Araw-araw akong nangungulila sa iyo
aking tenga sa mataray mong tinig
mga mata sa matatalim mong titig
mga daliri’t palad
sa malambot ngunit may kaliitan mong kamay
sa burgundy ngunit may split ends mong buhok
pares ng labi sa madidiin mong halik.
At gustong-gusto ko nang makalimot
makatulog nang mahimbig
mailayo ang aking dibdib
sa sanlibo’t dalawang tusok ng karayom.
Kaya kinamumuhian ko ang napakaraming bagay
na naglalayo sa akin sa paglayo
mga dahon at hanging amihan
na maya’t maya kang pinag-uusapan
mga kuliglig na sambit nang sambit sa iyong ngalan
nakatuping kumot, kobre kamang lukot, malungkot na unan
na nagpapadama sa akin ng iyong yakap
sa pagmumukmok ng buong magdamag
makinis na labi ng baso
na nagpapagunita sa akin madidiin mong halik
isang timbang tubig
na nagpapakita lagi sa akin
ng mataray mong anyo, matalas na titig.
Kinamumuhian ko silang lahat
na hadlang sa aking kapayapaan
at gusto ko nang maluha
kahit nakahihiya
dahil napakahirap humakbang pag ganito
na kalaban ang buong mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento