Kinaiinggitan ko ang lahat mong kakayahan:
ang napakapayapa mong pagtakbo, paglakad
sa mga kisame at haligi ng bawat tahanan,
payak man o magarbo, dampa man o mansiyon,
ang matiyaga mong paghihintay
sa nagruruwedang kulisap
na naglalaro sa masayahing liwanag,
ang malamig mong tinig
na uyaying kayganda sa kaluluwa
lalo’t nakalatag na ang dilim
at ang diwa’y pumalaot na sa panaginip.
Ngunit higit sa lahat, kinaiinggitan ko
ang tapang mong isakripisyo
ang isang tapyas ng iyong pagka-butiki
para sa kapakanan ng mas malaking bahagi.
Alam ko, paulit-ulit mo itong gagawin,
hangga’t may nakikilala kang krisis,
titiisin ang hapdi, sumbat, pangungutya’t pangungulila
kasabay ng mala-haliging paniniwala’t katatagan
na bukas-makawala
mag-uusbong ng bago at mas marikit
ang lahat ng iyong pagpapakasakit.
ang ganda sir.. ang pagsulat mo ay isang talento na tlg nmn nakakainggit!
TumugonBurahin