Martes, Nobyembre 29, 2011

Kilala Pa Sana Ako ng Punong Akasya




Tanggap ko na ang katotohanang
hindi na ako 'yong batang
umuupo sa unanong bangko
habang naghuhukay o gumuguhit ng kung ano-ano
sa malambot, buhaghag na lupa
hindi na ako 'yong batang nilulunod sa dura
mga langgam na nagpuprusisyon sa iyong paanan
tangay ang pakpak o binti ng kung anong insekto
papasok sa yungib sa iyong talampakan.

Hindi na ako 'yong batang nagtatanong sa ama
kung bakit pag gabi, nakatiklop
mga dahon ng akasya
dahil ngayo’y alam ko nang
gaya ng tao’t puso, kailangan din nilang magpahinga.

Siguro nga, hindi na ako 'yong batang
ilang ulit na nagtangka kang akyatin
kaya’t nagkasugat-sugat, braso at hita
hindi na 'yong nangungulit sa kanyang ama
na maglagay ng bahay-kubo
sa ibabaw ng iyong mga sanga
siguro nga hindi na ako 'yon, 'yong batang
handang maglupasay, magngangalngal
sa iyong paanan
huwag lang di isama ng mga magulang
sa malayo-layo ring handaan.

Dahil dito, dahil sa mga ito
maaring hindi mo na ako kilala
sapagkat iba na'ng hilatsa ng aking mukha
iba na'ng takbo ng aking pag-iisip
iba na'ng mga larawan sa aking panaginip
iba na'ng kislap sa itim ng aking mga mata
at marami na akong bitbit na mga alaala
idagdag pang sabi ng mga pilosopo
walang sinomang makatatapak sa isang ilog
nang dalawang ulit.

Malamang nga, hindi mo na ako kilala
ngunit magkagayon pa man
gusto ko pa ring umasa
handa pa rin akong bumalik sa aming likod-bahay
umupo doon sa unanong bangko
ilapat ang madalas mangalay na balikat
sa malapad mong katawan
at hintayin ang ilalaglag mong dahon
sa aking mga palad
umaasang sa pagpapalitan man lang natin ng hininga
sa akin man lang ngiti, gawi, tinig at titig
makilala mo ako.
Dahil kung ikaw na naghintay diyan ng ilang dekada
ay hindi na ako makikilala
hinding-hindi na ako dapat pang umasang
makikilala ako
ng mga taong nagpaalam sa akin
at nagsabing magkikita-kita kami ulit.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento