Miyerkules, Nobyembre 28, 2012

Saan Ba Makikita si Bonifacio?


Sa dyip, naglolokohan ang dalawang lalaki.
“Saan ba makikita si Bonifacio?”
“Tanga, sa sampung piso!”

Napasulyap ako sa marungis na bata sa tabi ko
kandong ng nanay niyang
may tangang mumurahing bulaklaking panyo
napatingin ako sa tsuper
maitim ang batok niya’t
nanlilimahid ang bimpo sa balikat
nagbabanggaan sa kalsada ang mga busina
parang malalang ubo ang usad ng mga sasakyan
katirikan ng araw
may mga nagbebenta ng yosi’t basahan
may nakalupasay na pulubi sa daan.

Saan daw ba makikita si Bonifacio?
“Tanga, hindi sa sampung piso!”

Martes, Nobyembre 27, 2012

May Pasan-Pasang Dalamhati ang Hangin


Minsan, madalas ito kung gabi, kung nag-iisa
o kung may hinahanap na di alam kung ano
nararamdaman ko
malungkot ang hanging bumabangga, humahalik
yumayakap sa akin.
Matagal ko ring inisip
kung saan kaya kinukuha ng hangin
ang mga dalamhati
kung paano niya ‘yon pinapasan
kung saan niya ‘yon dinadala.
At ngayong iniwan mo ako
at pabangga-bangga ang hangin sa balat ko
naisip ko, talaga nga kayang
may pasan-pasang lungkot ang hangin
o sa atin lang siya kumukuha ng dalamhati?

Linggo, Nobyembre 25, 2012

Sa Isa't Isa


Mahirap maniwalang
magiging gayon pa rin kalutong ang mga halakhak
ang kislap ng mga ngiti
ang lalim ng pag-unawa
ngayong isa-isa tayong inihihiwalay sa isa’t isa
ng kahirapan
at ng tinatawag na “tadhana.”

Hindi ko rin masisisi
ang sinuman sa atin
kung sinasanay na niya ang sarili
sa bagong samyo ng hangin
o kung pipiliin niyang lumayo na
sapagkat ang kaya lang niyang tiisin ay mga galos
at hindi mga sugat.

Mahirap ding maniwalang ang muling pagkikita
kung meron man, sana, ay gaya pa rin ng dati
sa kulay, sa bango, sa lalim.
Mahirap maniwala, napakahirap
hinihingi ang tapang, ang katatagan.
Pero di ba, ang mga bagay na tunay ay di kumukupas
at may naitayo na tayong tahanan
na anong oras man, maari nating balikan?

Sabado, Nobyembre 24, 2012

Walang Nakauunawa Kung Paano Natin Binalangkas ang Ating Pagsasama


Walang nakauunawa
kung paano natin binalangkas ang ating pagsasama
kung gaano katagal pinagpatung-patong ang mga tisa
at inilagay ang pundasyon
kung gaanong tatag ang hiningi ng ating katatagan
kung ilang hapunan ang pinilit ubusin
kung ilang gabi tayong nagdasal nang umiiyak
kung sa ilang kanta natin natagpuan ang mga sarili
kung ilang luha ang inaksaya
kung matatawag nga iyong “pagsasayang.”

Walang nakaaalam ng kuwento
sa likod ng mga latay natin, sugat, galos.
Kaya ngayong hindi ko maihakbang ang mga paa ko
palayo sa nalalantang punong
tayo ang nagpalaki  at matagal nating kinasalampakan
hindi na ako magtataka
na sarili ko lang ang nakauunawa sa akin.

Linggo, Nobyembre 18, 2012

Pagtawid


Isang kaligayahan ang balikan ang nakaraan
at di na mahalaga kung ano ang tulay
kung isang pabango
kung isang kulay
kung isang musika
kung isang lugar.

Isang kaligayahan ang balikan ang nakaraan
‘pagkat doon, damang-dama ang kaligtasan
ngunit makikita, sa kabila ng tulay
naroon ang takot at kawalang-katiyakan
naghihintay.

Sa Mundong Di Nauunawaan


Mamaya, alam ko, pagsapit ko
sa mundong di naipaliliwanag
sa daigdig na doon lang nauunawaan
doon na ang lahat ay biglang naglalaho, lumilitaw
nag-iiba-iba ng hugis, nagpapalit-palit ng kulay
may di nakikitang batas
muli kitang makikita
maaring sakay ng kabayong
may mga pakpak ng gamu-gamo
o magdidikit-dikit ang mga pilik-mata
at mabubuo ka
o lalabas sa aking tainga.
Maaring masayahin kang muli
o lumuluha, mahina, o palangiti
maaring nakablusa ka, nakasaya
nakamaong, nakahubad.
Subalit di na mahalaga ang mga ito
sapagkat tiyak, doon
sa mundong di nauunawaan
wala nang takot
hihilingin kong yakapin mo ako, halikan
kahit doon man lamang

kahit doon na lamang
sa mundong di nauunawaan.

Sabado, Nobyembre 17, 2012

Kung Gabi, Kung Madaling-Araw


Para sa akin, napakasarap magsulat ng tula
kung gabi, kung madaling-araw
kung nagmamatyag ang dilim
kung ang tanging naririnig
ay hilik ng refrigerator, kuwentuhan ng mga butiki
tik-tak ng orasan, uyayi ng mga kuliglig.

Para sa akin, napakasarap sumuot
sa pagitan ng mga taludtod
ng mga linya, ng kaluluwa ng tula
kung gabi, kung madaling-araw.
Hindi lang dahil tahimik
o sapagkat natuturuan ng dilim
kundi sapagkat sa pagitan ng paghinga
ng katahimikan
at ng mga bilyong itim na butil
nagagamot ko ang aking sarili.

Biyernes, Nobyembre 16, 2012

Tsismis


“’Yon ang matindi!” dumampot si Rose ng Boy Bawang sa kamay ng Mareng Auria niya.

Siya ang “Antenna” ng looban, dahil sa lakas ng radar niya. Isa siya sa mga unang nakaaalam kung sino ang mga nabuntis, nakabuntis, may kabit, pinalayas sa bahay dahil di makabayad, nag-away na mag-asawa, at kung ano-ano pa.

Basta may tsismis, sumusugod agad siya sa kapitbahay. Pag may pumunta naman sa kanila, namigay lang ng handa o nagpataya sa ending, pag-alis nito, may baon nang tsismis.

Grabe ang tsismis, pag ikaw ang pinagtsitsismisan, alam na alam na ng buong baranggay, pero ikaw na pinag-uusapan, walang kaalam-alam, madalas maisip ni Rose. Pag kasi malapit na ang pinagtsitsismisan, tahimik na ang lahat. Tahimik na sila.

“O, s’ya. Mauna na nga ko’ sa inyo’t wala pa pala kaming ulam,” dumampot uli siya ng Boy Bawang.

Pagkalayo niya, napag-usapan ng mga naiwan ang saleslady na kabit ng kanyang asawa.

Miyerkules, Nobyembre 14, 2012

Tagahanga


Kasama ka sa maraming piraso ng panaginip ko
malaking bahagi ka ng aking pagkatao.

Alam na alam ko ang paborito mong pagkain
ang paborito mong banda at pelikula
ang paborito mong kulay, paboritong bansang pasyalan
ang iyong mga libangan
kung saang lungsod ka lumaki
kung saan nag-aral, kung paano ka matulog
ano ang iyong tinapos, ang iyong mga pangarap.

Kasama ka sa maraming piraso ng panaginip ko
malaking bahagi ka ng aking pagkatao.

Hindi mo alam
kung paano kumislap ang aking mga mata
o kung paano kumurba ang aking mga labi
tuwing makikita kita sa malalaking billboard
o mapanonood sa telebisyon, masisilayan sa diyaryo
mapakikinggan sa radyo ang tinig mo.
Hindi mo alam
kung gaano ko kakilala ang tinig mo
ang itsura ng iyong likod.

Hindi mo alam kung ano ka sa akin.
Hindi mo alam ang kahulugan.

Kasama ka sa maraming piraso ng panaginip ko
malaking bahagi ka ng aking pagkatao.

Alam ko, inuunawa ko, tinatanggap
matagal na matagal na
na malamang, di kita makita
malapitan, mahawakan ang mga kamay mo
masamyo ang iyong bango.

Ngunit kasama ka pa rin sa maraming piraso ng panaginip ko
malaking bahagi ka pa rin ng aking pagkatao
kahit wala ako
sa pinakamaliit mang hibla ng iyong alaala
hindi nasangkot
sa isa man sa pinakapangkaraniwan mong araw
kahit di mo alam ang paborito kong kulay
o ang aking pangalan.

Kasama ka sa maraming piraso ng panaginip ko
malaking bahagi ka ng aking pagkatao.

Linggo, Nobyembre 11, 2012

Paglipat ng Bahay


May pumipiga sa kaluluwang
nilisan nila ang inuupahang bahay
(dala ng kawalang pambayad)
na sampung taon ding naging tahanan,
dala ang mga gamit na ipinundar
saksi sa pagnakaw ng panahon
sa kainosentihan nilang magkakapatid
sa lakas ng kanilang mga magulang:
sugatang sopang kahoy, kalang de-uling at de-gasul,
may pingas na mga platito’t plato, matitibay na tinidor at kutsara,
beteranong sandok at sense, may lamat na mga tasa,
kalawanging mesita, plastik na mga silya,
double deck na kama,
kupas na mga kumot, punda ng unan, kurtina
binubukbok na aparador, inaanay na tokador,
inuubang bentilador,
uugod-ugod na washing machine, gurang na ref.,
puno ng gasgas na drawer, sangkaterbang hanger,
may mga galos na tabo, timba, dram, planggana,
matandang plantsa, inuulyaning radyo,
bagitong TV, nanghihinang pakabayo.

Pagkaayos ng mga gamit sa nilipatang bahay
sinuyod nila ng tingin ang paligid,
gaya pa rin ng dati ang ayos:
ang puwesto ng kama, ng ref, ng mesa,
ng kusina, ng kuwarto, ng banyo.
Ngunit iba ang naririnig nila sa labas:
hindi huni ng mga kuliglig sa halamanan
kundi tawanan ng mga tambay sa tindahan.
Iba ang hininga ng hangin.
Iba ang pinag-uusapan ng mga butiki.

At nang nakahiga na sila,
sa double deck na kama, sa kutson sa sopa,
di man lang mapikit ang kanilang mga mata.
‘Pagkat alam nila,
sa nilisan nilang tahanan,
naiwan nila ang kaligtasan.

Huwebes, Nobyembre 8, 2012

Libre


Nasingkit lalo ang mga mata ni Joana at lalo siyang lumiit sa pagkakabagsak ng kanyang mga balikat, nang bumaba siya ng traysikel.

Masama ang loob niya kay Mary Anne, sampung taon niyang kaklase, mula grade 1 hanggang fourth year high school. Nakasabay niya kasi ito, at ni hindi man lang siya inilibre, gayong ito ang naunang bumaba. Masama ang loob niya hindi dahil sa pamasahe, kundi dahil sa parang wala man lang silang pinagsamahan.  Nagpaalam lang ito sa kanya. “Bye, Jo.” Sapat na ba ‘yon?

Pagdating niya sa kanila, kakain sana siya. Pero kakaunti na lang ang kanin. Naghahapunan kasi ang papa niya, kagagaling lang sa trabaho. Gutom na gutom na naman.

Nagtimpla na lang siya ng kape.

“Ma, andami naman ng ‘binigay mong tela ke Mareng Rose,” namumuwalan ang papa niya— mga sobrang tela sa uniporme ng mga kapatid niya ang tinutukoy nito.

“Haya’n mo na’t binayaran naman.”

“Pinabayaran n’yo pa ‘yon?” naibaba ni Joana sa mesa ang kutsarita.

“Aba, Joana Marie, sa hirap ng buhay, wala nang libre,” napalakas ang putol ng mama niya sa huling piraso ng payatot na sitaw.

At nang ilubog nito iyon sa tubig sa planggana, lumubog din sa tubig ang sama ng loob niya kay Mary Anne.

Nobela


Kinuha niya sa marungis na salansanan
ang inaalikabok na aklat
binuklat, binasa.
Naggalawan ang mga letra
sumindi ang mga ilaw
nabuhay ang mga tao
sa loob ng libro.

Linggo, Nobyembre 4, 2012

Polyglot


Marunong na si Hanna ng Fookien, mahusay na rin siya sa English, at magaling-galing sa Filipino. Pero nakukulangan pa rin siya, gustong-gusto niyang matuto ng Spanish.

“Greek kaya?” ginagaya ni Aldrich sa Adobe Photoshop ang mukha ni Eros.

Umiling lang si Hanna, tinitiklop ang mga statement shirt sa sopa.

“Hebrew?”

Napatingin lang siya sa kasintahan, tapos, umiling uli.

“Kasali ‘yang mga ‘yan sa top three oldest languages,” binitiwan ni Aldrich ang mouse. “Maraming words from other language ang kinopya sa mga ‘yan.”

Tatlong wika na ang alam niya, pero di niya alam ang sinasabi ng kasintahan. Top three?

Nang magsimula siyang mag-aral ng Spanish, nanghinawa siya sa pakikipagrelasyon. Nakipaghiwalay siya kay Aldrich. Pumayag ito, ni wala halos sinabi. Kinabukasan, may nakita siyang kahon sa apartment niya. T-shirt ang laman, may nakasulat, di niya maintindihan— Ego Mos Te Requiret, Meum Es Vita.

At hindi na niya uli nakita ang ex-boyfriend.


Ego Mos Te Requiret, Meum Es VitaLatin, "Mami-miss kita, ikaw ang buhay ko."


Libing


Nakablusang puti si Ma’am Rose, dean ng College of Accountancy, nakapayong na itim, naka-shades, may tangang polka dots na panyo.

Sa tantiya niya, mga limang dipa lang ang layo niya sa karo. Hindi niya magawang makidalamhati sa pamilya, dahil ni hindi naman niya kilala ang namatay, ni hindi rin niya kabiruan ang namatayan— si Ma’m Modrone, isa sa kanyang mga faculty member. Kaya napagpasyahan niyang maglakad na lamang, bilang pakikihati sa hirap. Pinauna na niya sa bahay si Mang Greg. Magta-taxi na lang siya pag-uwi.

Nang ipinapasok na sa nitso ang kabaong, panay ang iyak ng mga namatayan. May dalawang hinimatay, may isang nagwawala. Dinukot ni Ma’am Rose sa shoulder bag niya ang cell phone niya. May limang missed call at tatlong text message.

Si Glenn, pamangkin niya. Auntie bt d nyu sagot ang fone? Nacardiac arrest c dad, wla na xa.

Napahagulgol siya. Hinimas siya sa likod ng katabi niyang babae.

“Ganyan po talaga ang buhay.”

Umihip ang hangin, nagsayawan sa ere ang mga dahon ng akasya.

Sabado, Nobyembre 3, 2012

Ang Pantukoy at Paghalip sa Ika-21 Siglo


Kung maikukumpara ang Wikang Filipino sa isang wika, malamang, ‘yon ay dili iba’t ang Wikang Ingles.

At sa pagkukumpara sa dalawang wikang ito, masasabing mas malinaw ang gamit ng mga bahagi ng panalita sa Wikang Ingles. At ito ay hindi lang basta dulot ng pagkakaroon ng Wikang Filipino ng sampung bahagi ng panalita at ng Wikang Ingles ng siyam na bahagi lamang, kundi ng pagiging malikhain ng mga Pilipino sa pakikipagtalastasan, lalo na sa komunikasyong pasalita.

Malaking patunay ng pagkamalikhaing ito ng mga Pilipino sa wika at ng bunga nitong mga kalituhan sa komunikasyon at mga kamalian sa balarila ang kasalukuyang kalagayan ng panghalip at pantukoy.

Ang panghalip, “pronoun” sa Wikang Ingles, ay bahagi ng panalita na ipinanghahalili sa pangngalan o “noun,” bahagi ng panalita na tumutukoy sa ngalan ng tao, hayop, bagay, pook o pangyayari. Mahalagang palitan ng panghalip ang pangngalan. Una, sapagkat kung hindi, magiging paulit-ulit ang pangngalan. At masakit ‘yon sa tenga. Ikalawa, magmumukhang marami ang tinutukoy na ngalan, kahit iisa lang naman.

Halimbawa ng dalawang dahilan:

Umuwi si Pepe sa bahay nina Pepe. Pagkakita ni Pepe sa nanay ni Pepe, nagmano si Pepe. Pagkatapos, kumain si Pepe. Pagkakain ni Pepe, naligo si Pepe at gumayak si Pepe.

Gayon kahalaga ang panghalip, kaya dapat, nagagamit ito nang mabuti. Ngunit nang pumasok ang ika-21 siglo, nagkaroon ng kalituhan sa paggamit nito— nang ang mga panghalip na pantao, “siya” at “niya” halimbawa, ay gamiting panghalili sa ngalan ng bagay sa halip na sa ngalan ng tao. Halimbawa, maririnig na ngayon ang ganitong pangungusap, “Ang sarap-sarap talaga n’ya.” At kung hindi mo makikitang may kung anong kinakain ang nagsalita, iisipin mong nakikipag-sex siya o nagpapantasya, dahil lamang sa paggamit niya ng panghalip na “niya.” Maririnig na rin ngayon ang “Gustung-gustong ko s’ya,” kahit na ang tinutukoy lamang pala ng nagsalita ay bag, t-shirt, shades cellphone o kung ano pang mga bagay.

Madalas na maririnig ang ganitong mga pangungusap sa mga kabataan, lalo na sa mga bading at babae. At dahil ang ganitong sitwasyon sa balarila ay sumibol sa pagtungtong ng ika-21 siglo, nahihirapan ang mga ipinanganak noong dekada `80 pababa, na unuwain ang ganitong mga pahayag— lalo na ‘yong mga isinilang noong dekada `40 at dekada `50.

Kabaligtaran naman nito ang isa pang sitwasyon sa balarila, na sumibol naman noong dekada `70 pabalik, kung saan ang panghalip na para sa bagay, “ito,” “iyan,” “nito” halimbawa, ay ginagamit naman sa tao. Halimbawa, “Kasalanan kasi nito we,” o kaya naman ay “Ito kasi ye.” At dahil nga ang wika ay nagpapasalin-salin lamang, mula sa isang henerasyon papunta sa susunod, maririnig na rin ang ganitong mga pangungusap sa kahit na sino.

Ngunit sa matatanda, sa mga ipinanganak noong dekada `50, may ibang paraan ng paggamit sa panghalip, na kaiba sa dalawang nauna. Ganito ang maririnig sa kanila, “E di dumating itong Lydia,” o kaya naman ay “Matagal na palang alam nitong Mario.”

Mula rito, masasabing sa tatlong sitwasyon, ang huling nabanggit nga ang unang umusbong. Maipalalagay ring bunga nito ang ikalawang nabanggit na sitwasyon, ang paggamit ng panghalip na para sa bagay sa ngalan ng tao. Ngunit mahirap masabing ang unang nabanggit na sitwasyon, ang paggamit ng panghalip na pantao para sa mga bagay, ay bunga ng ikalawa.

Samantala, itong huling sitwasyon ay naiba sa dalawang nauna, sapagkat sa dalawang nauna, nagkapalit ang gamit ng panghalip— sa una, ang panghalip na para sa tao ay ginamit sa bagay; sa ikalawa, ang panghalip na para sa bagay ay ginamit sa tao— habang sa ikatlo naman, ang panghalip ay hindi naging ganap na panghalip, kundi naging pantukoy, “article” sa Wikang Ingles, bahagi ng panalita na tumutukoy sa pangngalan.

Nabanggit kanina, na ang gamit ng panghalip ay palitan ang pangngalan, kaya hindi maaring magkaroon ng panghalip at pangngalan nang sabay o sa iisang gamit lamang. At kung susundin nga ang ito, marapat na mawala ang mga pangngalang “Lydia” at “Mario” sa dalawang pangungusap. Ngunit hindi gayon ang nangyari. Sapagkat gaya ng nasabi na, ang panghalip sa dalawang pangugusap ay naging pantukoy lamang. Sa unang pangungusap, sa pangungusap na “E di dumating itong Lydia,” nagtila pantukoy na “ang” lamang ang panghalip na “ito,” sa pagtukoy nito sa pangngalang “Lydia,” habang sa ikalawang pangungusap, sa pangungusap na “Matagal na palang alam nitong Mario,” ang panghalip na “nito” ay naging pantukoy lamang sa pangngalang “Mario.”

Sa maiksing sabi, kung daraanin sa punto ng balarila, mas mali ang ikatlong sitwasyon kumpara sa dalawang nauna. Sapagkat bukod sa ang panghalip na para sa bagay—“ito” at “nito”— ay ginamit nito sa tao, ginamit din nitong pantukoy ang mga panghalip.

Liban pa rito, ang panghalip na pantao rin, “sila,” “nila” at “k’ila” o “kanila” halimbawa, ay ginagamit ding pantukoy sa ngalan ng tao, sa halip na ang gamitin ay ang mismong mga pantukoy, “sina,” “nina” at “kina,” halimbawa.

Halimbawa, sa halip na, “Kina Lara kami kakain,” ay mas maririnig ang “K’ila Lara kami kakain,” o “Kanila Lara kami kakain.” Sa halip din na, “Nakita ko sina Rizza kanina,” ay nagiging “Nakita ko sila Rizza kanina.” At huli, sa halip na, “Ang alam kasi nina Ma, uuwi ako ngayon,” ay nagiging “Ang alam kasi nila Ma, uuwi ako ngayon.”

Ang “k’ila” o “kanila” sa unang halimbawa, ang “sila” sa ikalawa at “nila” sa ikatlo, ay mga panghalip, mga panghalili sa pangngalan. Kaya’t hindi angkop na gamitin itong pantukoy.

Dalawa ang makikitang dahilan kung bakit ginagamit o nagagamit, hindi sinasadya, na pantukoy ang nabanggit na mga panghalip. Una, sapagkat magkatunog ang nabanggit na mga pantukoy at panghalip— ang “kina” at “k’ila,” ang “sina” at “sila,” ang “nina” at “nila.” Ikalawa, dahil hindi naiturong mabuti sa akademya ang kaibahan ng mga ito.

Ang unang dahilan ang sanhi kung bakit mas madalas ang ganitong mga pagkakamali sa pasalitang komunikasyon kaysa sa pasulat. Bagama’t nakalulungkot na maging sa pasulat na komunikasyon ay madalas din ang ganitong mga kamalian, at na maging ang ilang manunulat ay biktima nito.

Isa pang kamaliang mapapansin sa pantukoy ay ang madalas na pagkawala ng pantukoy na “ang” sa mga pangungusap, sugnay at parirala.

Halimbawa, “Ano ba problema?” sa halip na “Ano ba ang problema?” Gayon din ang “’Kaw bahala,” sa halip na “’Kaw ang bahala,” at “’Wag ako tingnan mo,” sa halip na “’Wag ako ang tingnan mo.”

Sa unang halimbawa, nabanggit na ang wasto ay “Ano ba ang problema?” Ngunit dala ng ugali ng mga Pilipino na magtipid sa mga pantig, “Room Three O Four” halimbawa, sa halip na “Room Three Zero Four,” ang “Ano ba ang problema?” ay naging “Ano ba’ng problema?” Ang “Ano ba’ng problema?” namang ito, sa pagmamadali, ay naging “Ano ba problema?” na nakasanayan na at nagtila wasto kalaunan.

At hindi ito napapansin ng mga tao, bunsod ng pagiging magkatunog ng “Ano ba’ng problema?” at “Ano ba problema?” At nakalulungkot man, dala na rin ng kawalang pakialam.

Sa lahat ng pantukoy, ang pantukoy na “ang” lamang ang hindi mapapansin, liban ng mga guro at palaaral sa wika marahil, mawala man sa pangungusap. Halimbawa, kaya nakatatawa ang pagbanggit ng karakter ni Gerald Anderson ng “Ako Budoy,” sa teleseryeng “Budoy” noong 2011 sa ABS-CBN, ay dahil sa pagkawala ng pantukoy na “si,” na dapat ay “Ako si Budoy,” gaya rin ng sa linyang “Ako Barok,” sa mga Pinoy Tarzan, sa halip na “Ako si Burok.”

Ngunit magkagayon pa man, na ang pagkawala ng “ang” sa mga pangungusap ay hindi pansinin, lalo na kung sa pasalitang komunikasyon, malaking pagkakamali pa ring pabayaan na lamang ang ganitong sitwasyon.

Paniniwala nga ng mga linggwista at ng mga guro sa wika, maging ng mga manunulat, “ang wika ay arbitrayo o napagkasunduan.” Napagkasunduan, gaya ng paniniwala ng mga taumbayan, bagama’t hindi nila alam na ang tawag pala sa gayong katangian ng wika, na ang mahalaga ay nagkakaintindihan, ay “arbitraryo” o “napagkasunduan.”

Ngunit, di ba, mayroong tinatawag na “balarila,” wastong pagkakaayos ng mga salita sa loob ng pangungusap? At hindi ba, mas maganda kung nagkakasundo na nga, doon pa sa angkop na paraan? Saka ang ganitong mga kamalian ay lumilikha rin naman ng di pagkakaunawaan, sa pagitan ng dalawang taong malaki ang agwat ng panahon, o baka nga bukas-makalawa, maging sa mga magkakasing-edad.

Idagdag pang ang pambabalewala sa ganitong mga pagkakamali ang nag-aalaga sa pagdami ng mga suliranin sa wika, at sa hindi nito pagiging istandardisado.

Biyernes, Nobyembre 2, 2012

Pangamba


Heavy raw ang pangamba
kaya pala’ng luha n’ya
pumalo nang ‘sang libra.

Balat ng Saging


Katatapos lang ng napakalakas na ulan na dala ng hanging habagat, at lubog pa rin sa baha ang maraming lugar, at sardinas pa rin sa mga evacuation center ang maraming pamilya. Malamig pa ang tubig na gumagapang sa mga kalsada, parang hininga pa ng aircon ang hangin, at nagpapaguwapuhan pa rin ang mga politiko sa pamimigay ng relief goods.

Tangan ang isang pulang sando bag na may lamang isang piling na saging na tundan, sumakay si Sharon sa dyip na pa-MCU. Sa may pintuan siya naupo, iilan lang silang pasahero. Umusad ang dyip, parang mahihinang putok ang tunog.

Kumuha siya ng isang saging. Mabilis niya ‘yong binalatan. Isang kagat, dalawang kagat, tatlong kagat… ubos.

Bakit kaya sarap na sarap ang mga tao sa lansones at ubas? E di hamak namang mas masarap ang saging. Ano kaya kung saging na lang ang kinain ni Snow White?

Itinapon niya sa kalsada ang balat, tumama sa gutter. Nakita niyang nakatingin sa itinapon niya ang katapat niyang babae, mga edad treynta na.

Kumuha uli siya ng saging. Anong ganda talaga ng pagkadilaw nito, bagay na bagay sa nagkalat na itim na tuldok. Napakakinis. Napakalambot. Parang napakabango. Parang pati balat, masarap kainin. Binalatan niya ito. May bulok. Kinagat niya ‘yon, saka idinura sa kalsada. Isang kagat, dalawa, dalawa’t kalahati… ubos. Huminto ang dyip. Itinapon niya uli ang balat sa kalsada. Muntik nang tumama sa bumper ng kasunod na kotse.

Nakita niyang masama na ang tingin sa kanya ng babae. Ano ngayon? Sa isip-isip niya. Bawal na ang plastik sa Quezon City, pero nabubulok naman ang balat ng saging a. At makadudulas ba ‘yon? Wala namang naglalakad sa mismong kalsada. Kung meron man, mga pasaway ‘yon. Boba! Sabunutan kita riyan e.

Sa Bagong Baryo, masikip na ang kalsada.

“Manong, sandali lang a,” sabi ng katapat niyang babae.

At bago ito bumaba, dinuraan siya nito sa mukha.

Huwebes, Nobyembre 1, 2012

Kung Mabasted Ako


Hindi ako magagalit sa iyo
kung wala kang pagtingin sa akin,
‘pagkat ito ang nararapat
‘pagkat wala kang kasalanan.

Hindi ko bibilugan sa aking isip
ang araw ng iyong pagtanggi
ni sisisihin ang musikang tumugtog
nang balewalain mo ako.

Hindi kita sisisihin
ni ang mga ibon, ni ang ulap, ni ang hangin.
Sa halip, paghahandaan ko ang aking panaginip
dahil sa bawat gabi
batid ko, lagi akong duduru-duruin
ng aking sarili.