Linggo, Nobyembre 6, 2011

Giniikan


Hindi ko alam kung anong meron
ni kung anong wala
kung bakit naroon ang saya sa aking mga mata
habang minamasdan, kumpol ng giniikan
na parang lukton, pinawawalan ng treser sa hangin
hanggang bumagsak sa lupa
para ibalik, inutang na sustans’ya
at muling maging bahagi
ng bukid na ilang buwang naging kasiping.

Gaya ng aking kaluluwa
parang nagagalak rin, ikinukumpas mga pakpak sa himpapawid
ng mga tagak, maya, langay-langayan
habang umaawit.
Hindi kaya sila nalulungkot
na ginagapas na
palay na ilang buwang inilayo sa kanila
ng nakatayo, nakadipang panakot-uwak?

Naroon din ang saya, siyempre
sa labi, mata, ng mga magsasaka
habang isinusubo sa treser ang palay
habang ibinubuka ang sako
habang nagpapagpag ng gilik sa katawan
habang pinupunasan ng manggas ng kamiseta
leeg at mukhang humuhulas sa pawis.

Pagkatapos madala sa bahay ng may-ari ang palay
naganap na ang hatian
katas iyon ng mga uhay
na saksi sa kanilang mga buntong-hininga
uhaw, gutom, paghihilot ng balakang.

At habang binibilang nila, kani-kanilang pera
nagpatong ng isang pitsel na soft drinks
at tatlong supot na tinapay sa mesa, aking Lola.

At nang sila'y pauwi na
naisaloob ko, sayang, sayang
kung sana ganito man lang ang sinasapit
ng lahat ng magsasaka sa atin.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento