Sabado, Nobyembre 5, 2011

Sino’ng Hindi Bibilib sa Panahon?


Habang nakaharap sa kompyuter at nagpi-Facebook
may mensaheng natanggap ang cellphone ko
musta k n?
Galing sa aking ex-girlfriend.
Pagkabasa, ibinaba ko agad aking cellphone.
Sa dami ng nagdaang kahapon
malamang, wala na roon ang emosyon.


Madalas kong marinig
maski noong mura pa aking pag-iisip
na walang sugat na hindi kayang paghilumin
ng paggalaw ng mga kamay ng orasan
at pagkalagas ng mga dahon, ng kalendaryo
at nang lumaki na ako, napatunayan ko ito
may mga galit kasing hindi man inihingi ng tawad sa’kin
o nilakipan ng ngiti o tapik sa balikat
ay ikinagulat ko na lang
na wala na pala’t nilipad na sa alapaap.

Totoo rin sigurong walang hindi kayang palumain
takip-silim at bukang-liwayway
nakalalaway mang balat
kaya nitong hubaran ng kinis
kayang panipisin naggagandahang buhok
at paitimin dating mapuputing tuktok.
Ipinagmamalaki mang piramida sa Ehipto
na nakikipagtagalan kuno sa panahon
kaya nga’t laging pasok
sa seven wonders of the world
iba na rin ang itsura ngayon.
Kayang palumain ng mga segundo
pinakamaganda mang kastilyo
kayang papurolin ng mga minuto
pinakadinadakilang talino
kayang baguhin ng oras
lahat ng sistema at batas.

Ngayon, sabihin mo
sinong hindi bibilib sa panahon?

Parang ngumiti ang larawan
sa profile picture ng aking Facebook account.

Dinampot ko agad aking cellphone
saka dinala sa reply.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento