Sabado, Nobyembre 3, 2012

Ang Pantukoy at Paghalip sa Ika-21 Siglo


Kung maikukumpara ang Wikang Filipino sa isang wika, malamang, ‘yon ay dili iba’t ang Wikang Ingles.

At sa pagkukumpara sa dalawang wikang ito, masasabing mas malinaw ang gamit ng mga bahagi ng panalita sa Wikang Ingles. At ito ay hindi lang basta dulot ng pagkakaroon ng Wikang Filipino ng sampung bahagi ng panalita at ng Wikang Ingles ng siyam na bahagi lamang, kundi ng pagiging malikhain ng mga Pilipino sa pakikipagtalastasan, lalo na sa komunikasyong pasalita.

Malaking patunay ng pagkamalikhaing ito ng mga Pilipino sa wika at ng bunga nitong mga kalituhan sa komunikasyon at mga kamalian sa balarila ang kasalukuyang kalagayan ng panghalip at pantukoy.

Ang panghalip, “pronoun” sa Wikang Ingles, ay bahagi ng panalita na ipinanghahalili sa pangngalan o “noun,” bahagi ng panalita na tumutukoy sa ngalan ng tao, hayop, bagay, pook o pangyayari. Mahalagang palitan ng panghalip ang pangngalan. Una, sapagkat kung hindi, magiging paulit-ulit ang pangngalan. At masakit ‘yon sa tenga. Ikalawa, magmumukhang marami ang tinutukoy na ngalan, kahit iisa lang naman.

Halimbawa ng dalawang dahilan:

Umuwi si Pepe sa bahay nina Pepe. Pagkakita ni Pepe sa nanay ni Pepe, nagmano si Pepe. Pagkatapos, kumain si Pepe. Pagkakain ni Pepe, naligo si Pepe at gumayak si Pepe.

Gayon kahalaga ang panghalip, kaya dapat, nagagamit ito nang mabuti. Ngunit nang pumasok ang ika-21 siglo, nagkaroon ng kalituhan sa paggamit nito— nang ang mga panghalip na pantao, “siya” at “niya” halimbawa, ay gamiting panghalili sa ngalan ng bagay sa halip na sa ngalan ng tao. Halimbawa, maririnig na ngayon ang ganitong pangungusap, “Ang sarap-sarap talaga n’ya.” At kung hindi mo makikitang may kung anong kinakain ang nagsalita, iisipin mong nakikipag-sex siya o nagpapantasya, dahil lamang sa paggamit niya ng panghalip na “niya.” Maririnig na rin ngayon ang “Gustung-gustong ko s’ya,” kahit na ang tinutukoy lamang pala ng nagsalita ay bag, t-shirt, shades cellphone o kung ano pang mga bagay.

Madalas na maririnig ang ganitong mga pangungusap sa mga kabataan, lalo na sa mga bading at babae. At dahil ang ganitong sitwasyon sa balarila ay sumibol sa pagtungtong ng ika-21 siglo, nahihirapan ang mga ipinanganak noong dekada `80 pababa, na unuwain ang ganitong mga pahayag— lalo na ‘yong mga isinilang noong dekada `40 at dekada `50.

Kabaligtaran naman nito ang isa pang sitwasyon sa balarila, na sumibol naman noong dekada `70 pabalik, kung saan ang panghalip na para sa bagay, “ito,” “iyan,” “nito” halimbawa, ay ginagamit naman sa tao. Halimbawa, “Kasalanan kasi nito we,” o kaya naman ay “Ito kasi ye.” At dahil nga ang wika ay nagpapasalin-salin lamang, mula sa isang henerasyon papunta sa susunod, maririnig na rin ang ganitong mga pangungusap sa kahit na sino.

Ngunit sa matatanda, sa mga ipinanganak noong dekada `50, may ibang paraan ng paggamit sa panghalip, na kaiba sa dalawang nauna. Ganito ang maririnig sa kanila, “E di dumating itong Lydia,” o kaya naman ay “Matagal na palang alam nitong Mario.”

Mula rito, masasabing sa tatlong sitwasyon, ang huling nabanggit nga ang unang umusbong. Maipalalagay ring bunga nito ang ikalawang nabanggit na sitwasyon, ang paggamit ng panghalip na para sa bagay sa ngalan ng tao. Ngunit mahirap masabing ang unang nabanggit na sitwasyon, ang paggamit ng panghalip na pantao para sa mga bagay, ay bunga ng ikalawa.

Samantala, itong huling sitwasyon ay naiba sa dalawang nauna, sapagkat sa dalawang nauna, nagkapalit ang gamit ng panghalip— sa una, ang panghalip na para sa tao ay ginamit sa bagay; sa ikalawa, ang panghalip na para sa bagay ay ginamit sa tao— habang sa ikatlo naman, ang panghalip ay hindi naging ganap na panghalip, kundi naging pantukoy, “article” sa Wikang Ingles, bahagi ng panalita na tumutukoy sa pangngalan.

Nabanggit kanina, na ang gamit ng panghalip ay palitan ang pangngalan, kaya hindi maaring magkaroon ng panghalip at pangngalan nang sabay o sa iisang gamit lamang. At kung susundin nga ang ito, marapat na mawala ang mga pangngalang “Lydia” at “Mario” sa dalawang pangungusap. Ngunit hindi gayon ang nangyari. Sapagkat gaya ng nasabi na, ang panghalip sa dalawang pangugusap ay naging pantukoy lamang. Sa unang pangungusap, sa pangungusap na “E di dumating itong Lydia,” nagtila pantukoy na “ang” lamang ang panghalip na “ito,” sa pagtukoy nito sa pangngalang “Lydia,” habang sa ikalawang pangungusap, sa pangungusap na “Matagal na palang alam nitong Mario,” ang panghalip na “nito” ay naging pantukoy lamang sa pangngalang “Mario.”

Sa maiksing sabi, kung daraanin sa punto ng balarila, mas mali ang ikatlong sitwasyon kumpara sa dalawang nauna. Sapagkat bukod sa ang panghalip na para sa bagay—“ito” at “nito”— ay ginamit nito sa tao, ginamit din nitong pantukoy ang mga panghalip.

Liban pa rito, ang panghalip na pantao rin, “sila,” “nila” at “k’ila” o “kanila” halimbawa, ay ginagamit ding pantukoy sa ngalan ng tao, sa halip na ang gamitin ay ang mismong mga pantukoy, “sina,” “nina” at “kina,” halimbawa.

Halimbawa, sa halip na, “Kina Lara kami kakain,” ay mas maririnig ang “K’ila Lara kami kakain,” o “Kanila Lara kami kakain.” Sa halip din na, “Nakita ko sina Rizza kanina,” ay nagiging “Nakita ko sila Rizza kanina.” At huli, sa halip na, “Ang alam kasi nina Ma, uuwi ako ngayon,” ay nagiging “Ang alam kasi nila Ma, uuwi ako ngayon.”

Ang “k’ila” o “kanila” sa unang halimbawa, ang “sila” sa ikalawa at “nila” sa ikatlo, ay mga panghalip, mga panghalili sa pangngalan. Kaya’t hindi angkop na gamitin itong pantukoy.

Dalawa ang makikitang dahilan kung bakit ginagamit o nagagamit, hindi sinasadya, na pantukoy ang nabanggit na mga panghalip. Una, sapagkat magkatunog ang nabanggit na mga pantukoy at panghalip— ang “kina” at “k’ila,” ang “sina” at “sila,” ang “nina” at “nila.” Ikalawa, dahil hindi naiturong mabuti sa akademya ang kaibahan ng mga ito.

Ang unang dahilan ang sanhi kung bakit mas madalas ang ganitong mga pagkakamali sa pasalitang komunikasyon kaysa sa pasulat. Bagama’t nakalulungkot na maging sa pasulat na komunikasyon ay madalas din ang ganitong mga kamalian, at na maging ang ilang manunulat ay biktima nito.

Isa pang kamaliang mapapansin sa pantukoy ay ang madalas na pagkawala ng pantukoy na “ang” sa mga pangungusap, sugnay at parirala.

Halimbawa, “Ano ba problema?” sa halip na “Ano ba ang problema?” Gayon din ang “’Kaw bahala,” sa halip na “’Kaw ang bahala,” at “’Wag ako tingnan mo,” sa halip na “’Wag ako ang tingnan mo.”

Sa unang halimbawa, nabanggit na ang wasto ay “Ano ba ang problema?” Ngunit dala ng ugali ng mga Pilipino na magtipid sa mga pantig, “Room Three O Four” halimbawa, sa halip na “Room Three Zero Four,” ang “Ano ba ang problema?” ay naging “Ano ba’ng problema?” Ang “Ano ba’ng problema?” namang ito, sa pagmamadali, ay naging “Ano ba problema?” na nakasanayan na at nagtila wasto kalaunan.

At hindi ito napapansin ng mga tao, bunsod ng pagiging magkatunog ng “Ano ba’ng problema?” at “Ano ba problema?” At nakalulungkot man, dala na rin ng kawalang pakialam.

Sa lahat ng pantukoy, ang pantukoy na “ang” lamang ang hindi mapapansin, liban ng mga guro at palaaral sa wika marahil, mawala man sa pangungusap. Halimbawa, kaya nakatatawa ang pagbanggit ng karakter ni Gerald Anderson ng “Ako Budoy,” sa teleseryeng “Budoy” noong 2011 sa ABS-CBN, ay dahil sa pagkawala ng pantukoy na “si,” na dapat ay “Ako si Budoy,” gaya rin ng sa linyang “Ako Barok,” sa mga Pinoy Tarzan, sa halip na “Ako si Burok.”

Ngunit magkagayon pa man, na ang pagkawala ng “ang” sa mga pangungusap ay hindi pansinin, lalo na kung sa pasalitang komunikasyon, malaking pagkakamali pa ring pabayaan na lamang ang ganitong sitwasyon.

Paniniwala nga ng mga linggwista at ng mga guro sa wika, maging ng mga manunulat, “ang wika ay arbitrayo o napagkasunduan.” Napagkasunduan, gaya ng paniniwala ng mga taumbayan, bagama’t hindi nila alam na ang tawag pala sa gayong katangian ng wika, na ang mahalaga ay nagkakaintindihan, ay “arbitraryo” o “napagkasunduan.”

Ngunit, di ba, mayroong tinatawag na “balarila,” wastong pagkakaayos ng mga salita sa loob ng pangungusap? At hindi ba, mas maganda kung nagkakasundo na nga, doon pa sa angkop na paraan? Saka ang ganitong mga kamalian ay lumilikha rin naman ng di pagkakaunawaan, sa pagitan ng dalawang taong malaki ang agwat ng panahon, o baka nga bukas-makalawa, maging sa mga magkakasing-edad.

Idagdag pang ang pambabalewala sa ganitong mga pagkakamali ang nag-aalaga sa pagdami ng mga suliranin sa wika, at sa hindi nito pagiging istandardisado.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento