Martes, Nobyembre 22, 2011

Bus na Pa-Sta. Cruz


Papunta ako noong Pi Yu Pi
para kumuha uli ng Ti O Ar
kaya gaya ng inaasahan, tinumbok ko na naman
rutang apat na taon kong dinaanan.
Pangalawang sinakyan ko, bus na pa-Sta. Cruz
na wala pa rin palang ipinag-iba
nagmamabagal pa rin sa En Leks
‘pagkat naniningil pa ang konduktor
ngunit sumisigida nang banat
pagsapit sa Balintawak.

Sa Mayon, madalas kaming napatatagilid
at nagigising ang naiidlip
nauumpog sa upuan ang nagti-text
sa parang hanging tulin ng bus
at may ilang, di mapipigilang mapatili
mapa-‘Susmaryosep, magalit
at masigawan ang tsuper at konduktor.
Nagugulat ang mga nalalampasan
napapahawak nang mahigpit sa upuan
ang mga baguhan
habang kampante lang sa puwesto, matagal nang mga suki.

Pagkahinto ng bus
isang mag-inang nagmamadaling bumaba
at nakita kong parehas nakasimangot
ang kanilang mukha.
Naala’la ko tuloy, dating balita sa telebisyon
isang bus sa Sta. Cruz
papasok na lang sa Malinta Exit
tumagilid pa sa Royal Mall.
Pinakinggan ko mula noon
usap-usapan, ng mga konduktor, ng mga tsuper
pati nagtitinda ng mani at tubig.
At tumatak sa akin ang sabi ng isang konduktor.
“Ano kung tumagilid tayo sa bilis ng pagpapatakbo
aba, pag hindi tayo nagmatulin
buong pamilya natin ang tatagilid.”


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento