Sa dyip, naglolokohan ang dalawang lalaki.
“Saan ba makikita si Bonifacio?”
“Tanga, sa sampung piso!”
Napasulyap ako sa marungis na bata sa
tabi ko
kandong ng nanay niyang
may tangang mumurahing bulaklaking panyo
napatingin ako sa tsuper
maitim ang batok niya’t
nanlilimahid ang bimpo sa balikat
nagbabanggaan sa kalsada ang mga busina
parang malalang ubo ang usad ng mga
sasakyan
katirikan ng araw
may mga nagbebenta ng yosi’t basahan
may nakalupasay na pulubi sa daan.
Saan daw ba makikita si Bonifacio?
“Tanga, hindi sa sampung piso!”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento