Undas na naman bukas, at gaya ng nakasanayan nina Aling
Epang, maggagayak sila maski paano. Nagpabili na siya kahapon ng sampung kilong
kamoteng-kahoy sa panganay niya, kay Amang.
Nagkukukod siya ng kamoteng-kahoy sa yerong kudkuran, at
naglipana ang malalaking langaw. Meron sa mesa, sa braso niya, sa kamay, sa
mukha, sa kamote, sa planggana.
Paborito ng bunso niyang si Mario ang mga puto, manang-mana
sa Lolo Lucio nito. Kahit ano, di nito uurungan— bibingka, kalamay, palitaw,
ginataang munggo, palarusdos, espasol.
Naalaala niya, noong Mahal na Araw lang, bago siya pumunta
sa bisita at maghatid ng pakain, napalo niya ito. Masyado kasing malikot,
natapon tuloy ang gata ng palarusdos at nabasag ang pinggan. Inasbaran niya ito
nang inasbaran, pagkatapos, nag-iiyak ito, hanggang makatulog.
Binilisan niya ang pagkukudkod ng kamote, para malagyan na
niya ng niyog at asukal, maibalot sa dahon ng saging, mailagay sa steamer. At
nang bukas, madala na sa sementeryo, at maipatong sa nitso ng bunso niyang
mahilig sa puto.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento