Nabanggit mo sa akin nang gabing dalawin kita sa inyo
at naka-tube kang dilaw,
nang mga sandaling hawak ko ang iyong kamay
at natutukso na naman akong pawiin ang uhaw ng aking mga labi
sa iyong leeg, balikat, at punong tenga,
na dilaw ang paborito mong kulay
at nakita ko nga, may malaking Spongebob sa sulok ng inyong sopa
at dilaw ang iyong tsinelas.
Pero noon, pag naglalakad tayo sa mataong eskinita
pag nagkikita tayo sa tapat ng Jollibee o Mercury Drug
madalas kang nakasuot ng mga damit na malapit sa asul:
lila, lavender, purple.
Sa mga larawan mo naman, mas madalas
puti o itim o berde ang t-shirt o spaghetting tumatakip
sa parang walang tuldok mong kutis,
ibang-iba noong bata pa tayo
na ang hilig mo ay pula, kahel at madyenta.
Kaya talagang natuwa ako,
‘ka ko, mahirap kang pagsawaan
iba-iba kasi ang nagiging kulay
ng pag-ibig ko sa iyo.
Pero hindi pala, dapat ko pala itong ikalungkot
dahil ngayong inihiwalay mo na
ang iyong mga pangarap sa akin
hirap na hirap ako,
naaalaala kasi kita sa ulan at dagat
sa araw at sa mga sun flower
sa guhit sa kuwaderno, sa keyboard
sa gabi, sa langit, sa umaga
sa bahaghari, sa hamba ng pinto, sa unan.
Naalala kita sa lahat ng bagay na may kulay
at sa lahat ng bagay na ang kulay ay wala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento