Nag-uunahan, nag-aagawan na ang mga kaluluwa’t mga pangarap
sa kahon ng posporong maghahatid sa kanila
sa kani-kanilang pamilya
dahil pader na ang dilim
at nanunuod na ang mga bituin.
Mabagal ang usad ng mga kahon ng posporo
sa kalsada ng EDSA— pahinto-hinto, pakadyot-kadyot
at sa nakabibingi nilang busina
lalo kong nadarama, anyaya ng kama.
Matapos makipag-unahan sa pagsakay
pinalad akong magkaroon ng upuan
sa bus na pa-Malinta Exit.
Nasa Oliveros na ang bus
nang maging bahagi ka ng aking paglalakbay.
Ikinalulungkot ko, wala nang upuan.
Ipagpaumanhin mo, wala nang maginoo.
Hindi ka rin naman kasi pasok sa batayan
ng dapat pag-ukulan ng upua’t paglaanan ng sakripisyo:
hindi ka buntis; walang kapansanan;
hindi ka matanda; walang kasamang bata;
hindi ka maganda.
Tumayo ako, iniwan ang upuan
at naramdaman ko na naman, pananakit ng kalamnan ko sa binti.
“Ate o.”
Ngiti lang ang isinagot mo— ngiti at mabilis na sulyap.
Malapit nang sumuba sa NLEX ang bus
at sa pader na dilim
at nanonood na mga bituin
isa lang aking hiling.
Sana, sa langit
may magpaupo rin sa aking ina
maski sa mga ulap lang.
Maski sa mga ulap man lamang.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento