Agosto 12, Huwebes
“’Wag na kayong pumasok bukas,” huminto sa pagdidikdik ng
tawas ang nanay ni Joemar, saka tumingin sa kanila, naghihintay ng sagot.
Kumunot ang noo ni Joemar. Alam niya kung bakit, Friday the
thirteenth bukas. Basta ganoon, Huwebes pa lang, pinag-iingat na sila nito.
Pero iba ngayon, pinagbabawalan silang pumasok.
“Bakit?” nakakunot pa rin ang noo niya.
“E a-trese, B’yenes,” ipinamunas nito ng pawis ang laylayan
ng damit— lumitaw ang maitim nitong bilbil.
“Sige, Nay. Pero ‘engeng pidoy, kahit twenty lang,”
nakangiti si Kristina— tamad talaga, sa isip-isip ni Joemar. “Pang-load lang.”
“Oo,” bumalik sa pagdidikdik ang nanay nila.
Hindi kumibo si Joemar, at lumakad na sila ni Kristina.
Nasa ikatlong na taon siya, at si Kristina naman ay sa ikalawa. Parehas silang
section five, kaya panghapon sila parehas. Parehas matangkad na maitim. Mas
mabarkada nga lang si Kristina kaysa sa kanya, at mas matalino raw siya kaysa
rito, sabi ng marami.
Agosto 13, Biyernes
Kahit pinakapilit si Joemar ng nanay niya, at ni Kristina,
na huwag nang pumasok, nagpumilit pa rin siya.
“’Yaan n’yo na nga,” nagsalita rin sa wakas ang tatay niya.
“Mag-iingat ka lang, a.”
Napangiti si Joemar.“Opo.”
Pumasok siya hindi dahil may quiz sila sa chemistry, dahil
10 points lang naman iyon; hindi rin dahil wala siyang gagawin sa bahay, dahil
maganda ang pelikula ngayon sa 5 Max ng TV5; hindi rin dahil gustong-gusto na
niyang makita si Joyce, kahit hindi naman siya nito kilala, dahil taga-section
1 ito; hindi rin para makaiwas siya sa terror teacher nila sa geometry na si
Ma’m Amon; kundi dahil ayaw niyang magpabiktima sa gayong uri ng
paniniwala. Ayaw niyang makisangkot at mapabilang sa mga Pilipinong biktima ng
kung ano-anong kalokohan— mga text message chain na kailangan mong ipasa, dahil
kung hindi, may mangyayari sa iyong masama, at kung ano-ano pa.
Sa klase, na-perfect niya ang 10 points quiz nila sa
chemistry, at puring-puri siya ni Ma’m Amon, dahil ang galing-galing raw niyang
mag-analyze.
Nang pauwi naman siya, nakapulot siya ng P500 sa tabi ng
kanal. At nang malapit na siya sa kanila, hinabol siya ni Abby, kaibigan niya
na taga-section 1.
“May nagpapabigay,” iniabot nito sa kanya ang isang dilaw
na stationery na nakarolyo at may dilaw na laso, parang diploma. “Sige, ha? Me
hinahabol ako,” tumakbo na ito.
Naiwan siyang nakanganga, nakakunot ang noo. Nasasabik na
binasa niya ang nakasulat. Love letter pala, galing kay Joyce. Napangiti siya.
Hindi niya malilimutan ang araw na ito.
Ang “Friggatriskaidekaphobia” ay
ang takot ng isang tao sa “Friday the thirteenth.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento