Sa iyo ko natutuhan, kung paano, tamang paggawa ng quiz
kung paano, tamang pagbato ng tanong
kung gaano kahalagang purihin ang estudyante pag nakatama ng sagot
kung gaano kahalaga, ngiti sa kanila
kung gaano kaimportante, mga payo’t paalala.
Sa iyo ko natutuhan, na kung gusto mong igalang ng mga estudyante
dalawang bagay lang, iyong kailangan— una, iparamdam sa kanilang
hindi mo sila niloloko, na talagang alam mo, tinuturo mo;
ikalawa, iparamdam sa kanilang, mahal mo sila
parang mga anak, parang mga kaibigan
parang bahagi ng pamilya.
Sa iyo ko natutuhang magbanggit ng mga aral
na malayo man, may kinalaman pa rin sa kurso
dahil nga, katwiran mo, buhay ang tunay na asignatura
hindi ang Calculus, hindi ang Trigonometry.
Sa iyo ko natutuhang pahirapan ang mga estudyante
katwiran mo, kaiinisan ka nila, ngayon
pero pag nagtapos na sila, babalikan ka nila
pasasalamatan
di gaya ng madali ang pinapagawa
mataas ang binibigay na grado
katutuwaan, makalipas ang ilang taon
pakiramdam nila, ninakawan sila.
Sa iyo ko natutuhang lumaban, sa kapantay o nakatataas
pag hindi na patas ang batas
pag may mali na sa kalakaran
pag may paninindigan nang natatapakan.
Marami ‘ko sa iyong natutuhan
kaya nga nagulat talaga ako
nang magpatawag ng pulong ang dekano
at sabihing wala ka ng load sa darating na semestre
dahil di ka magaling magturo.