Lunes, Disyembre 26, 2016

Sapagkat Lagi Tayong Nagmamadali


Hindi na tayo kumakanta kung naliligo,
hindi na halos nakikipagtawanan kung kumakain,
hindi na kinakausap ang sarili sa salamin.
Hindi na natin tanda
kung kailan natin huling pinagmasdan
ang dapithapon at bukangliwayway,
kung kailan huling ikinagalak
ang biglaa’t malakas na ulan.
Hindi na tayo nakikipagkumustahan
sa mga kapatid, mga kaibigan
hinggil sa kanya-kanyang kalagayan.
Nalilimutan na natin ang rikit
ng payak at libreng mga bagay.
Nagmamadaling makina na
ang tingin natin sa buhay.
At sa pagitan ng bawat pagsalubong natin
patakbo
sa paparating na dyip,
sagsag na paglakad
papasok sa trabaho,
naiiwan natin sa hindi na nahalong kape
ang mga munting piraso
ng ating pagkatao.


12/13/16

Huwebes, Nobyembre 3, 2016

Mekanikal


Kanina, nang lampas
dose oras na sa opisina,
natabunan ng papel,
nag-iisa,
may narinig akong
mahinang ugong ng makina.
Hinawi ko ang kurtina,
walang dumaraang sasakyan
sa malapit na kalsada.
Walang naiwang gadget sa silya,
sa mesa, istante o mesita.
Ilang araw na akong
nakatira sa opisina.
Gabi-gabing mag-isa.
Hinlalato ng relo ang mga mata.
Ito ba ay tunog
ng aking hininga?



10/14/16

Tugon


Ihihingi ko pa rin ng paumanhin
ang hungkag kong ganti
na “Ok lang,”
wala ni bahagyang ningas,
sa pangungumusta mong
biglang nagparamdam
kaninang
meron kang kailangan.



10/6/16

Titser


Marami tayong papel.
At isa na nga rito,
matabunan ng papel.



10/10/16

Sound (T)rip


May mga musika
na isasalba ka
sa parusa ng kalsada.
May mga musika na
pasasagasaan ka
sa harurot ng alaala.



10/11/16

Libro


Huwag sanang isiping
madamot ako.
Mga munti kong piraso,
itong hinihiram mo.
Ako ang napupunit
tuwing isinasauling gulanit.
Ako ang nasusugatan,
tuwing natutuklasang
may mantsang naiwan.
Huwag sanang isiping
ito ay pagkamakasarili.
Mas nais ko ang pang-uring
umiibig
kaya namimili, nag-aatubili.



10/6/16

Pahina


Merong pagkakataong
sa pagbuklat sa libro,
siyang mababasa mo
ay munti mong piraso.



10/6/16

Humahaba ang Tulay sa Ating Pagitan


Nakatitiyak na ako, kaibigan,
humaba ang tulay sa ating pagitan.

Tulad ng halos lahat,
nagsimula tayong may pader sa pagitan.
Manipis, hindi kataasan.
At aksidente,  atin itong nabutasan.
Noon tayo nagkakitaan.
Hanggang lumaki ang guwang
at gumuho itong harang.
Pero, maaari rin akong
maging higit na romantiko
sa paglalarawan,
sabihing ganito ang tadhana,
lumilikha ng paraan.

Hindi ko alam, kaibigan,
kung papaanong ang matatag na tulay
na nag-uugnay sa ating dalawa
ay tila nanghina, humaba.
Hindi ako naniniwala noong simula
sapagkat sa akin, mito lang ang ganito
nabubuhay sa mga kuwento
sa mga pelikula
sa mga salaysay
ng ating mga magulang.
Pero ngayong tayo na ang nasa edad
na siya namang magsasalaysay
nakatitiyak na ako.
Humaba ang tulay sa ating pagitan.
At batid kong maraming sanhi,
at hindi sa pagmamalaki,
hindi ko iyon maihihingi ng paumanhin.
Sapagkat iyon ay mga anak lamang
ng ating pagkakaiba
ng pagiging abala
at pagkakaroon ng distansiya
ng pangangailangang saglit na mang-iwan
para sa mga pangangailangang
dikta ng lipunan.

Ngunit nais kong humiling,
at malakas ang aking paniniwalang
bilang magkapatid, magkaibigan
hindi ito kalabisan.
Kahit humaba pa ang tulay
sa ating pagitan,
humina, na parang mawawalan ng tatag,
tumaas, maging nakalulula
tatawid pa rin ako nang paulit-ulit.
At sana, ganoon ka rin,
dahil napakabigat sa aking dibdib kung hindi.
Kahit sa gitna nitong tawiran,
katagpuin mo ako, kaibigan.
Huwag nating hayaang
bumalik sa harang
itong tulay na ating inalagaan.



10/10/16

Academic Store


Pumila siya
sa mahabang pila sa kahera.
Gaya niya
pinakamahal na paninda
ang bibilhin nila—
diploma.



10/9/16

Halloween


Tayo rin mismo
ang eskultor ng mga multo,
sa sinasabi nating
supling ng dilim,
kampon ng demonyo.
Binubuhay natin
ang mga nilalang sa mga mito
sa mga alamat—
manananggal, kapre, aswang
mangkukulam, nuno, tikbalang
sigbin, tiyanak, mambabarang—
hindi para isalba
sa kutsilyong kuko ng mga makina;
hindi para manatili sila
sa ating kultura, sa ating haraya.
Kundi sa duwag
at makasariling dahilan.
May personal
at kolektibong tayong mga aswang—
na hindi na nga matakbuhan,
hindi pa matitigan.


11/1/16


Apartment


Pinipilit mong maniwalang
may ekwalidad sa kamatayan,
espesyal na uri ng pagkakapantay-pantay,
na sa huling hantungan
walang mahirap, walang mayaman.
Pinipilit mong maniwalang
may mga bagay
na hindi saklaw
ng lupit, ng sama, ng saklap—
ng lipunang walang habag.
Nakikipagbuno ka sa pagkabagot.
Hinihintay maupos
ang mumurahing kandila
sa apartment na libingan
ng iyong ina,
samantalang nakatingin ka
sa pamilyang nangakapustura
sa musuleong putting-puti ang pintura
at nalulusaw
ang mga ice cream na Magnolia.


11/1/16

Linggo, Oktubre 2, 2016

Nagpakain sa Sistema


Papasok kang masigla.
May mga mata, tainga.
May puso, may kaluluwa.
Papasok kang
buhay na buhay ang pandama.
Papasok ka sa kumpanya
na ikaw
ang ikaw.
Indibidwal na nakauunawa,
alam ang mga dapat
ang mga kailangan.
Ang para sa lipunan.
Tatabunan ka ng mga gawain
sa pinapasukan,
sasakalin
ng malalabong patakaran,
bibingihin
ng makasariling mga angal.
Mawawala ka ng panahong
magsuri, magtanong.
At dahan-dahan kang mauupos.
Patuloy kang magpapanhik-
panaog.
Panhik,
panaog.
Panhik,
panaog.
Panaog.
Panaog.
Panaog.

Panaog.

Sa mekanikal mong pagbangon,
isang umaga,
malalaglag ang iyong mga tainga,
gugulong ang iyong mga mata.
Magtatago sa unan
ang iyong kaluluwa.



9/29/16

Lunes


I
Kahapon, ang tangi mong
pahinga. At hayun ka,
nginatngat at nilapa
ng sanlaksang labada.

II
Hibla lamang ang ating
pahinga. At bukas, sa
aligagang kalsada,
mayroon muling g’yera.

III
Mga daliri tayong
mekanikal ang galaw.
At itong hawlang s’yudad,
ang matandang orasan.

IV
Maiksi lamang ang buhay,
‘ka mo. At heto pa tayo,
di masakay. Dinukutan
ng mga kamay ng relo.


9/25/16

Lipat-Bahay


I
Labis ang ating pagod
sa gin’wang paghahakot.
Ngayong gabing malungkot,
bakit di makatulog?

II
Samu’t saring gamit ang
hindi natin makita.
‘Sinama na ba sila
ng mga alaala?

III
Kay lubak nitong bagong
daan. At ayos lamang.
Sapagkat habambuhay,
di na tayi lilisan.

IV
Kay sarap gumising sa
umaga. Sa bahay na
inyo na, koleksiyon
ang laksang alaala.



9/25/16

Pag-uwi


I
Sanlaksa’ng salaysay, sa ‘ting
dinadaanan. Sayang, na
sa durog nating katawan,
larawan lang na daraan.

II
Mabuting Samaritano
rin ang ilang estranghero.
Sa b’yahe natin sa mundo,
marami ring tandang bato.

III
Mahirap lagi’ng magb’yahe
sa lungsod. May lungkot, takot.
Ngunit uuwi may sigla.
Saya ko’ng makita sila.

IV
Minsan, nakamata ang b’wan
sa ‘king pagal na katawan.
Mapanglaw, at umuusal,
“Kaya mo ‘yan, kaya mo ‘yan.”



9/28/16

Linggo, Agosto 28, 2016

2:09 AM


Bigla, babaeng kay hirap mapasagot
ang naging tingin ko sa antok.
Niligawan ko na, hinarana,
hindi pa rin ibinibigay
maski ang malabong “sige na.”
Balak ko na ngang dramahan
at pagmakaawaan.
“Please naman, please naman.”
Hindi ko na tuloy napigilan,
naitanong ko minsan:
“Ano ba ang problema?”
Kumunot ang noo niya,
parang siya pa ang takang-taka.

“Panay kasi ang isip mo sa kanya.”

Mountaineering


Ipinagkakatiwala natin,
ipinakikipagsapalaran, isinusugal
ang ating mga Linggo,
ang nag-iisang araw sa ating isang linggo
na malaya tayo,
na maaari tayong lumipad,
na nagiging buo ang ating pagiging ako.
Iniiwan natin ang lungsod,
inaakyat, sinusukat, sinusubok
ang tarik, salimuot ng mga bundok.
Sapagkat naluluha tayo, nasusuka
sa sulasok ng usok.
Natutulig sa atungal ng mga tambutso’t*
mararahas na balita.
Nanlulumo sa matinding lagim
ng mga kahirapa’t pagmamalupit.
Kaya kahit mukhang wala nang lakas,
kahit mukhang nanghihina’t napapagal
ang ating mga pakpak,
lagi pa rin tayong naglalakbay.
Kinakaya ang tarik
at ang bigat ng mga dalahin—
at putik, sakaling dumating
ang ulang mabango at malinis.
Tinatawanan natin ang mga pagkakadulas,
at alam nating tumatatag
ang ating pagkakaibigan.
Sa pagsasabi ng “Ingat,” sa mga pag-alalay.
Hindi tayo nalulula kung nasa tuktok na tayo.
Dito natin lalong pinaniniwalaang
may nakahihigit sa atin,
tahimik, walang sawang nagmamasid.
Bubusugin natin ang ating mga mata
mga pandama, at kaluluwa
sa rikit, bango, himig
ng payapa’t lungtiang paligid.

At kinabukasan, Lunes, pagkatapos ng lahat
babalikan natin ang ating mga naiwan.
Matatag na naman
ang puso’t mga laman.
At gaya ng bundok na hindi natitinag,
hindi tayo kakayaning bugbugin
ng halimaw na siyudad.


*pasintabi sa maikling kuwentong “Si Anto” ni Rogelio L. Ordoñez, na siyang pinagmulan ng linyang “atungal ng tambutso.”

Sabado, Mayo 28, 2016

Sinulid


Sinulid ka na lang kung sumagi
sa aking isip,
madaling hawiin,
mabilis mapatid.
Nadapa ako kaninang madilim-dilim.
Nakapulupot na pala
ang mga alaala mo sa akin.


Paligsahan ng mga Gusali


Marahil, iisa lamang ang kanilang pangarap
ang mahigitan ang mga ulap
o masaling ang kalawakan.
Ipagkakait ng kanilang paligsahan
ang hiwaga ng dapithapo’t bukang-liwayway,
ililihim ang pinagmumulan
ng makapangyarihang ulan,
papaslangin ang rikit
ng bahaghari’t mga bituin
at itataboy ang patnubay
ng nagmamalasakit na buwan.
Walang magtatagumpay
sa walang hanggan nilang paligsahan.
Ngunit malinaw, sa malapit nang bukas
sa atin ang mga matang mapanglaw
na mag-aapuhap ng kalangitan.


Bagahe


Iba ang mga bagahe ng ating dibdib.
Hindi naisasalansan,
hindi madaling unawain.
Sa mahaba at payapang paglalakbay
tungo sa kinalakhang lalawigan,
hindi natin sila inilalagay
sa compartment ng bus,
ipinagkakatiwala sa konduktor
o sa maalikabok na lagayan
sa ulunan ng mga upuan.
Hindi natin sila iwinawalay sa atin,
hindi lang dahil hindi maaari,
kundi dahil nais natin silang kilalanin,
unawain, kaibiganin.
Saka natin isa-isang kukunin sa ating dibdib,
dadamhin ang kanilang bigat,
kikilatisin ang mga laman
saka tatanungin ang sarili.
Kailan at saan kita nakuha?
Papaano ko kayo naipon?
Kailangan ko pa ba ang iyong bigat?
At kung maging malinaw ang lahat,
Itatapon natin sa labas ang bagahe
o isisiksik
sa mga tagong sulok sa ating dibdib.


Abril


Kaninang madaling-araw,
alinsangan ang muling
gumising, nagpabangon sa akin.
Naglalagablab ang kama
at nagbabaga ang kurtina.
Napangiti ako sa mabilis
na panunulay ng pawis.
Higit itong kaibig-ibig
kaysa dating kawalan ng himbing
sa kirot
ng malamig na pag-ibig.

Linggo, Abril 24, 2016

Bakunawa*


Hindi ako natatakot sa eklipse
(hindi sapagkat ito ay saglit lamang)
maski pa ang matandang hiwaga’t
bagabag
ay maaaring mangahulugang
naririyan ka lamang.
Hindi ko kinatatakutan
ang sanlaksang tanong sa isip.
Kung kaya mong lunukin ang buwan,
papaano pa ang aming bayan?
Saang karagatan ka nananahan
at tuwing kailan ka umaahon?
Lalamunin ba ng dagat ang lungsod, pagkatapos?
Papaano kung nagbubuga ka ng apoy
at kung may mahampas na gusali
ang iyong buntot?
Gaano kalupit ang igaganti mo sa sanlibutan
sa pagsira sa karagatan?

Hindi ko pinanghihinayangan
ang nilunok mong mga buwan.
Sa halip, nasasabik kong inaalam
ang petsa ng laho,
inaabangan, pinagmamasdan.
At masidhi kong pangarap
na marinig ang kalampagan ng mga metal
ng aking mga kababayan
na nag-uutos,  “Iluwa mo ang buwan!
Iluwa mo ang buwan!”
Sapagkat labis itong galak
na sa di malibot na sanlibutan
lumikha ng tuldok aming panitikan.



*Sang-ayon sa Wikapedia, ang bakunawa ay “Isang malaking dragong nananahan sa ilalim ng dagat. Kinakain nito ang buwan na sanhi ng pagkakaroon ng eklipse. Sa mitolohiya [ng Pilipinas], may pitong buwan na nakapalibot sa mundo dati. Sa labis na pagkabighani sa mga ito, kinain ng bakunawa ang mga buwan hanggang sa isa na lamang ang natira. Nagalit si Bathala kaya pinarusahan at binawalan niya ang bakunawang kainin ang natitirang buwan. Subalit may mga panahong sinusuway nito si Bathala kaya nag-iingay ang mga tao gamit ang kalampagan ng mga metal upang matakot ang bakunawa at muli nitong iluwa ang buwan.” 

Sabado, Abril 23, 2016

Ornamental


Lagi silang nasa dibdib
ng mga opisinang malamig
malinis, tahimik, bingi.
May mapagkumbabang mamahalin,
may hambog na mumurahin.
Iba’t ibang sukat. Kanya-kanyang rikit.
Nakalilibang ang laberinto
ng mga guhit:
malapad, kikipot, tutulis
liliko, iikot, iikut nang iikot
parang ipu-ipo
ninipis nang ninipis
maglalaho.
Nakaaaliw ang sabog ng mga kulay:
matingkad, masalimuot
mapusyaw, malungkot;
kanya-kanyang identidad,
kuwento, tunog.
Masigla ang saboy ng tingkad
ng nagkukubling araw.
Tahimik na umiiyak
ang mag-isang bangka sa dalampasigan.
Ipinagdiriwang ng mga damong-ligaw
ang kanilang kalayaan.
Gayunman, sa uulitin
higit sa ang mga ito
ang nais ang angkinin ng aking mga titig.
Kundi salimuot ng buhay, ng lipunan:
nakasusulasok na basurahan
kinakalkal ng walang mukhang
hukluban,
dalawang paslit na nag-aagawan
sa matigas na matigas na monay,
binatang nagnanakaw ng sulyap
sa kinang ng kuwintas.
Sapagkat ang sining
ay higit na mabigat sa dibdib
at nanggigising,
kaysa likhang palamuti lamang sa dingding.