Matapos ninyong lagutan ng ugat at kabuluhan
mga kapatid ko rito sa Baguio
tuluyan kong napagtanto
‘singkapal ng katawan ng kawayan
pagmumukha ninyo
at ‘singkitid ng dahon ng ipil
inyong pag-iisip.
Pangahas kayo’t padalos-dalos
at sa sagad sa ugat na kamangmangan,
di niyo nga mapagtatantong
sa amin nanggagaling ang buhay ninyo’t hininga
na sa pagpatay sa amin
isa-isa ninyong kinikitil
mga kaibigan ninyo, anak, asawa,
at di niyo mauunawaang
kami ang tagatala ng kasaysayan.
Di niyo pa nasisilayan ang mga ulap
naiintindihan na namin ang pighati ng mga uwak
at pagkaligalig ng mga bulalakaw.
Ngunit hinti pa tapos ang laban, gaganti kami,
ipararanas namin sa inyo ang paghihirap
na sisimulan namin sa katotohanang
ang perang kinatas niyo sa aming katawan
na ipinaglalaban niyo ng patayan
ipinagpapalit sa dangal
ay kailan man, hindi niyo maipampapasak
sa nagmamakaawang sikmura.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento