Sabado, Abril 14, 2012

Inakay sa Likod ng Aircon


Sa mga umagang binubuksan ko ang faculty room
para ayusin ang aking mga gamit,
magpatugtog, magbudbod ng konting saya
sa naiwang mga papel sa mesa
sa may hinahanap na mga silya,
binabati mo ako ng “Magandang umaga.”

Sa mga tanghaling tirik na tirik ang araw
ngunit ramdam na ramdam ko ang lamig ng aircon,
dinig na dinig ko ang iniaalay mong oyayi
sa kabila ng salaaming pumapagitan sa atin,
pampahimbing sa pagod at pagkabagot.

Sa mga gabi, bago ako makipag-unahan
sa pagsakay sa bus na pa-Malinta Exit,
napipilit mo akong ngumiti,
magbawas ng bagahe.

Alam ko, isang umaga, isang gabi
o isang katanghalian,
hindi ko na maririnig ang iyong awit
dahil naging bahagi ka na ng hangin.
Alam kong hinihintay mo ang sandaling iyon,
sabik na sabik ka na,
ngunit ako, malulungkot ako,
hindi dahil mawawala na ang iyong oyayi
o dahil nawalan ako ng kaibigan
kundi dahil isa na namang patunay ang dumaan
na saglit lang kamusmusan.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento