Linggo, Nobyembre 11, 2012

Paglipat ng Bahay


May pumipiga sa kaluluwang
nilisan nila ang inuupahang bahay
(dala ng kawalang pambayad)
na sampung taon ding naging tahanan,
dala ang mga gamit na ipinundar
saksi sa pagnakaw ng panahon
sa kainosentihan nilang magkakapatid
sa lakas ng kanilang mga magulang:
sugatang sopang kahoy, kalang de-uling at de-gasul,
may pingas na mga platito’t plato, matitibay na tinidor at kutsara,
beteranong sandok at sense, may lamat na mga tasa,
kalawanging mesita, plastik na mga silya,
double deck na kama,
kupas na mga kumot, punda ng unan, kurtina
binubukbok na aparador, inaanay na tokador,
inuubang bentilador,
uugod-ugod na washing machine, gurang na ref.,
puno ng gasgas na drawer, sangkaterbang hanger,
may mga galos na tabo, timba, dram, planggana,
matandang plantsa, inuulyaning radyo,
bagitong TV, nanghihinang pakabayo.

Pagkaayos ng mga gamit sa nilipatang bahay
sinuyod nila ng tingin ang paligid,
gaya pa rin ng dati ang ayos:
ang puwesto ng kama, ng ref, ng mesa,
ng kusina, ng kuwarto, ng banyo.
Ngunit iba ang naririnig nila sa labas:
hindi huni ng mga kuliglig sa halamanan
kundi tawanan ng mga tambay sa tindahan.
Iba ang hininga ng hangin.
Iba ang pinag-uusapan ng mga butiki.

At nang nakahiga na sila,
sa double deck na kama, sa kutson sa sopa,
di man lang mapikit ang kanilang mga mata.
‘Pagkat alam nila,
sa nilisan nilang tahanan,
naiwan nila ang kaligtasan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento