Kung araw, sa mesang ito sa tabing kalasada
nakapatong, mga panindang gulay ni Aling Atse pag umaga
ulam kung tanghali
fish ball at gulaman at banana cue kung hapon.
Sa mga gabing pakiramdam ko
mag-isa ako sa bahay at buhay
at parang marami akong hinahanap
sa mga madaling-araw
na ayokong pumasok sa trabaho
at pakiwari ko, nasa isip ko lang ang umaga
dito ako nakatanga
pinanunuod ang mga ulap sa paglalayag
sinasamahan ang mesa sa pag-iisa
dinaramayan ng mesa, dinaramayan ang mesa.
Dito ako inaabutan ng tatay ko
pagkagaling niya sa trabaho
dito ako pinupuntahan ng mga utol ko
pag maghahapunan na o magsasara na ng bahay.
Dito ko natanggap ang text
ng kompanyang pinagtatrabahuhan
para sa aking panayam
dito ko kinakausap sa cellphone, dati kong kasintahan
dito ko ginugunita, mga alaala
dito ko sinisilip sa pagitan ng mga ulap, lawak ng langit
dito ko hinabi, aking mga pangarap
dito ko pinamahasa aking sarili
sa pananaginip.
Ngayong lilipat na kami ng bahay
dahil sa dalawang buwan naming kulang
idinarasal ko, sana
madala ko ang mesang ito
o kung hindi man, sana
may ganito sa amin, sa aking lilipatan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento