Huwebes, Nobyembre 3, 2016

Humahaba ang Tulay sa Ating Pagitan


Nakatitiyak na ako, kaibigan,
humaba ang tulay sa ating pagitan.

Tulad ng halos lahat,
nagsimula tayong may pader sa pagitan.
Manipis, hindi kataasan.
At aksidente,  atin itong nabutasan.
Noon tayo nagkakitaan.
Hanggang lumaki ang guwang
at gumuho itong harang.
Pero, maaari rin akong
maging higit na romantiko
sa paglalarawan,
sabihing ganito ang tadhana,
lumilikha ng paraan.

Hindi ko alam, kaibigan,
kung papaanong ang matatag na tulay
na nag-uugnay sa ating dalawa
ay tila nanghina, humaba.
Hindi ako naniniwala noong simula
sapagkat sa akin, mito lang ang ganito
nabubuhay sa mga kuwento
sa mga pelikula
sa mga salaysay
ng ating mga magulang.
Pero ngayong tayo na ang nasa edad
na siya namang magsasalaysay
nakatitiyak na ako.
Humaba ang tulay sa ating pagitan.
At batid kong maraming sanhi,
at hindi sa pagmamalaki,
hindi ko iyon maihihingi ng paumanhin.
Sapagkat iyon ay mga anak lamang
ng ating pagkakaiba
ng pagiging abala
at pagkakaroon ng distansiya
ng pangangailangang saglit na mang-iwan
para sa mga pangangailangang
dikta ng lipunan.

Ngunit nais kong humiling,
at malakas ang aking paniniwalang
bilang magkapatid, magkaibigan
hindi ito kalabisan.
Kahit humaba pa ang tulay
sa ating pagitan,
humina, na parang mawawalan ng tatag,
tumaas, maging nakalulula
tatawid pa rin ako nang paulit-ulit.
At sana, ganoon ka rin,
dahil napakabigat sa aking dibdib kung hindi.
Kahit sa gitna nitong tawiran,
katagpuin mo ako, kaibigan.
Huwag nating hayaang
bumalik sa harang
itong tulay na ating inalagaan.



10/10/16

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento