Linggo, Abril 24, 2016

Bakunawa*


Hindi ako natatakot sa eklipse
(hindi sapagkat ito ay saglit lamang)
maski pa ang matandang hiwaga’t
bagabag
ay maaaring mangahulugang
naririyan ka lamang.
Hindi ko kinatatakutan
ang sanlaksang tanong sa isip.
Kung kaya mong lunukin ang buwan,
papaano pa ang aming bayan?
Saang karagatan ka nananahan
at tuwing kailan ka umaahon?
Lalamunin ba ng dagat ang lungsod, pagkatapos?
Papaano kung nagbubuga ka ng apoy
at kung may mahampas na gusali
ang iyong buntot?
Gaano kalupit ang igaganti mo sa sanlibutan
sa pagsira sa karagatan?

Hindi ko pinanghihinayangan
ang nilunok mong mga buwan.
Sa halip, nasasabik kong inaalam
ang petsa ng laho,
inaabangan, pinagmamasdan.
At masidhi kong pangarap
na marinig ang kalampagan ng mga metal
ng aking mga kababayan
na nag-uutos,  “Iluwa mo ang buwan!
Iluwa mo ang buwan!”
Sapagkat labis itong galak
na sa di malibot na sanlibutan
lumikha ng tuldok aming panitikan.



*Sang-ayon sa Wikapedia, ang bakunawa ay “Isang malaking dragong nananahan sa ilalim ng dagat. Kinakain nito ang buwan na sanhi ng pagkakaroon ng eklipse. Sa mitolohiya [ng Pilipinas], may pitong buwan na nakapalibot sa mundo dati. Sa labis na pagkabighani sa mga ito, kinain ng bakunawa ang mga buwan hanggang sa isa na lamang ang natira. Nagalit si Bathala kaya pinarusahan at binawalan niya ang bakunawang kainin ang natitirang buwan. Subalit may mga panahong sinusuway nito si Bathala kaya nag-iingay ang mga tao gamit ang kalampagan ng mga metal upang matakot ang bakunawa at muli nitong iluwa ang buwan.” 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento