Pumunta si Gessa sa bakuran nila, pumitas ng isang kumpol ng santan sa halamanan ng lola niya, dinala sa likod-bahay. Pagkatapos, umupo siya sa duyan, saka tinikman ang mga ito. Tanaw na tanaw niya roon ang araw, kumukubli na sa Sierra Madre.
Nasa ikaapat na baitang siya noon, nang simulan niyang tikman ang mga santan. Sabi kasi ng lola niya, “Ang lasa ng santan ang lasa ng pag-ibig.”
Matamis at maasim, ito lang ang nakita ang ni Gessa na lasa ng santan, hanggang ngayon na nasa huling baitang na siya sa elementarya. Naiinggit tuloy siya sa kapitbahay nilang may blender, pakiramdam niya kasi, kung ibi-blender niya ito, mas malalaman niya ang lasa ng santan, ng pag-ibig. Kaya noong nakaraan, sinabi niya sa nanay niyang manghiram ng blender sa kapit-bahay, pero nagalit lang ito.
“Ba namang ‘yan na lang, ibi-blender mo pa.”
Kaya nasabi niya, siguro, magiging masaya siya pag nalaman niya ang iba pa nitong lasa.
Nang makatapos si Gessa nang kolehiyo, at maging isang chemist sa isang pabrika ng cosmetics, nagkaroon siya ng boyfriend. Si Reymond, una niyang boyfriend, dahil hindi siya nagpapaligaw noong nag-aaral pa siya. Sabi niya, “Istorbo lang iyan sa pag-aaral,” kaya nasasabihan siyang KJ.
Huling taon na ni Reymond sa chemical engineering, pero bago pa ito magtapos, nagkahiwalay sila. Napuno siya sa napakarami nilang problema, kawalan ng oras sa isa’t isa, selos, sumbatan, tampuhan, mga nakaraang paulit-ulit ibinabalik.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento