Biyernes, Nobyembre 2, 2012

Balat ng Saging


Katatapos lang ng napakalakas na ulan na dala ng hanging habagat, at lubog pa rin sa baha ang maraming lugar, at sardinas pa rin sa mga evacuation center ang maraming pamilya. Malamig pa ang tubig na gumagapang sa mga kalsada, parang hininga pa ng aircon ang hangin, at nagpapaguwapuhan pa rin ang mga politiko sa pamimigay ng relief goods.

Tangan ang isang pulang sando bag na may lamang isang piling na saging na tundan, sumakay si Sharon sa dyip na pa-MCU. Sa may pintuan siya naupo, iilan lang silang pasahero. Umusad ang dyip, parang mahihinang putok ang tunog.

Kumuha siya ng isang saging. Mabilis niya ‘yong binalatan. Isang kagat, dalawang kagat, tatlong kagat… ubos.

Bakit kaya sarap na sarap ang mga tao sa lansones at ubas? E di hamak namang mas masarap ang saging. Ano kaya kung saging na lang ang kinain ni Snow White?

Itinapon niya sa kalsada ang balat, tumama sa gutter. Nakita niyang nakatingin sa itinapon niya ang katapat niyang babae, mga edad treynta na.

Kumuha uli siya ng saging. Anong ganda talaga ng pagkadilaw nito, bagay na bagay sa nagkalat na itim na tuldok. Napakakinis. Napakalambot. Parang napakabango. Parang pati balat, masarap kainin. Binalatan niya ito. May bulok. Kinagat niya ‘yon, saka idinura sa kalsada. Isang kagat, dalawa, dalawa’t kalahati… ubos. Huminto ang dyip. Itinapon niya uli ang balat sa kalsada. Muntik nang tumama sa bumper ng kasunod na kotse.

Nakita niyang masama na ang tingin sa kanya ng babae. Ano ngayon? Sa isip-isip niya. Bawal na ang plastik sa Quezon City, pero nabubulok naman ang balat ng saging a. At makadudulas ba ‘yon? Wala namang naglalakad sa mismong kalsada. Kung meron man, mga pasaway ‘yon. Boba! Sabunutan kita riyan e.

Sa Bagong Baryo, masikip na ang kalsada.

“Manong, sandali lang a,” sabi ng katapat niyang babae.

At bago ito bumaba, dinuraan siya nito sa mukha.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento