhing halik lamang

ito
ang matagal ko nang
inuusal

pagkatapos na pagkatapos
pagbigyan
ibinilanggo kita
sa nag-aalab kong mga yakap
at nadama ko sa aking laman
ang isa na namang
naglalagablab
na lamang

Shortcut


Tnx                                 Welcum
IMY                                 TY


nang kaltasan mo
ng mga letra
ang iniabot mo sa aking
salita
kulang-kulang din
ang natanggap kong
diwa

Lunes, Setyembre 16, 2013

Paru-Paro


Nakasimangot si Au nang umalis sa bahay. Iritang-rita sa mommy niya. Hindi kasi maubos-ubos ang sermon nito tungkol sa pagpupuyat niya sa pagmu-movie marathon. Hindi tuloy niya natapos ang binabasang horoscope.

Kagabi, sa daddy niya siya naiirita. Ayaw alisin sa PBA ang TV. Hindi tuloy niya napanood ang paboritong soap opera.

Naka-pink na blouse siya at may dream catcher na kuwintas, naglalakad papuntang sakayan ng dyip, nang may tumawid na pusang itim. Mabagal. Tumingin pa sa kanya. Napapikit siya nang matagal.

Nakatawid na siya sa kalsada nang ikutan siya ng naglalarong dalawang malaking puting paru-paro. Tumambol ang dibdib niya.

Huminto sa tapat niya ang dyip.

Pero nagtatakbo siya pabalik sa traysikelan. Hindi na lang siya papasok.

Bisikleta


“Gaga! ‘Wag ka kasing papatol sa straight!” tumatalsik pa ang laway ni Justin. “Lokohan lang pag gano’n!”

Nakuyom ni JC ang signpen niya sa sobrang guilt.

“So, pag parehas bi, ser’yosohan?” nahinto sa pagsasalansan ng mga papel sa locker si Agatha. “Walang lokohan?”

Tatlo na lang sila sa faculty room, hinihintay mag-9:00 PM sa biometrics.

“Naman! Kapwa ko mahal ko ang peg!”

Sabay-sabay silang umuuwi pag Miyerkules. Sa Cubao sila naghiwa-hiwalay. Pa-Shaw si Agatha. Si Justin naman, nakikipagtagpo pa sa Farmer’s sa boyfriend niya.

Kilala ni JC ang boyfriend nito, tito ng tatlong batang bumili sa shop nila ng mountain bike. Hiningi pa nga kahapon ang number niya. “Parang gusto ko na rin kasing mag-biking,” sabi.

Alas-diyes siya nakarating sa kanila, at alas-onse na nang makatulog. Nang maalimpungatan siya, bumungad sa kanya ang isang text message. Hindi naka-phonebook sa kanya ang number—what if svhin ko saung mahal kita?ppyag k bang maging tau?

Kamatayan sa Nayon


Kilala nila ang isa’t isa:
mag-a-abrod na raw ang bunso ni Inso
buntis na pala’ng dalaga ni Ganyan
me sakit pala’ng okra ni S’yaho
gradweyting na pala’ng binata ni K’wan.

Alam nila ang tungkol sa isa’t isa:
panganganak
binyag
kasal
kamatayan.

At kung may isang
mamaalam
mababasa sa tahimik nilang mga titig
tapik sa balikat
mahihigpit na yakap
ang pahayag.
Bahagi sila
ng pamilyang naiwan
kasama
sa pagharap sa mga umaga
na wala
ang lumisang minamahal.

Maluwag sa Tahanan Nila


Maluwag sa tahanan nila
ito ang nadama niya
wala na ang halakhak
ng mga nagpupusoy
at huntahan
ng nagbalik na mga kamag-anak
wala na ang kabaong
mga silya’t
mababahong bulaklak.

Maluwag sa tahanan nila
wala nang nagkalat
na bangkay ng butong pakwan
lumisan na
ang maya’t mayang pisil sa kamay
tapik sa balikat
mahihigpit na yakap.

Umupo siya sa kanilang kama
mahigpit na nayakap
ang kamiseta ng asawa
nang muling marinig
ang bulong
ng pag-iisa.

Saksi


Hindi mo sila kamag-anak
subalit saksi ka
sa dekada nilang pagsasama
kung gaano ang hirap sa pagsundo
ni lalaki
kay babae
kung nagngangalit ang mga ulap
kung paano inaalagaan
ni babae
si lalaki
kung binibisita ng trangkaso.

Kilala mo ang musika
ng pagtawag nila sa isa’t isa
at ang sigla
ng kanilang mga halakhak
kung sila ang nag-uusap.

Ngayong dahan-dahang
inihuhulog sa lupa
ang katawan ni lalaki
nakatitig ka
kay babae
nagsisisigaw siya
naninigas ang mga kamay
nagwawala.
At nadama mo
malakas na binabayo
ng nagsa-batong mga kamao
ang dibdib mo.

Jerome*


Napuyat ka sa pagpu-program
pakikipagtitigan sa mga mukha
ng kuwaderno at libro
para sa naghilerang long quiz;
nabulaga ang nakasanayan ng katawan
nang magsulputan ang mga make-up class
pagkalipas
ng nagngangalit na mga ulan.
Ang mga ito, marahil
ang paghihinalaang salarin
ng guro mo’t mga kaklase
kung bakit
malungkot ang iyong mga titig
namamaga ang mga mata
sunud-sunod ang mga hikab
di dalisay ang mga ngiti.
Marahil, magugulat sila
nang labis
kung mababatid
na ngayon ang huling gabing
kapiling ninyo ang iyong ama
at kailangang-kailangan nang
mapaniwalaan
ang pagkawala niya
sa inyong tahanan.

Sa mga gaya ko
na pinagkatiwalaan mo
ng iyong kuwento
ng kuwento ng katatagan mo
marahil, makakasama ka
sa mga paghuhugutan namin
ng tatag
sa sandaling mamaalam
ang isa
sa aming mga minamahal.


*para sa isa kong estudyante

Biyernes, Setyembre 13, 2013

Notifications


sinadya niya ang wall mo
tinitigan
ang profile picture
at cover photo
saka ka

ni-unfriend

hindi mo alam
kung ilan
ang friends mo

ngunit sa sandaling
makita mo
ang pangalan niya
sa comment box sa iyong photo
o status

at nakakulong sa parentheses
16 mutual friends

ino-notify ka
ng tanong
paulit-ulit

bakit
bakit


bakit

Martes, Setyembre 10, 2013

Salita Nga Lamang*


salita nga lamang ang mga ito
pinagsama-samang letra
ng pag-unawa
pagpapaliwanag
mumunting mga payo

subalit hindi ito
mga salita lamang
hindi basta bigkis
ng mga titik

hindi basta pinagdugtung-dugtong
na mga pangungusap
'pagkat
nadama ko ang pisil sa kamay
yakap
at tapik sa balikat


*para kina Ate Mae Ann, Zarina at Pareng MJ