Habang nilalamay ko ang artikulo ko
hinggil sa kupad ng katarunga’t progreso
kolum sa pangmasang diyaryo
nagbukas ako ng ilaw
nilakasan ang bentilador.
Hindi sapat ang tanglaw ng kompyuter
at ang usok ng katol
upang itaboy ang mga walang hiyang lamok.
Sa pagbukas ng ilaw
nawala ang drama sa aking kuwarto
pero tiyak, hindi ang mga lamok
dahil rumoronda pa rin sila
sa magkabila kong tenga.
May isang nagtangkang dumapo sa aking pilik-mata.
Iniatras ko ang aking mukha, saka ko hinipan
aba, sa laki’t bigat ng katawan
hindi man lang nakuhang tangayin
ng aking hininga.
Nangati ang hita ko.
Tinampal ko.
Sabog ang katawan ng isa sa aking palad
at nagkulay pula ang pagitan
ng hinlalato ko’t palansinsingan.
Inamoy ko.
Malansa rin talaga’ng dugo ng lamok.
O baka naman dugo ito ng tao?
Baka naman dugo ko ito?
Ganito rin kaya ang amoy
ng dugo ng mga parasitiko sa gobyerno
dahil dugo rin iyon ng tao, ng masa?
O di hamak na mas malansa’ng sa kanila?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento