Biyernes, Disyembre 21, 2012

Wala Tayong Mata sa Likod


Wala tayong mata sa likod
kaya nga kung siksikan sa sasakyan, tayuan
sa harap natin isinasabit ang ating bag;
kaya hinuhulaan lang natin
ang nagtatakip ng ating mga mata;
kaya pag nakatalikod tayo madalas ginugulat.

Wala tayong mata sa likod
sa puwet, sa batok, sa tuhod, sa gulugod;
kaya tinitira tayo
nang natalikod.

Karoling ng mga Paslit


Hindi ko man sila mabigyan lahat
ng palima-limang piso o sampu
madalas mang mag-uumpisa pa lang sila
humihiyaw na ako ng “Tawad!”
kailan man, hindi ko sila itinuring na istorbo
hindi nasigawan o natawag na “damuho.”
At bakit nga gagawin ang mga ‘yon?
Mga musmos lang naman silang nangangarap
naniniwalang malaking halaga na
ang singkuwenta pesos na paghahati-hatian.
Hindi rin nila kasalanang
nang dahil sa kanila, nababalik tayo
sa mga Pasko sa ating kamusmusan
mga Paskong anong saya
at hinding-hindi na mababalikan.

Huwebes, Disyembre 20, 2012

Guro


Pagkasara ni Ma’am Vita sa locker niya, umupo agad siya sa puwesto niya sa kabisera ng mesa sa faculty room. Nagdasal siya.

Tatlong dekada nang nagtuturo si Ma’am Vita, tapos na ng doctorate degree in educational management, at head ng Department of Home Economics.

Nakasalubong niya sa hagdan ang student teacher ni Ma’am Antonio, may dalang chalk box, class record at mga index card.

“Good morning, Ma’am,” maganda ang ngiti nito, pang-Lunes na pang-Lunes.

Naalaala niya noong nag-o-OJT pa siya, ang gabi-gabi niyang dasal at tuwing umagang papasok sa eskuwela, sana, magkaroon na siya ng maraming karanasan, nang hindi na siya kinakabahan.

Marami na siyang karanasan ngayon, at ang dasal na niya, sana, sipagin siyang magturo.

Kung Bago Mag-Undas, Pasko, Bagong Taon, Mahal na Araw


Madalas kong maisip ang Undas
o Pasko, o Bagong Taon, o Mahal na Araw
depende kung alin ang pinakanalalapit
nakikinita ang mga eksena
makikita raw kita
at tayo’y magkakahiyaan
hanggang sa gumawa ng paraan ang hangin
at magkakausap tayo, saglit
tatagal, magiging ‘singtamis ng dati
at muli akong magiging iyo, muli kang magiging akin.

Ganito ang pangarap ko, taun-taon
kung bago mag-Undas, mag-Mahal na Araw
mag-Bagong Taon, mag-Pasko
kahit na alam kong
sa mismong gabi ng mga iyon
hindi mo naiisip ito, ni ako.

Martes, Disyembre 18, 2012

Kawalang-Katiyakan


Wala raw katiyakan ang buhay
maraming biglaan
sandamakmak ang di inaasahan
panandalian lamang ang mga bagay.

“Walang katiyakan!”
sigaw ng mga kariringgan
ng “Bukas na lang!”

Sana, Araw-Araw Pasko


Sa dyip na pa-Monumento
ngiting-ngiti ang batang lalaking may hawak na regalo
“Sana, araw-araw Pasko!”
May napasimangot, may napangiting pasahero.

Napaisip ako, paano nga kaya
kung Pasko araw-araw, literal?
Malamang, mauubusan ito ng kahulugan
o kung manatili man
di na matitimbang ang yaman
ng mga kapitalista, ng mga gahaman.

Umusad ang mga sasakyan, napakabagal.
May mga gusgusing batang nangangaroling
sa naipit na mga kotse
na inaabutan ng ilang barya, o kaya
pinagsasarhan ng bintana.

Napatingin ako sa bata
binubuksan na niya ang regalo.
“’Wag sanang matupad ang hiling mo.”

Tulad ng Ballpen


Lagi kong naikukumpara sa ballpen
ang isang relasyon
pakapipiliin mo sa tindahan
susubukan sa mga scratch paper
hanggang sa matagpuan ang nais
na siyang pakaiibigin sa mga unang gamit
pakamamahalin hangga’t magandang isulat
magandang ihaplos sa papel, maganda ang kapal o nipis ng tinta
at pakaiingatan kahit mumurahin lamang.

Ngunit ang nakalulungkot
sa ilang ulit na pagsusulat
ilang ulit itong mababagsak
at di iyon maiiwasan
isang beses, dalawa, tatlo, apat
mahina, malakas, mababa, mataas.
Ilang ulit itong mababagsak
at hindi mo alam, walang nakaaalam
kung muli pa itong susulat.

Lunes, Disyembre 17, 2012

Sabihan Man o Hindi ng "Take Care" O "Ingat"


Talaga namang iingatan ninuman ang kanyang sarili
sabihan man siya o hindi
ng “Ingat,” o “Take care,”
makikipagtulakan pa rin siya sa pagsakay sa LRT
tatakbo pa ring paakyat sa footbridge
tatalon sa pagbaba sa bus
hindi tatawid sa tamang tawiran
kung ang mga ‘yon ang nakasanayan.
Walang mag-iiba
sa paraan ng pag-iingat at pagdadahan-dahan
ninuman
sabihan man siya o hindi
ng “Take care,” o “Ingat,”
ngunit sa sigla ng kanyang kaluluwa
makikita, malaki ang pagkakaiba.

Sabado, Disyembre 15, 2012

Mahiwaga, Makalipas Makipaglamay


Makalipas makipaglamay
sa burol  ng isang kaibigan o kakilala lamang
o ng isang noon lamang nakilala, noong patay na
may nadarama akong kakaiba
mahiwaga
parang pighati, parang hindi
mahiwaga.

At sa pag-uwi, kung naglalakad o nasa dyip
kung nag-iisa o may kasama
parang may sinasabi sa akin ang hangin
at parang anumang saglit
sa pinakasaglit mang pagpikit
may biglang dadakma sa akin.

Biyernes, Disyembre 14, 2012

Maneho


Nakikita ni Mang Gastor sa windshield at sa sinasagasaang kalsada ang kabit na si Claudia, nakangiti. Napakaganda. Ayaw niyang mawala ang mga ngiting ‘yon.

Tinapakan niya ang silinyador, at sumibad ang bus. Parang susugod. Binabangga ang hangin. Nagsayawan ang usok at alikabok.

Nakikita na niya ang likod ng bus ng Santan Transit.

“Malapit na partner!” hiyaw ni Reggie.

Kailangan nila itong maunahan sa Balintawak. Sayang ang maraming pasahero roon.

May nag-overtake na motor, mahahagip niya. Kumabig siya sa kaliwa, saka biglang tapak sa preno. Pero silinyador ang natapakan niya. Tilian ang mga tao.

Bumangga sila sa poste ng Meralco. Nakita niya si Claudia, nakangiti, napakaganda. Bumagsak ang ulo niya sa manibela.

Miyerkules, Disyembre 12, 2012

Tinig ng Aircon


Hindi mo mapapansin
ang kanyang tinig
kung maraming kasama
‘pagkat tatabunan lang ito ng inyong mga kuwento
halakhak, kulitan.
Ngunit kung nag-iisa
kung siya lang ang kasama
gaya ngayon, mapapansing
mayroon siyang tinig
pakinggan pang mabuti
hindi pala tinig, kundi himig
awit
na maaring diyan nanggagaling
sa iyong dibdib.

Pagsisid sa Luha


Sisirin mo’ng ‘yong luha
may makukuhang tula
o kaya talinghaga.

Martes, Disyembre 11, 2012

Awit ng Gabi


Marunong umawit ang gabi
mahusay
nanunuot ang himig, tumutulay.

Marunong umawit ang gabi
at kung ‘yon ba
ay malungkot na musika
mapait, mahiwaga, masaya
depende, kung paano pakikinggan
ng iyong kaluluwa.

Pangarap na Kamatayan


lahat ay may pangarap
pero hindi lahat
may pangarap na kamatayan

ang sa akin, gusto ko
mamatay sa pagliligtas
o nang hawak ang kamay
ng mahal sa buhay
o habang natutulog, nakangiti
matiwasay

ngunit ang pangarap na kamatayan
ay di gayon lamang
di tulad ng ibang pangarap
walang isasakripisyo, hindi napagsisikapan

dahil ang kamatayan
darating nang di mo alam
tatapikin ka sa balikat
hahagkan

nang walang paa-paalam

Lunes, Disyembre 10, 2012

“Katiyakan” ni Roque Dalton


Matapos ang dalawang oras na pagpapahirap, binuhusan ng Apache at ng dalawa pang pulis ng isang baldeng tubig ang bilanggo para gisingin ito, saka sinabing: “Inutusan kami ni Colonel na sabihin sa‘yong binibigyan ka ng pagkakataong iligtas ang sarili mo. Kung mahuhulaan mo kung sino sa amin ang may isang kristal na mata, hindi ka na pahihirapan.” Pagkatapos magpalipat-lipat ng tingin sa mga mukha ng mga magpaparusa sa kanya, itinuro ng bilanggo ang isa sa kanila. “S’ya. Kristal ang kanang mata n’ya.”

At sinabi ng namanghang pulis, “Ligtas ka na! Ngunit pa’no mo nahulaan? Nagkamali’ng lahat ng kasama mo dahil ang mata ay pang-Amerikano, kaya napakahirap n’on.” “Napakasimple,” sabi ng bilanggo, nararamdamang hihimatayin na naman siya, “’yon ang kaisa-isang matang tumingin sa akin nang walang muhi.”

Siyempre, ipinagpatuloy pa rin nila ang pagpapahirap sa kanya.

Linggo, Disyembre 9, 2012

Dis. 21, 2012


Bahagyang nakalapat sa unan ang likod ng nutritionist na si Eleona, habang nanonood siya ng balita. Umalis saglit ang asawa niya, bumiling mineral water. Ang ibinabalita ay ang pagkagunaw raw ng mundo sa Disyembre 21, 2012, ayon sa kalendaryong Mayan.

“S’yempre po, natatakot din,” sabi ng isang taxi driver.

“Kinakabahan din po,” wika ng isang babaeng sa porma, parang titser. “Natatakot.”

“Hindi po sana, kaso sa mga naririnig, natatakot na rin,” sagot ng tindera sa footbridge.

Gusto rin niyang maramdaman ang gayong takot. Pero hindi niya madama.

Napatingala siya sa puting-puting kisame, parang labanos, parang singkamas. Napahawak siya sa batok niya, at ilang buhok na naman ang nalagas.

Paggalang


Wala nang paggalang ang klima
sa pangalan ng buwan
Disyembre, ngunit kung ituring
Abril
nakapapasong init
nakalalapnos na hangin.

Wala nang paggalang ang klima
sa pangalan ng buwan.
At bakit nga naman
may paggalang ba ang tao
sa kalikasan?

Sabado, Disyembre 8, 2012

Tsuper


Tagaktak na nga’ng pawis
hiningan pa ng buwis
pangmeryenda ng pulis.

Butiki


Sa tahimik na gabi
huni nila’y uyayi
panghilom sa sarili.

Maraming Talinghagang Mahuhugot sa Gabi


Maraming talinghagang mahuhugot sa gabi
sa dingding na dilim, sa di mabilang na bituin
sa koro ng mga kuliglig, sa uyaying hangin
sa paiba-iba nang hugis na buwan
sa malakas na tinig ng katahimikan.

Maraming talinghagang mahuhugot sa gabi
ngunit ang totoo
hindi mo iyon hinuhugot sa gabi
tinutulungan ka lang nitong
hugutin ang mga iyon
sa mga sulok sa iyong sarili.

Biyernes, Disyembre 7, 2012

Miyerkules, Disyembre 5, 2012

Hindi Pagtanga ang Pagtanga


Tambay sa may bintana
masarap tumunganga
may dumaang matanda
may nasulat s’yang tula.

Abala


Pagpasens’yahan sana
kung inaabala ka,
di lang alam kung pa’no
mapapalapit sa’yo.

Metapora


Hindi ako gagaya sa ibang tao
(baka kasama ka rito)
na gumagamit sa gabi at ulan
bilang pagtutulad sa kawalang-pag-asa
o metapora ng mabibigat na hamon
ng buhay na batbat ng dusa.

Hindi ako gagaya sa kanila
(maaring isa ka sa kanila)
sapagkat ganap kong nauunawaan
na may dalang kaligayahan
ang kalungkutang dala ng ulan
na kaibig-ibig na himig
ang hatid ng gabing tahimik.

Hindi ako gagaya sa iba
(sana, di ka kabilang sa kanila)
sapagkat mga hangal silang di nakauunawa
na sa ulan at gabi
marami ang maligaya
at napaghihilom ang sarili.

Martes, Disyembre 4, 2012

May Tatlong Musika Akong Naririnig, Isang Gabi


pinakikinggan ko ngayong gabi
ang paborito kong awitin
“Baby Can I Hold You Tonight” ni Tracy Chapman
habang gumagawa ng tula
at ang tanging tanglaw
maliwanag na mukha ng laptop

masarap
mahiwaga
masaya

ipinikit ko’ng aking mga mata
may naririnig akong tatlong musika

ang kay Chapman
ang sa gabi

ang sa kaloob-looban ng aking sarili

Paano Ba Magpaalam sa isang Taong Nasa Pagitan ng Pagiging Kakilala't Kaibigan?


Paano ba magpaalam
sa isang taong nasa pagitan
ng pagiging kakilala’t kaibigan?
Sapat na ba ang isang mahiwagang ngiti
isang pisil sa kamay
isang tapik sa balikat
isang yakap, isang akbay?
O bayaang mga mata na lamang
ang magsabi ng lahat-lahat?

Paano ba magpaalam
sa isang taong nasa pagitan
ng pagiging kakilala’t kaibigan?
O kailangan pa nga bang
maglaan pa ng ilang sandali
gayong di naman alam
kung magkikita pang muli?

Lunes, Disyembre 3, 2012

Tulad ng Tao ang Tula


Tulad ng tula ang tao
tulad ng tao ang tula
may buhay, humihinga.

Tulad ng tula ang tao
tulad ng tao ang tula
maganda ang mabisa
ngunit iba pa rin ang may pinapanigan
ang marunong manindigan.

Linggo, Disyembre 2, 2012

Muli


Matagal din tayong di nagkita
kung ilang araw, taon, buwan
tanda ko pa.

Matagal din tayong di nagkita
at kanina, nang aksidenteng magtagpo
ang ating mga mata, nginitian mo ako.
Iniisip ko, paraan mo ba ‘yon
ng pagsasabi ng “Hello,”
o natuwa kang makita sa mga mata ko
na naroon pa rin ang iyong pagkatao?

Pagsasanay


Sa yugtong ito ng pag-aaral
mas madalas ka na, sa pook na pinagsasanayan
kaysa sa paaralan, sa dating tahanan
isasapraktika ang mga inaral na teorya.
At sa araw-araw mo roon
sa pook na pinagsasanayan
makikilala mo ito bilang bagong tahanan
at sa paminsan-minsang pagpunta sa paaralan
unti-unti, mararamdaman mo
ang pagiging estranghero nito sa iyo.

At ganito nga ang mangyayari sa iyo
at ganito nga ang nangyari sa kanila
dahan-dahang pamamaalam
paghahanda sa ganap na paghihiwalay.

Sabado, Disyembre 1, 2012

Gaya Raw ng Tao ang mga Bituin


Sabi ng isang kaklase,
“Gaya ng tao ang mga bituin.”

May buhay rin ang mga bituin
at higit na nakikita ang kanilang ningning
kung napakakapal ng dilim
at dahil may buhay sila, humihinga
tumatanda rin sila, hanggang sa mamatay
at ang saglit na yaon
ang pinakamaliwanag nilang saglit.

May nagtanong na isang kaklase,
“Talaga nga bang gaya ng tao ang mga bituin?”

Keep in Touch


Madalas kong marinig sa isang kaibigan
o sa isang kakilala
o sa nasa pagitan ng pagiging kakilala’t kaibigan
ang pangungusap na “Keep in touch.”
Noon, noong nag-aakala pa akong
naunawaan ko na ang mundo
“Sure,” o “Oo ba, ‘yon lang pala e,”
lang ang laging sagot ko.

Ngayon, ngayong malaki na ang duda ko
kung nauunawaan ko nga ba ang mundo
naririnig ko pa rin ito
at alam ko, isang tungkulin
isang pangako, isang hamon
ang kaakibat ng pagsagot ng “Oo.”

Isa sa mga Pinaka...


Isa sa pinakamatamis na mga saglit
sa buhay
ay ang pagpatong ng palad ng isang kaibigan
sa iyong balikat, kung may gumugulo sa isip
o nakabara sa dibdib
ang paniniwala niyang iyan, kung ano man iyan
ay iyong makakaya
ang pagtatanong niya kung kumusta ka na
matapos ang matagal na di pagkikita
habang kaharap sa mesa ang ilang serbesa.

At ang isa sa pinakamapait na mga saglit
sa buhay
ay ang malamang ang kaibigan
na kasama sa mga pangarap, na ipinagdarasal
na naging kapatid
na nag-aalala, na inaalala
sa tagal ng di pagkikita
ay isa na lamang palang kakilala.