Lunes, Nobyembre 7, 2011

Pagkukumpara


Gaya ng kape ang tula;
gaya ng tula ang kape
masarap sipingan sa madaling-araw
o kailanmang naroon ang kapayapaan;
pero hindi gaya ng tula ang kape
nakasasama kung malinsangan
nakasisira ng katawan pag nasobrahan
at liban sa katawan, sa isip
wala nang kayang gisingin.

Gaya ng shabu't marijuana ang tula;
gaya ng tula ang shabu't marijuana
pag nasimulan, lagi't lagi nang hahanapin
hindi lang ng isip at katawan
kundi pati ng gawi't panaginip;
pero di gaya ng tula ang shabu't marijuana
nakababasag ng alkansiya't nakagagasgas ng ATM card
nakapanghihina ng konsens'ya
nakapanlalabo ng hatingg-gabi't umaga.

Gaya ng pagsintang eros ang tula;
gaya ng tula ang pagsintang eros
nakapagpapangiti maging sa pag-iisa
naghahandog ng agresibong emosyon
at minsan, hindi nakakikilala ng takot;
pero di gaya ng tula ang pagsintang eros
makasarili
hindi marunong makinig
sarili lang ang sinusunod.

Ang tula ay tulad ng tula
pag-asa't diwang nahihimbing, ang ginigising
kinakalawang na sistema, ang binabasag
at hindi sarili ang sinusunod
dahil hindi ang manunulat ang amo ng tula
kundi, ang buhay, ang sining.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento