Martes, Nobyembre 22, 2011

Hindi Ko Muna Tutulaan ang Buhay


Siguro, ayos lang
maski di ko muna tulaan ang buhay
kahit hindi muna ako sumulat ng tula tungkol sa pagtanda
sa pagdating ng rayuma, sa paglisan ng memorya
sa sakit ng pag-ibig at saya ng pagsinta
sa kirot na dulot ng pamamaalam
sa tuwa’t salimuot ng pagkakaibigan
sa hiwaga’t kirot na bitbit ng kamatayan
sa mga alaala.

Siguro, hindi naman ikalulungkot
ng aking poetika
kung di ko muna tutulaan ang buhay
ang gabi, takipsilim at madaling-araw
ang ilog, unos at bahaghari
kung di muna ako susulat ng soneto
para sa mga ama’t ina
kung di muna ako lilikha ng elehiya
sa di makaigpaw-igpaw na pagsinta
kung di muna makikipagluksa ang aking panulat
sa mga naiwan ng nagpaalam
o makikidalamhati
sa mga namatayan ng kaibigan.

Siguro, hindi naman magseselos ang buhay
sa lipunan
kung ito muna’ng aking tutulaan
kung mga edukadong magnanakaw muna, aking haharanahin
kung mga pambubusabos muna’ng hahandugan ko ng pawis, dugo’t tinta
kung masang namatayan ng pag-asa muna’ng aalayan ko ng elehiya.
Siguro, maiintindihan din naman ng buhay
na may sakit ang lipunan, may taning, naghihingalo
na ito muna’ng kailangang alagaan
at siguro, ikatutuwa rin namang niyang
gumaling ang kanyang anak
dahil pag ganap nang malakas ang lipunan
sa kanya na’ng lahat-lahat sa aking panulat.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento