Nasingkit lalo ang mga mata ni Joana at lalo siyang lumiit
sa pagkakabagsak ng kanyang mga balikat, nang bumaba siya ng traysikel.
Masama ang loob niya kay Mary Anne,
sampung taon niyang kaklase, mula grade 1 hanggang fourth year high school. Nakasabay
niya kasi ito, at ni hindi man lang siya inilibre, gayong ito ang naunang
bumaba. Masama ang loob niya hindi dahil sa pamasahe, kundi dahil sa parang
wala man lang silang pinagsamahan. Nagpaalam
lang ito sa kanya. “Bye, Jo.” Sapat na ba ‘yon?
Pagdating niya sa kanila, kakain
sana siya. Pero kakaunti na lang ang kanin. Naghahapunan kasi ang papa niya,
kagagaling lang sa trabaho. Gutom na gutom na naman.
Nagtimpla na lang siya ng kape.
“Ma, andami naman ng ‘binigay mong
tela ke Mareng Rose,” namumuwalan ang papa niya— mga sobrang tela sa uniporme
ng mga kapatid niya ang tinutukoy nito.
“Haya’n mo na’t binayaran naman.”
“Pinabayaran n’yo pa ‘yon?” naibaba
ni Joana sa mesa ang kutsarita.
“Aba, Joana Marie, sa hirap ng
buhay, wala nang libre,” napalakas ang putol ng mama niya sa huling piraso ng payatot
na sitaw.
At nang ilubog nito iyon sa tubig
sa planggana, lumubog din sa tubig ang sama ng loob niya kay Mary Anne.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento